Chapter 1: The Bearer

Start from the beginning
                                        

Bumuntonghininga ako.

Buhat nang mawala si Soledad Cirrano o Solci, bumalik na ulit sa tahimik ang pamumuhay ko rito sa Cebu. Siya lang kasi ang palaging nangungulit at kumakausap sa ’kin simula nang lumipat kami rito. Kapitbahay ko siya at saka katabi ko rin dito sa silid-aralan namin. Kung paano siya naglaho na parang bula ay wala na ’kong ideya roon.

“Sa wakas . . . natagpuan ko na rin ang Bearer.”

Kumunot ang noo ko at awtomatikong pumihit ang aking atensyon nang may marinig akong bulong. Dumapo ang mga mata ko sa ’king kaklase na nasa likuran ko, ’tsaka ako nagsaboy ng kuwestiyon: “Ha? Unsa imong giingon?” (Ha? Ano’ng sabi mo?)

Halos magdugtong naman ang mga kilay ng kaklase kong lalaki. ’Yong tipong natatanaw niya ’kong nakasuot ng tuxedo ngunit hindi naman ako dadalo sa matrimonyo. Ilan pang sandali, tumakas sa kanyang bibig ang mahinang tawa. “Naunsa ka, uy? Okay ra ka? Katol pa!” (Ano’ng nangyari sa ’yo? Ayos ka lang? Katol pa!)

Muli akong napatingin sa harap at napahawak sa unan na nakapulupot sa leeg ko. Sino kaya ’yon? Napalinga-linga ako sa paligid subalit abala silang lahat sa pakikinig sa diskusyon ng aming guro. Kulang lang siguro ako sa tulog.

“Olin the Bearer, masaya akong nagbalik ka na rito sa Cebu.”

Lumingon ako sa kaliwa’t kanan, pero wala talagang nakatingin sa ’kin. Para akong nakaharap sa isang math equation na hindi ko alam kung paano i-solve. Yawa!

“Olin Manayaga!” Pumailanlang ang sigaw ng aming guro sa loob ng silid. “Ibutang kana nga unlan sa imong bag”—pinanlakihan niya ’ko ng mata habang nakaturo sa nakayakap na unan sa leeg ko—“karon dayon!” (Ilagay mo ’yang unan sa loob ng bag mo—ngayon din!)

Pero sobrang bilis ng mga sumunod na nangyari. Namalayan ko na lang na sumisigaw na ang aking mga kaklase sapagkat walang-kaabug-abog ay nag-ibang-hugis ang isa sa kanila; mula sa isang inosenteng estudyante, naging kulay-uling at malaking paniki ito saka lumilipad-lipad sa itaas ng kanyang silya. Matulis ang kanyang dalawang ngipin, mabalahibo ang katawan, at may kulot na buhok.

“Olin,” pagtawag ng babaeng paniki habang nakatutok sa ’kin ang pula niyang mga mata, “sumama ka sa ’kin!”

Ang puso ko ay naghuhuramentado habang nakatitig kanya. ’Di ko alam ang gagawin sa oras na ito. Ako ang kailangan niya? Pero bakit? Ano’ng kailangan niya sa ’kin?

Napakislot at napahalinghing ako nang may biglang uminit sa ’king leeg. Napaso ang palad ko nang hawakan ko ito. Ordinaryong marka lang ito noon! Pero ano’ng nangyari dito ngayon?

Tinapunan ko ng tingin ang babaeng paniki at lumipad ito patungo sa kinalulugaran ko. Yawa! Namayani rito sa loob ang walang patid at nakatutulig na sigaw ng mga kaklase ko. Namataan kong ang ilan sa kanila’y walang kagatol-gatol na tumakbo palabas ng aming silid-aralan. Samantalang ang iba’y tumayo, humakbang, at bumuo ng alyansa malapit sa pisara.

Sa kabutihang-palad, bago pa ako madale o masaktan ng malaking paniki ay bigla siyang tumilapon palabas ng bintana, dahilan upang mabasag ito at masira. Natapunan pa ako ng mumunting bubog bago ito tuluyang saluhin ng makintab na sahig, kaya nagawa kong pansangga ang dalawa kong kamay.

Olin in Kahadras [Volumes 1 & 2]Where stories live. Discover now