Kabanata 26: Ang Nega

Bắt đầu từ đầu
                                    

Tinawanan niya agad ako saka tinusok-tusok ng kutsara ang laman ng cup niya. Ako naman, itinuloy ko na lang ang pagsuklay sa basa niyang buhok para hindi nagkakasala-salabit.

Ito lang naman ang kaligayahan nito ni Chamee e. Basta naibibigay ko ang gusto niya, masaya na 'to sa buhay.

Pinatutuyo ko pa lang ang buhok ni Chamee sa may cottage, naglalaro na yung mga pinsan niya roon sa buhanginan. Yung mga tito at tita niya, parang may kinakausap sa malapit. Parang mga kakilala yata na staff rito sa resort.

Si Alyna, hayun at ginagawa na naman ang trabaho niya. Kuha na naman nang kuha ng shots kaya hindi ko na pinigilan kasi malamang, ipadadala agad niya sa mama niya ang mga image pagkatapos.

Ang naiwan kasama namin sa cottage, si Yayo na nagliligpit ng mga pinagkainan saka basura sa mesa. Hindi ko maipaliwanag pero parang nagtatangka yata 'tong may sabihin pero hindi matuloy-tuloy.

"Babi, mi-miss ko na si Ninicorn," sabi ni Chamee habang nakanguso matapos kong suklayan nang maayos ang buhok niya.

"Miss mo na si Ninicorn?" Kinuha ko na rin yung laruan niya sa bag.

"Ninicorn!" Niyakap niya agad yung laruan kahit hindi ko pa nabibitiwan para ibigay sa kanya. 'Yon na ang pinaglaruan niya habang nagliligpit ako ng mga gamit namin.

"Andoy . . ."

Nag-angat ako ng tingin kay Yayo para magtanong. "Bakit?"

"Uhm . . ." Biglang tumipid ang ngiti niya. Malamang na binabagabag 'to ng inamin sa kanya kanina ni Alyna. "May . . ." Itinuro niya ang likod niya, doon sa mesa. "May natira pang suman dito saka buko juice, baka gusto mo."

"Sige, lagay mo lang diyan," sabi ko na lang.

"Babi, sasama ako kay Mima. Pe-play kami ni Ninicorn."

"Sige, pe-play ka muna kay Mima." Ibinaba ko siya sa upuan saka ko nilagyan ng towel sa likod para masalo ang pawis kapag tumakbo na naman. "Ingat ikaw, anak, ha? Baka madapa ka, maraming bato."

"Ba-bye, Babi!" Nag-close-open pa siya ng kamay saka ko hinayaang umalis papunta roon kay Alyna na picture lang nang picture sa dagat saka sa langit.

Nilapitan ko agad yung mesa para makain na yung inalok ni Yayo na natirang pagkain.

"Maalaga ka sa anak mo, 'no?" sabi ni Yayo habang nag-iimis ng natitirang mumo sa mesa.

"Wala naman akong ibang gagawin kundi alagaan 'yon e."

"Ikaw lang mag-isa?"

Natawa ako nang mahina habang binabalatan yung natirang suman. "Hindi naman sa gano'n."

"Hindi mo kasama si Ma'am Alyna?"

Mukhang uusisain nga talaga 'to ni Yayo sa 'kin.

"Si Alyna, ninang 'yan ni Chamee," kuwento ko habang ngumunguya. "Literal na malayong mama niya rin. Medyo komplikado kasi yung setup namin ni Alyna sa ngayon, pero kung alaga lang naman ang pag-uusapan, hindi ko masasabing may kulang kay Chamee ngayon kahit pa wala na si Geneva. Hindi namulat ang anak ko nang walang tatay, at hindi ko palalakihin ang anak ko nang walang kamumulatang nanay. Walang nagkulang sa amin ni Alyna pagdating sa pag-aalaga kung 'yon ang gusto mong itanong."

Tingin ko naman, naramdaman din ni Yayo na hindi ko gusto ang pinag-uusapan namin kaya matipid na lang siyang ngumiti saka nagpaalam na itatapon ang mga basurang naipon sa cottage namin.

Hindi naman sa ayokong pinag-uusapan ang tungkol sa pagiging ama ko kay Chamee at pagiging Mima ni Alyna sa bata, pero kakambal kasi ni Gen si Yayo. At ang alam ni Yayo, tunay kong anak si Chamee.

The Wayward Son in AklanNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ