Kabanata 8: Ang Ulila

7.6K 590 244
                                    


East Avenue, July 14, 2015



Hindi ako nadadaan ng ospital maliban kung may medical exam ako sa trabaho. Ayoko sa ospital. Ewan ko ba? Sa amoy? Sa mga tao? Huling memorya ko na sinabi kong ayoko nang tumapak ng ospital e noong isinugod sa ospital si Tatay. Yung katabing kama, may umiiyak na lalaki. Nakabalot ng gasa 'tapos sunog ang buong katawan. Umiiyak siya, sinasabi niya, gusto na niyang mamatay. Patayin na lang daw siya.

Pitong taon ako noon nang mamatay ang tatay ko. Nasa ospital ako noon, ako yung tagabigay ng tubig sa kanya. Hindi kami mayaman. Wala kami n'ong parang sa mga pelikula na sa isang kuwarto, kami lang ang nandoon.

Hindi.

Sa ospital, hile-hilera ang mga pasyente. Wala kaming sariling kama. Nasa banig lang ang tatay ko na nakapatong sa gawa-gawang katre. Dinadaanan minsan ng nars, tinatanong kung kumusta ang pakiramdam, saan ang masakit, nahihirapan bang huminga. 'Tapos itatanong kung nakabili na ba ng dextrose, nakabayad na ba sa kahera. May pera bang pambayad hanggang ilang araw.

Pitong taon, 'king ina, sa akin itatanong ang mga 'yon, malay ko ba sa mga 'yon.

Para akong batang pinilit patandain. Na dapat may utak ka agad na pangmatanda kasi kung wala at tatanga-tanga ka, mamatay na lang kayong dilat, walang may paki.

Kaya noong namatay ang erpats ko, sabi ko na lang sa sarili ko, baka gaya siya n'ong katabi naming pasyente. Sinabi rin siguro niya na gusto na niyang mamatay kaya nagpahinga na lang nang tuluyan.

Ayoko ng alaalang 'yon. Erpats ni Pol, noong namatay, walang hirap e. Basta hindi na lang nagising. Yung tulog, wala nang gisingan. Iyon, ayos pa ako sa ganoon. Hindi ako makakarinig na nagmamakaawa o ano.

Karga-karga ko si Chamee pagpasok namin sa lobby ng East Ave. Maliwanag naman sa loob pero para akong nasa horror movie. Nakakasakal na hindi ako makahinga. Wala akong pakialam kung green ang paligid, hindi maganda sa pakiramdam sa loob.

Bago pa ako manghina, nagtanong na agad ako sa front desk.

"Miss, nandito ho ba si Paul John Mendoza saka yung kasama niya?" Ang sama ng timpla ng mukha ko habang inuugoy-ugoy ko si Chamee. Ayokong umiyak 'to, baka sumabay lang ako imbes na patahanin ko.

Sa taxi pa lang, hindi na nawala ang kilabot ko. Hindi ko nga mabilang kung ilang mura ang ginawa ko habang hinihigpitan ko ang yakap kay Chamee.

Umaasa ako na baka masaid ang ipon ko kung sakaling may ooperahan o ano kina Pol. Wala na rin akong pakialam kung maubos ang ipon ko. 'Tang ina, aanhin ko naman ang pera kung wala na yung mga kasama ko sa bahay? Kaso ewan ko na. Parang nawalan ako ng buto sa sagot ng attendant.

"Yung naaksidente po ba kaninang umaga? Nasa morge na po. Tinatawagan na ang pamilya. Makipag-coordinate na lang po kayo sa mga nag-a-assist doon sa hallway, dito po sa kaliwa, sa may ER Trauma. May nurse saka nag-a-assist po doon na kumakausap sa mga kaanak."

Parang bumagal na bumilis ang takbo ng oras. Yung iyak ko, naipon sa loob. Naupo na lang ako sa waiting area sa labas, doon sa may pharmacy, kasama ng ibang bantay roon habang nakatulala ako sa sahig.

Ayaw mag-sink in sa akin ng narinig ko.

Paulit-ulit kong nire-rewind sa utak ko ang instruction ng attendant kaso sumisingit yung kung sino ba ang nasa morge.

Hindi ko alam e.

Ang sabi, isinugod sa ospital. Ibig sabihin, buhay pa. Pero bakit nasa morge na?

The Wayward Son in AklanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon