Kabanata 21: Ang Kababata

7.8K 431 251
                                    

Sa totoo lang, hindi ako mapakali sa inuupuan ko. Nahawa na 'ko kay Chamee na panay ang tingin sa labas ng bintana ng sasakyan.

Hindi naman ganoon kalayo mula sa airport na literal na dadayo kami ng isla. Wala ring traffic. Kung tutuusin, para ngang daan din sa Novaliches ang itsura ng kalsada. Maraming puno, oo. Pero hindi ko masabing nasa probinsiya ako kasi same lang ng ambience sa liblib ng kina Pol ang paligid. Wala pang twenty minutes, nakarating na agad kami sa Casa Peralta. Papalubog na ang araw nang makababa kami sa tapat ng isang compound. Ang sabi nila, dito na raw ang Casa Peralta pero parang hindi ko masabi na parang sa resort o ano. Mukha lang kasing simpleng bahay.

"Babi, uuwi na tayo?"

"Hindi pa, 'nak. Tara." Hinawakan ko sa kamay si Chamee saka kami pumasok sa nakabukas na iron gate.

Kulay apple green ang pintura ng bahay at mukha talaga 'tong simpleng compound lang. Malaki ang front yard, may tent pa nga sa kanan, kahit sa gilid, mukhang may pinagpa-parking-an talaga ng sasakyan.

May nakita agad kaming matandang babaeng may dalang kaserola. Napahinto siya nang makita kami.

"Hello po, ma'am," bungad agad ni Alyna. "Ako po si Lyn Celizana."

"Ay, ma'am! Saglit ho. Ante! Yung magla-lodge, nandito na!" sigaw nito saka walang habas na itinapon sa halamanan ang lamang tubig na may buo-buong yelo pa mula sa kaserola.

"Ma'am, may dala ho ba kayo? Akin na ho." Lumapit sa amin yung isang may-edad na lalaking nakasuot ng puting T-shirt saka maong na shorts. Nakangiti siya sa amin, mukhang mabait. Kapagka nangiti pa naman, numinipis ang mata.

Kinuha ni Manong ang dala kong duffel bag na laman ang mga gamit ni Chamee saka ko tiningnan ang kabuoan ng titirhan namin pansamantala.

Akala ko, parang hotel. Parang simpleng bahay lang na pinarerentahan.

"Dito ho tayo, ma'am, ser." Pinasunod kami ni manong sa kanya papasok sa loob ng bahay. May isang kahoy na mesa roon sa harapan 'tapos parang TV stand na mataas na puro pigurin ang display. Ginawa pang panakip ng likod ang malaking kalendaryo. Sa kaliwa, may hallway na palabas sa loob pa. Mukhang malaki pala ito kapag pinasok.

May babaeng dumating na nakangiti sa amin at may hawak na logbook. Huli ko nang napansin na nakaawang ang bibig ko habang nakatitig sa kanya.

Morena siya, mahaba ang buhok at naka-headband na itim. Magkamukha sila ng mata ni manong na numinipis kapag nangingiti. May sungki siya sa harapan na pansinin kasi paloob ang baliko ng isang ngipin. Naka-blouse siyang bulaklakin na hanggang siko ang haba ng manggas saka mahabang palda. Mukhang attendee ng Christian Fellowship Church. Hindi naman mukhang manang kasi maganda naman siya pero mukhang di-makabasag pinggan.

Higit sa lahat, parang nakita ko na siya dati.

"Hi po. Kayo po si Ma'am Alyna?" sabi ng babaeng may pamilyar na mukha. "Pa-sign na lang po dito, ma'am. Si Tatay Joel po ang magga-guide sa inyo po papunta sa room ninyo."

"Oh. Saan ako pipirma?" Kinuha ni Alyna ang sign pen na dala ng babaeng mahinhin saka siya nagsulat sa logbook.

Palipat-lipat ang tingin ko sa logbook saka doon sa babae. Nangingilabot ako kasi parang nakita ko na talaga siya noon.

"'Tay, okay eon ro kuwarto?" tanong niya pagbalik ni manong.

"Huo, 'nak. Tawgon ko lang si Marvic para maituro kanda harang sa baeay."

"Sige po, 'Tay. Salamat!" Pagtingin niya sa akin, biglang kumunot ang noo niya na parang kinikilatis ako. "Nagkita na po ba tayo dati, sir?"

"Ha?" Natulala ako sa tanong. Paano nga kasi kaming magkikita e taga-Maynila ako.

The Wayward Son in AklanWhere stories live. Discover now