04 : The Murderer

63 7 0
                                    

KYLIE

Kumalma na ang lahat pero magulong-magulo pa rin ang isip ko.

Hindi ako makapaniwala sa nangyari. Iyon ang unang pagkakataon na nakita kong ganoʼn si Jhamil.

“Sigurado ka bang okay ka na?” muli kong tanong.

Kasalukuyan kaming nakaupo sa sofa. Tumigil na rin siya sa pag-iyak pero pagkatapos noʼn, hindi na siya nagsalita.

“Kapag may kailangan ka, tawagin mo lang ako, ha?” muli kong sambit pero hindi man lang siya sumagot.

Napabuntong-hininga na lang ako. Mas gugustuhin ko pang makita siya na walang pakialam saʼmin at nagbabasa ng libro. Parang ang hirap makita si Jhamil ng nakatulala at malalim ang iniisip.

“Sige, doʼn muna ako, ha? Tutulong lang ako saglit sa pagluluto.” pagpapaalam ko kahit alam kong hindi naman siya sasagot.

Pumunta na ako ng kusina para tulungan ko si Sheila sa pagluluto. Kahit anong gawin ko, hindi ko magawang ialis ang tingin kay Jhamil. Naninibago ako na makita siyang ganyan.

“Hoy, Kylie. Awat na.” saway ni Sheila ng makita akong nakatingin sa kanya, “Daig mo pa jowa ni Jhamil kung mag-alala. Okay naman na siya. Hayaan mo na lang siguro siya sa gusto niyang gawin.”

Ibinaling ko naman ang tingin kay Sheila na busy maghiwa ng sibuyas.

“Nag-aalala lang kasi ako. Hindi ko alam kung ano bang nangyari, kung bakit siya biglang nagkaganoʼn sa laro natin.” sagot ko saka muling tiningnan si Jhamil na nakaupo sa sofa at tulala pa rin.

Kahit noʼng kanina na naglalaro kami, napansin ko na talaga ang pagiging balisa niya. Hindi ko naman siya matanong dahil hindi ko siya katabi. Sulyap lang ang nagagawa ko.

“Kylie, kung tutunganga ka lang diyan, maupo ka na lang doʼn, okay?” sita ni Ate Mayet ng makita akong nakatayo lang.

Nagpatuloy ako sa ginagawa kong paghugas ng gulay saka iyon iniabot kay Sheila.

Habang nagluluto kami, pasimple pa rin akong sumusulyap kay Jhamil at sa iba ko pang kaklase. May mga sarili silang mundo.

May nagkakalikot ng cellphone, may nagkukwentuhan at may naghahabulan na parang bata. May iba naman na nakaupo lang at naghihintay ng pagkain.

“Sige na, Kylie. Kami na lang ni Mayet ang magpapatuloy nito.” sabi ni Sheila pagkatapos ko siyang abutan ng mga rekado.

Tumango lang ako saka naupo sa tabi ni Jhamil. Napangiti ako ng makita ko siyang tumingin saʼkin.

“Ayos na ba ang pakiramdam mo?” tanong ko.

Iniwas niya ang tingin saʼkin saka siya tumango.

“Mabuti naman.” muli kong sambit.

Naalala ko bigla ang salamin niya sa mata na nahulog niya kanina. Kinuha ko iyon sa bulsa ng pantalon ko saka siya kinalabit.

“Jhamil, salamin mo pala.”

Kinuha niya naman iyon ng iabot ko pero mukhang nagulat siya ng makita iyong may gasgas.

“Sorry kung nagasgasan, muntik na kasing matapakan ng mga kaklase natin. Buti, nakita ko kaagad.” paliwanag ko saka naman siya tumango.

OvernightWhere stories live. Discover now