Chapter 32

7.7K 196 5
                                    

Maga-alas sais na ng gabi pero nandito pa din ako sa sementeryo. Nakakaramdam na din ako ng lamig dahil sa pagkabasa ng ulan.

Napabuntong hininga ako bago tumayo. Nanghihinang umalis ako sa sementeryo at ramdam ko na ang pagkulo ng tiyan ko sa gutom.

Buong araw na pala akong walang kain. Mapait akong napalunok at naghintay ng masasakyan. Ramdam ko ang tingin ng mga tao sa akin pero isinawalang bahala ko iyon.

Sino nga ba ang hindi mapapatingin sa itsura ko? Basang-basa ako ng ulan, mugto ang mga mata, at gulo-gulo ang buhok. Kung susumahin ay mapagkakamalan akong nasisiraan ng bait.

Nang makapara ako ng jeep na wala masyadong laman ay agad ako sumakay doon at nag-abot ng bayad.

Kumuha ako ng panyo sa bag ko at pinunasan ang sarili ko. Sinuklayan ko na din ang buhok ko. Nang makarating ako malapit sa amin ay bumaba na ako ng jeep.

Dumiretso ako sa drug store at bumili ako ng contraceptive pills pati na din paracetamol kung sakali man lagnatin ako sa pagpapaulan ko.

Hindi ako tanga. Alam kong sinasadya ni Zel na buntisin ako nitong mga nakaraan na may nangyayari sa amin at hindi ko hahayaan na mangyari iyon. Ayokong lumaki ang magiging anak ko sa kaalamang anak siya sa labas.

Ayokong matulad siya sa amin ng mga kapatid ko na kahit pa kami ang naunang pamilya ay kami pa din ang lumalabas na naninira ng pamilya dahil hindi naman ang mama ko ang pinakasalan ng tatay ko. Ayokong lumaki ang anak kong walang kumpletong pamilya. Hindi ko kayang makita siyang nasasaktan dahil lang sa pagkakamali ko.

Nang matapos akong makabili ng gamot ay naglakad na ako pauwi tutal ay malapit na lang din naman. Malapit na ako sa bahay nang maulinagan ko ang mga kapatid ko sa labas ng bahay.

Napatingin sila sa gawi ko nang makita nila akong naglalakad papalapit.

"Ate!" magkapanabay nilang tawag sa akin at niyakap ako ng mahigpit.

"Bakit nandito kayo sa labas? Gabi na ha? Tara na at pumasok na tayo sa loob." mahinang sabi ko at pilit pinipigilan ang pag-iyak.

Narinig kong sinasabihan ni Jaxon si Nichol na magtanong sa akin ng kahit ano tungkol kay Zel.

"Kumain ka na ba, Ate? May niluto akong tinola. Magpalit ka po muna ng damit at baka magkasakit pa po kayo." sabi ni Jaxon kaya nilingon ko sila.

Pilit akong ngumiti sa kanilang dalawa bago tumango. Kinuha ko iyong tuwalya sa kwarto pati na din damit pamalit. Pagpasok ko sa banyo ay pinakawalan ko na ang mga luhang kanina pa gustong umalpas.

Akala ko wala na akong iluluha pa pero heto ako at parang tanga na umiiyak. Pinalis ko ang mga luha sa pisngi ko at naligo na.

Pagkatapos kong maligo ay dumiretso na ako sa hapagkainan para kumain. Tahimik lang ang mga kapatid ko habang nakatingin sa akin.

Nang matapos akong kumain ay kinuha ko sa bag ko ang binili kong gamot at pasimple iyong ininom.

Walang nangahas na magsalita sa mga kapatid ko at nakikiramdam lang sila sa akin. Tahimik akong pumasok ng kwarto at binuksan ang cellphone ko.

Sunod-sunod nagsi-pasukan ang mga missed calls at texts sa akin pero ni isa ay wala akong binuksan doon lalo pa at karamihan doon ay galing kay Zel.

Napabuntong hininga ako at pinili na lamang itulog ang bigat ng nararamdaman ko sa puso ko.

KINABUKASAN ay nararamdaman ko ang pamimigat ng mga mata ko. Nanghihina akong tumayo at lumabas ng kwarto para maghanda na sa pagpasok sa trabaho.

Naabutan ko naman ang mga kapatid ko na nag-uusap sa hapagkainan pero tumigil din nang makita ako.

Lascivious Series #4: Fumble and Twist (COMPLETED)Where stories live. Discover now