Kabanata 8: Ang Ulila

Magsimula sa umpisa
                                    

Pinilit kong tumayo. Nanghihina ako pero sinubukan kong magtanong. Sinubukan kong umaktong kaya ko pa.

"Boss, ako ho yung kaanak n'ong Mendoza saka Mangulabnan." Nakikipagsiksikan ako sa mga nagtatanong din ng kamag-anak nila. Si Chamee, umiiyak na kaya panay ang pahele ko habang pinipigilan kong maiyak na rin. "Boss, pa-assist naman ho. Yung Mendoza saka Mangulabnan."

Ang dami namin, may isang lalaking naka-green na uniporme ang mag-isang sumasagot sa mga pangalang hinihingi sa kanila. Kapag nakukumpirma, pinadederetso sa dulo ng hallway sa kanan namin.

Gusto ko na lang sumalampak kasi kanina pa ako paulit-ulit, hindi ako pinapansin ng lalaki sa harapan.

"Boss, yung Mendoza saka Mangulabnan ho. May kasama ho kasi akong bata, baka ho puwedeng pauna."

"E bakit mo naman kasi isinama? Nakita na ngang may emergency dito, tatangay-tangayin mo pa 'yan."

Kung puwede ko lang balibagin 'to ng ambulansya, ginawa ko na e!

"Ikaw mag-alaga, gusto mo?" sigaw ko agad. "'Tang ina, pare-parehas lang namang tayong nahihirapan dito! Anak 'to ng ipinunta ko rito, kayo ba'ng mag-aalaga rito kung patay na yung mga magulang nito, ha? Putang ina."

Nagsunod-sunod na sila ng bulungan sa paligid namin.

"Unahin n'yo na lang kasi. Kawawa naman yung bata, kanina pa umiiyak."

"Ser, unahin mo na 'yan."

"Tsk, Mendoza saka Mangulabnan, 'ka mo?" Itinuro nito ang dulo. "E nandoon na raw ang tiyahin n'ong Mangulabnan. Nakikipag-coordinate na sa punerarya. Puntahan mo na lang doon at nang hindi ka makaabala rito. Dinadamay mo pa kami e nagtatrabaho lang kami rito."

Ang bigat ng paghinga ko kahit na hindi ko na alam kung ano na ba ang tumutulo sa pisngi ko.

Panay ang iyak ni Chamee at hindi ko na alam kung paano ba 'to patatahanin.

Sinubukan kong puntahan ang itinuro ng lalaki kaninang kaaway ko, at wala pa man sa dulong sinasabi niya, nakita ko na agad ang tita ni Gen saka yung dalawang kasama nila sa bahay na dinadalhan ko pa dati ng meryenda kapag dumadaan ako sa kanila. May kausap nang mga pulis.

Ayokong magpakita. Alam ko na ang sasabihin n'on e. Ako ang sisisihin kasi kilala ko si Pol. Tiningnan ko na lang si Chamee na panay pa rin ang iyak kaya pinunasan ko na lang ng nakasampay na towel sa balikat ko ang mukha niyang namumula na.

"Uwi na muna tayo, Chamee, ha? Bawal kang makita ng mga lola mo. Kukunin ka agad ng mga 'yan."

Hindi ko pa nakikita sina Pol pero hindi ko naman ibibigay si Chamee sa mga kaanak ni Gen nang ganoon lang. Kung si Gen nga, nahirapan sa kanila, si Chamee pa kaya?

Naaano ako. Ewan ko. Punong-puno ang utak ko ng kung ano-anong bagay.

Hindi ko alam kung sino ang kukuha kay Pol. Pero sigurado naman akong ang unang tatawagan ng mga 'yon ay yung kapatid ni Tay Gerardo na pulis sa Nova. Para akong mababaliw na.

Nagtawag agad ako ng taxi na nakaparada sa labas ng ospital. Ayoko pa sanang umuwi pero hindi ko na alam ang gagawin ko. Pagsakay ko, binigyan ko agad ng gatas si Chamee. Tiningnan ko kung puno na ba ang diaper pero wala pa namang laman. Baka nga nagugutom lang kasi tumigil sa pag-iyak pagkabigay ko ng dede niya.

Saglit kong inilapag ang mga bag na dala ko sa tabi at kinuha ang phone kong nakaipit na sa bulsa.

Nalilito ako sa uunahin. Tinawagan ko agad si Tita Mayla sa dating bahay namin ni Pol.

"Tita May, si Pol, ano balita?" tanong ko habang tinitingnan ang labas ng bintana. Magtatanghali na, nauubos lang ang oras ko sa labas nang walang katuturan.

"Andoy, natawagan ka ba kanina?" sagot ni Tita Mayla, nanginginig ang boses. Alam ko na agad na alam na nila ang nangyari kay Pol.

"Sabi kasi, nasa East Ave."

"Pinuntahan na ni Joey. Inaasikaso na raw yung sa punerarya."

"Tita, bakit naman—" Nanginig na rin ang labi ko, hindi ko na maituloy ang sinasabi ko. "Tita, ano'ng gagawin ko . . .?" Nagpunas na agad ako ng mata bago pa tumulo ang luha ko nang sunod-sunod. "Maayos pa kasi sila kanina pag-alis. Maayos pa. . . ."

Pinigil kong huwag humagulhol ng iyak habang naririnig ko si Tita Mayla na naiyak sa kabilang linya.

Namatay na lang ang tawag nang wala na akong ibang natanggap na sagot. Niyakap ko na lang si Chamee habang mahinang umiiyak.

Kaninang umaga . . . masaya pa sila ni Gen e.

Nakaasaran ko pa si Gen.

Nakangiti pang umalis ng bahay si Pol.

Bakit naman gan'on?


♦♦♦


"Balita ko, naaksidente raw yung mag-asawa, a."

Naririnig ko ang tsismisan sa ibaba ng apartment building pero hindi ko na pinansin. Nagkukumpulan sila roon. Hindi ko alam kung paano kumalat ang balita nang gano'n kabilis.

"Andoy, nakausap mo na ba 'yang lola niyang karga mo?"

Nagbingi-bingihan na lang ako hanggang makabalik ako sa loob ng bahay.

Pagtapak ko sa loob, ewan ko ba kung bakit biglang tumahimik ang lahat. 'Yon bang parang wala nang kahit anong tunog akong naririnig.

Inilapag ko ang mga bag sa puwesto nina Gen at itinabi ko roon si Chamee na dumedede para hindi umiyak.

Hindi ko naman inaasahang sa ganitong pagkakataon ko pa mababawi ang dating puwesto ng higaan ko.

Pakiramdam ko, sagad-sagad ang pagod ko kahit tanghali pa lang. Wala pa akong almusal, at hindi ko alam kung makakakain pa ba ako ng tanghalian.

Humiga ako sa tabi ni Chamee at tinapik-tapik ang hita niya para hindi na ulit siya umiyak—kahit na hindi naman siya umiiyak.

Sa isang iglap, parang naintindihan ko na ang nararamdaman ng pasyenteng nakabalot ng gasa 'tapos sunog buong katawan doon sa ospital.

Isang-isang iglap lang. Gusto ko na lang ding umiyak maghapon habang sinasabing gusto ko na ring mamatay.

"Chamee . . . hindi na uuwi sina mama mo." Nakailang punas din ako ng mata habang nakatitig sa kanya. "Hindi na sila makakauwi . . . hindi na."


♦♦♦

The Wayward Son in AklanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon