Chapter 26. Change of Heart

1.7K 69 67
                                    

BULA!

Sa kanyang harapan ay nawala si Mr. G. na parang bula. Pinektusan ni Jobs ang matanda, at pagkatapos ay initsa nya ito sa Dimensional Rift. Huli na ang lahat. Hindi nya na naagapan o nasalba ang kanyang mentor.

Hindi makapaniwala si Arch sa nasaksihan. Naghalo halo na ang kanyang nararamdaman. Hindi maipinta ang mukha nya sa galit, inis at pighati.

Galit, kay Jobs. Dahil walang kalaban laban nilang pinagtulungan ang matanda. Dagdag pa dito ang natitirang poot ilang linggo ang nakakaraan; inilibing din kasi nila ng buhay ang matanda. Para bang lahat ng sama ng loob nya sa dating kaibigan ay unti unting bumabalik sa kanyang alaala.

Inis, sa sarili. Dahil hindi nya naagapang masagip ang matanda. Hindi na sana sya nagpatayong tayong at binanatan agad si Jobs bago nya pa man mapektusan sa ngala ngala si Mr. G at itapon sa kawalan. Palagay nya tuloy ay kasalanan nyang lahat ito.

Pighati, sa pagkawala ng matanda. Hindi nya alam kung saan napadpad o ano ang nangyari dito. Sa bilis kasi ng mga pangyayari ay hindi mawari ang lungkot at sakit na kanyang nararamdaman.

Kaya lahat ito ay naging isang malaking bola ng emosyon. Unti unti syang inuupos nito at tila ba nandidilim ang kanyang paningin.

Dahil nasa "Meditative State" si Jobs ay wala syang lakas lumaban. Katulad nga nang sinabi nito noong mga bata pa lamang sila, isang beses mo na lamang maaaring gamitin ang Special Technique na Pektus sa Ngala Ngala pagdating ng edad sampu pataas. Manghihina at manlalata ka na sa pagkakataong gamitin mo itong muli.

Kahit Siga Lord na sya ay hindi pa din nya ganap na kontrolado ang kapangyarihan ng Pwersa. Kaya tila ba hapong hapo ang binata ngayon habang nakatitig kay Arch.

"Umuwi ka na. Ano pa gusto mong patunayan? Wala na si tanda." sambit ni Jobs habang kinakapos ng hininga.

Walang kibo si Arch habang nanlilisik ang mga singkit nyang mata. Nagdidilim na ang kanyang paningin. Walang sabi sabi ay basta na lamang nya nilapitan si Jobs at pinagsasapak. Kaliwa't kanan suntok sa katawan. Haribas na para bang wala ng  bukas. Lahat ng lakas sa kanyang buong katawan ay isinasalin sa bawat pagbayo ng kanyang mga kamao.

Pero hindi natitinag si Jobs, kahit wala na syang lakas lumaban. Ginagamit na lamang nya ang lahat ng natitirang pwersa sa katawan upang patatagin ang sarili. Kapag bumitaw kasi sya sa meditative state ay masasaktan sya sa bawat atake ng bida.

Isa itong perk ng pagiging isang Siga Lord, ang meditative state. Hindi sya makakalaban, manghihina ang kanyang katawan ngunit hindi sya masasaktan sa kahit anong atakeng matatamo.

"Mapapagod ka lang Arch. Siga Lord na ako. Hindi na ako tatablan ng mga banat mo. Anong palag ng isang Ex Level 1 Siga na katulad mo? Hahaha!" sarkastikong sagot pa nito habang nakatindig na parang estatwa.

Ngunit tuloy pa din sa pagbanat si Arch, tila ba hindi iniintindi ang sinabi ni Jobs. Maya maya pa, matapos magpakawala nang ilang suntok ay dahan dahang umilaw ang suot suot nyang pulseras, ang quasar detonator na pagmamay-ari ng ipinaghihiganti nyang matanda.

Lalong bumilis ang bawat barang pinapakawalan nya. Lalong lumalakas ang bawat suntok na binibitiwan nya. Lalo ding lumalakas ang liwanag na nagmumula sa suot nyang bracelet.

Medyo nasasaktan na si Jobs sa mga natatanggap na hagupit mula sa bida. Kapansin pansin na sa kanyang mukha ang panggigigil at pagkirot ng katawan. 

Kinakabahan na sya sa pwersa ni Arch, hindi nya maipaliwanag kung paano nya nagagawa ito. Ilang daang suntok na kasi ang tumatama sa kanyang katawan, at tila ba pabilis ng pabilis at palakas ng palakas ang mga sumusunod pang pag-atake. Nauungusan na ng bida ang Meditative State, ang isa sa mga Secret Techniques ng mga Siga Lord.

Siga Ng Universe (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon