Kapitulo XXXIX - Key

22.2K 1.1K 264
                                    

Habang naglalakbay patungong Hilaga ay nanatili lang kaming tahimik at tila nagpapakiramdaman sa isa't isa. Ako naman ay patuloy na nababalisa at panay ang lingon sa likuran upang magbaka-sakaling makita si Asher. Nang mapagod kami sa paglalakad ay napilitan kaming magpahinga muna sa ilalim ng isang mataas na puno.

"Gaano ka ka-sigurado na itong tinatahak nating daan ay papunta sa kinaroroonan ng hiyas?" tanong ni Linus kay Ethan.

Napatingin ako kay Ethan na kanina pa seryoso. "Napadpad ako sa may bandang Hilaga noong tumatakas ako sa mga taga-Asteres."

"Nakita mo ba ang mga hiyas?" pagsingit ko sa usapan nila.

Napatikhim si Ethan dahil sa tanong ko. "Hindi pa, pero sa tingin ko ay hindi basta-bastang makakapasok sa pinaglalagyan nito at hindi ito basta-bastang makukuha," seryosong sagot niya sa akin.

Tumango na lamang ako at kinuha ang lalagyan ng tubig mula sa survival kit ko. Tinaktak ko ito sa aking bibig ngunit wala na palang laman itong tubig. Napabuntonghininga na lang ako sa pagkadismaya ngunit nagulat ako nang kuhanin ito bigla ni Linus mula sa kamay ko.

Bago pa ako makapagsalita ay nagpaalam na siya sa amin. "Kukuha muna ako ng tubig sa may ilog na nadaanan natin kanina."

Nang maiwan kaming dalawa ni Ethan ay namutawi ang nakakabinging katahimikan sa aming dalawa. In-obserbahan ko ang kakaibang kinikilos niya at nahalatang may gusto siyang sabihin sa akin.

"May sasabihin ka ba?" diretsong tanong ko sa kanya.

Nag-aalinlangan siyang tumingin sa akin bago tumikhim at nagsalita. "T-Tungkol nga pala sa inyo ni Asher..." nahihiyang panimula niya. Inangat ko ang isang kilay ko bilang hudyat na ituloy niya ang kanyang gustong sabihin. "Aware naman kayong bawal ang umibig sa kapwa manlalaro ng The Chosen Ones, 'di ba?"

Napaawang ang aking bibig dahil sa tanong niya ngunit agad ding nakabawi. Tumango na lamang ako sa kanya bilang tugon bago nag-iwas ng tingin.

"Aware naman pala kayo, pero bakit hinayaan niyo pa ring lumabag kayo sa batas? Hindi ba kayo natatakot sa consequences na maaari niyong kaharapin?" seryoso at mariing tanong niya.

Napalunok ako. "Pero wala kaming balak ulitin ang kasalanang ginawa ng kapatid—" Napahinto agad ako sa pagsasalita nang maalala ang binunyag ni Berna tungkol kay Ate Ashley. Nag-iwas ako ng tingin at napasinghap na lang.

"May gusto sa'yo si Asher, 'di ba?" tanong niya na siyang nakakuha muli sa atensyon ko.

"Hindi kami p'wede," mapait na sabi ko.

"Hindi 'pa' kayo p'wede," pagtatama niya sa sinabi ko kaya napaangat ang tingin ko sa kanya.

Nakitaan ko ng multo ng isang ngiti ang kanyang labi. "Hindi pa p'wede sa ngayon dahil nasa loob pa kayo ng kompetisyon, pero hindi ibig sabihin no'n ay hindi na talaga kayo p'wede para sa isa't isa," dagdag niya.

Hindi ko na napigilan ang pagngiti dahil sa sinabi niya. "Maraming salamat, Ethan," sinserong sabi ko sa kanya.

Ngumiti siya sa akin bago marahang tinapik ang ibabaw ng aking ulo. "Walang anuman, Alexa. Basta nandito lang ako palagi para sa inyo ni Asher," aniya.

"Oh, mukhang seryoso kayo d'yan, ah?" sabi ni Linus habang papalapit sa amin ni Ethan. Hinagis niya sa akin ang bote na puno ng tubig na walang kahirap-hirap kong nasambot.

"Salamat, Linus..." nahihiyang sabi ko sa kanya. Tumango siya sa akin bilang tugon. Hindi nakalagpas sa paningin ko ang isang multo ng ngiti sa kanyang labi bago siya humarap papuntang Hilaga.

"Nakapagpahinga na ba kayo? Magsimula na ulit tayong maghanap para hindi masayang ang oras. Mayroon na lamang tayong dalawampu't apat na oras na natitira," anunsyo ni Linus.

Dauntless Academy: Home of the BraveWhere stories live. Discover now