Kapitulo XVII - Sorting Ceremony

25.1K 1.5K 172
                                    

Nagsitayuan ang mga gurong naroroon sa aming lamesa at sinenyasan ang mga tagapagbantay na hawakan ako. Abot-abot ang pagtahip ng puso ko nang damputin nila ako at ramdam kong parang may nakatali sa aking mga kamay kahit wala naman silang inilagay roon. "S-Saan niyo po ako dadalhin? A-Ano pong gagawin niyo sa akin?"

"Dadalhin ka namin sa kulungan ng phoenix," pormal na sagot sa akin ng isang tagapagbantay.

Hanggang dito ka na nga lang ba talaga, Eshtelle Alexa?

Ipinilig ko ang aking ulo dahil sa naiisip. Itinikom ko na lang ang aking bibig at pilit na pinalakas ang loob katulad ng sinabi sa akin ni Luke. I know I didn't come this far to only come this far. Sigurado akong hindi magtatapos dito ang buhay ko. Bahala na kung anong mangyari sa akin, basta huwag lang madamay ang mga kaibigan ko ay mapapanatag na ang loob ko.

Pakiramdam ko ay ang tagal ko nang nanatili rito sa paaralang ito dahil sa iba't ibang mga naging naranasan ko dito. Sa katunayan nga ay nakatatak na sa aking puso't isipan ang lahat ng mga alaalang nabuo ko kasama ang mga kaibigan ko.

Nang marating namin ang tapat ng kulungan ng phoenix ay bigla akong itinulak papasok ng mga nakahawak sa aking tagabantay pagkabukas pa lamang ng malalaking pinto nito. Namutawi ang katahimikan sa buong paligid habang unti-unting nagsasara ang pinto sa aking likuran at unti-unti rin akong nilalamon ng kadiliman sa loob ng hawla. Ang natitirang liwanag na lang ay ang liwanag ng ilang kandilang nakasabit sa chandelier.

Nasa loob din ng hawla ang ilang guro ko kabilang na si Ms. Miranda, Sir Alejandro, at Ms. Erispe. Naiwan naman sa labas ang aking mga kaibigan na kasama si Luke at ang ilang Class A students. Nandoon din sa likod ng mga guro nakatayo ang nakangising-aso na si Elise.

Pinasadahan ko ng tingin ang madilim na paligid. Ngayon ko lang napagtanto na mapanlinlang pala ang hitsura ng kulungang ito dahil kapag nasa labas ka ay makikita mo ang lahat ng nangyayari sa loob nito ngunit kung titingin ka naman mula rito sa loob ay saradong-sarado ito.

"So let's begin the sorting ceremony. Shall we start?" pormal na tanong sa amin ni Headmaster R. Napalunok ako nang sunud-sunod bago marahang tumango. Mukhang mabubuking na nga talaga ang sikreto ko. Ano na nga ba ang mangyayari sa akin? Katapusan ko na ba talaga? Bibigyan pa kaya ako ni Headmaster R ng pagkakataong mabuhay?

Halos mapatalon ako sa aking kinatatayuan nang umalingawngaw sa paligid ang lakas ng ungol ng phoenix na tila nagising mula sa mahabang pagkakatulog. Nanindig ang mga balahibo ko sa tunog na iyon at ramdam ko ang pag-usbong ng mas matinding takot sa aking dibdib.

Nagulat ako nang biglang hawakan ni Sir Alejandro ang kanang pala-pulsuhan ko at hinila ako papalapit sa phoenix kung saan may apat na malalaking basin na nakahilera sa kanyang harapan. May mga label ito sa itaas na mga letra mula A hanggang D. Sa tingin ko, ito ang sinabi nilang papatakan ng luha ng phoenix upang malaman kung saang class ako nararapat.

Nalaglag ang panga ko nang may nilabas na dagger si Sir Alejandro mula sa kanyang bulsa. Lumingon ako sa paligid at nakitang walang bahid ng pag-aalinlangan sa mukha ng lahat ng nasa loob ng hawla at tila ba sanay na sila sa ganitong eksena. Halos mapamura ako nang makita kong inilapit ni Sir Alejandro ang talim ng dagger sa bahagi ng aking braso malapit sa pulso.

Napapikit ako nang mariin at nagtagis ang aking bagang dahil sa sakit na dulot ng paghiwa ni Sir Alejandro sa aking braso upang palabasin ang aking dugo. Agad niyang kinuha mula sa kanyang bulsa ang isang maliit na vial na walang laman. Sinahod niya ang vial sa tumatagas na dugo mula sa aking braso hanggang sa mapuno ito. Mabilis niya itong tinakpan bago bitiwan ang aking braso. Ramdam ko pa rin ang pagdaloy ng dugo sa aking braso at ang bahagyang panlalambot nito.

Dauntless Academy: Home of the BraveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon