Chapter 46: Feel Sad

65 4 0
                                    




Elian

Maaga akong bumangon dahil hindi rin naman ako nakatulog. Ang dami ko kasing inisip. Sumabay pa si Karl. Hindi ko talaga alam kung ano ang pumasok sa isip niya at nasabi niya ang bagay na 'yun. Ayaw ko namang gawin pang big deal dahil malamang sa maapektuhan ang pagkakaibigang nasimulan namin. Hindi ko p'wedeng patulan ang sinabi ni Karl dahil unang-una, siya nga si Karl at pangalawa, sa tingin ko mas mag-wo-workout kami kung hanggang sa magkaibigan lang kaming dalawa.

Dahil alam kong uuwi rin naman kami kaagad, inayos ko na kaagad ang gamit ko. Hindi naman nagtagal ay bumangon na rin si Amy at nag-ayos ng gamit. Sabay na kaming lumabas ng tent para i-check kung gising na rin ang iba. Nang makita namin na kaming dalawa pa lang ang gising, naisip naming iligpit na rin ang ibang gamit. Nilinis na rin namin ang mga naging kalat.

"Bakit parang wala kang tulog?" tanong sa akin ni Amy.

"Obvious ba?"

"Oo. Ang bigat na bigat 'yang mata mo, eh." Tinutukoy niya ang eyebags ko. "Bawi ka na lang pag-uwi natin."

Iyon naman talaga ang balak ko. Ang matulog pag-uwi. Buti na lang at wala kaming klase ni Amy kaya p'wede akong magtulog maghapon. Kapag ganito naman kasing galing ako sa ibang lugar, alam nila Mama na kulang o walang tulog akong uuwi sa bahay. Ginigising lang naman nila ako para tanungin kung kakain ako o itutuloy ko na hanggang umaga ang tulog ko.

"Good morning, ladies," bati sa amin ni Josef habang nag-iinat pa siya. "Nakita niyo si Karl?"

Bigla naman akong nagtaka sa tanong niya. Akala ko, kami palang ni Amy ang gising, pati pala si Karl. Pero, nasaan siya? Parang hindi ko naman siya napansing lumabas ng tent kanina. Saan naman kaya nagpunta 'yun? Pagkatapos kasi naming mag-usap kagabi, nauna na akong bumalik sa tent namin kaya hindi ko na alam kung bumalik na rin siya sa tent nila o may pinuntahan pa siya. Bigla tuloy akong nag-alala.

"Hindi, eh," sagot ni Amy sa tanong ni Josef. "Hindi namin napansin."

"Sige. Baka nag-jogging lang siya," sabi ni Josef at saka siya pumasok ulit sa tent nila. "Hoy. Gising na!" rinig naming sigaw niya.

Natawa na lang kami dahil gano'n-gano'n na lang niya sigawan ang nakakatanda niyang kapatid. Ginagawa ko rin naman sa Ate ko iyon, pero hindi naman sobrang lakas na sigaw. Hula ko, nagising na talaga si Froi dahil sa ginawa ng kapatid niya. Kung ako 'yun, baka nabatukan na ako ng kapatid ko at kung ako man ang sinigawan para lang magising, baka nasaktan ko na 'yung sumigaw.

Nang magising na ang lahat, nagtulungan na kaming mag-ayos ng mga gamit para makauwi na, pero wala pa rin si Karl. Wala naman sa itsura ng mga kaibigan niya ang nag-aalala kaya itinigil ko na rin ang pag-iisip nang masama. Baka naglakad-lakad lang siya o kaya't nag-jogging. Kung may mangyayari mang masama sa kanya, alam kong kaya na niya ang sarili niya.

"Tara, hanapin natin si Karl," pag-aaya ni Cheska.

Pinasok muna namin ang mga gamit sa loob ng tent bago kami naglakad para hanapin si Karl. Nagpaalam naman kami sa driver nila Cheska na babalik din kami kaagad. Kung mauuna mang makabalik sa amin si Karl, malamang naman sa tatawagan siya sa isa sa mga kaibigan niya. Habang naglalakad kami, panay ang picture nila Cheska. Nahihiya na lang din akong umiwas sa camera dahil baka masabihan pa akong KJ. Hindi naman ako katulad ni Amy na game na game sa picture-an.

Love Hate: Keep Loving MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon