Chapter 1: 010515

307 4 3
                                    

Elian

Hinayupak. Sino na naman ba ang nagpamigay ng number ko? Ang ayaw ko sa lahat ay 'yung may nagte-text sa akin na hindi ko naman kilala. Minsan nga hindi lang text, tawag pa. Saan ka pa? Malaman ko lang talaga kung sino ang nagpamigay ng number ko, mata lang niya ang walang latay. Pati butas ng ilong niya ay babarahan ko. Nakakainis talaga. Nasasayang lang ang panahon ko sa sobrang kakulitan ng mga nagte-text. Ano bang feeling nila? Maganda ako? Sana nga. Wish ko lang.

Isang linggo na ang nakalipas mula no'ng magbagong taon. Tumalon naman ako. Nagbabakasakaling madadagdagan pa ang height ko. Wala namang masama sa pagbabakasali, 'di ba? Wala akong ginawang resolution bukod sa magsisipag na akong pumasok nang maaga. Napadalas kasi ang pagiging late ko nitong second semester. Hindi ko alam, pero ayaw yatang makisama ng mga jeep sa akin. Bakit ba kasi natapat na laging tanghali ang pasok ko? Ano ba namang klaseng schedule ang mayro'n kami. Kung hindi tanghali, sobrang aga. Kulang na lang ay 'wag na kaming matulog. Ewan. Hindi ko na alam kung ako ba ang may problema o ang sistema. Mag-aaral na lang ako. Natuwa pa ang magulang ko.

Buti na lang at hindi traffic ngayon kaya medyo maaga akong nakarating. Ugali ko ang pagdiretso sa room. Hindi naman kasi ako mahilig tumambay kung saan-saan. Dipende na lang kung ano ang trip ng mga kaibigan ko. Madalas naman kasi silang mag-aya sa mga kainan kaya okay na rin sa akin. Pabor naman sa aming lahat iyon dahil pare-pareho kaming mahihilig kumain.

"Hoy! Ang aga mo, ha." Sabay akbay sa akin ni Amy. "Ano'ng mayro'n?"

Inalis ko ang pagkakaakbay niya sa akin. "Mabigat," sabi ko. "Para namang sinabi mong lagi akong late."

"Bakit hindi ba? Saka, ang sama mo. Alam kong malaki ako, pero 'wag mo namang sabihing mabigat ang braso ko. Kung magsalita ka parang sexy ka, ha." Bahagya niya akong tinulak.

"Oo na. Pareho na tayong malaki. Masaya ka na?" natatawang tanong ko.

"Pero mas malaki pa rin ako," nakangiting sagot naman niya.

Matagal ko nang kaibigan si Amy. Simula no'ng first-year college palang kami ay kaming dalawa na ang magkasama. May iba pa kaming kaibigan dahil close naman kami sa iba naming kaklase. Kaya mas gusto kong nasa block section, eh. Marami akong p'wedeng maka-close. Graduating na kami ngayon, pero hindi pa rin kami nagsasawa sa isa't isa. Gano'n siguro talaga kapag nawalan ng choice. Joke.

Sabay na kaming naglakad papunta sa building namin. Muntik pa niya akong maayang kumain. Buti na lang at nagpigil ako. Hindi ako mahilig kumain sa umaga dahil sumasama ang lagay ng tiyan ko. Lalo na kapag chocolate ang nakain ko. Kaya madalas, mas pinipili kong sa bahay na lang kumain para kahit marami ang kainin ko, okay lang. Malapit lang ang CR.

Pagkarating namin sa room ay nagpaalam muna ako kay Amy na magsi-CR lang ako. Iihi lang. Baka isipin niyo pang gagawa ako ng milagro. Nakakahiya naman. Nag-CR lang talaga ako at bumalik na kaagad sa room. Nakita ko si Amy na abala sa pagsusulat sa notebook niya. Na-curious naman ako dahil wala na akong maalala na may assignment kami. Kailangan ko na bang kabahan? Ang pagkakatanda ko ay nakikinig naman ako sa prof namin.

"010515. 010515. 010515," pagbasa ko sa sinusulat niya sa notebook niya. Basta, iyon kasi ang nakasulat. Parang naka-doodle na nga, eh.

Nang marinig niya ako ay bigla niyang tinakpan ang notebook niya. "Napaka-chismosa mo," inis na niyang sabi sa akin.

"Chismosa ka d'yan. Baka usisera," sagot ko. Tama bang mainis kaagad sa akin? Wala naman akong ginawang masama. Binasa ko lang naman ang sinusulat niya. May toyo talaga 'to, eh.

Love Hate: Keep Loving MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon