20

118 6 0
                                    

UNTI-UNTI kong inimulat ang mga mata ko at agad akong nagtaka nang bumungad sa akin ang isang malaki at napakatahimik na lugar.

Inikot ko ng tingin ang paligid at umawang ang labi ko nang matanaw ang mga naggagandahang puting tulips. Nagsimula na akong humakbang papalapit roon.

Gumuhit ang ngiti sa aking labi nang makita ang mga paru-parung nagsiliparan sa ibabaw nito.

Hindi nawala ang pagkamangha ko habang nakatingin sa napakaraming bulaklak. Ngayon lang din kasi ako nakakita ng ganito ka raming tulips sa isang lugar.

Ngunit unti-unti ring nabura ang aliw sa mukha ko nang mapagtantong hindi familiar ang lugar na ito. Teka, nasaan nga ba ako?

Nakaramdam ako ng kaba nang mapansing wala man lang katao-tao dito, tanging ako lamang ang nandito. Sobrang tahimik pa ng lugar.

Ano nga bang nangyari sa akin? Bakit ako napunta rito?

Bahagyang nanlaki ang mga mata ko nang may maalala. Mabilis kong tiningnan ang katawan ko ngunit nagtaka ako nang makitang wala namang sugat o ano dito.

Unti-unti akong namutla sa naisip. Paano kung patay na ako? Wala sa sarili akong umiling. Imposible! Eh, niligtas pa nga nila ako!

Ramdam ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Hindi pa ako pwedeng mamatay! Dahan-dahang gumuhit ang mga luha sa aking pisngi.

Nabaling ang tingin ko medyo hindi kalayuan sa akin. Parang saglit na huminto ang paghinga ko. Napakurap-kurap ako habang gulat sa nakita.

Hindi ko maiwasang mapaiyak lalo. Totoo ba 'to? Nasa kabilang buhay na ba ako?

Nakangiti sila pareho habang unti-unting naglalakad palapit sa akin. Nakita ko sa mga mata nila ang pangungulila at pananabik nang makita ako.

"M-mom... Dad?" mahina kong saad.

Kung ano sila no'ng huli ko silang nakita, ganoon pa rin sila ngayon. Gusto kong hatakin sila at dalhin sa mundo ko ngunit imposible na 'yong mangyari.

"Miss ko na po kayo..."

Marami akong gustong sabihin sa kanila kaso walang lumalabas sa bibig ko. Nakaramdam ako ng saya na makita sila ngayon. Sobrang tagal ko ng pinagdadasal na kahit sa panaginip man lang ay magpakita sila ngunit hindi 'yon nangyayari.

God knows how I miss them. Kung gaano ako nangungulila sa pagmamahal at presenysa nila.

Mabilis akong lumapit sa kanila at mahigpit silang niyakap. Hindi ko na sasayangin pa ang pagkakataong 'to habang kasama ko pa sila.

Napapikit ako nang maramdaman ang paghimas ni Mama sa buhok ko. Bata pa ako no'ng huli niyang ginawa sa akin 'yon. Kasabay ng pahalik ni Papa sa buhok ko ay ang pagtulo ng mga luha sa aking mata.

Ilang saglit lang ay unti-unti akong humiwalay sa pagkayakap sa kanila.

"Kukunin niyo na ho ba ako?" kinakabahan kong tanong.

Ngumiti si Mama sa akin at marahan niyang hinawakan ang kamay ko. Napatingin ako sa kamay namin bago ko ibinalik sa kaniya ang paningin ko.

"Matagal ka naming hindi nakakasama Alison, anak."

Chasing The Sunset (To Be Published Under TDP Publishing House)Where stories live. Discover now