Kabanata 25: Huling Tanglaw II

53 10 0
                                    

SOPHIA

Madilim na nang marating namin ni Tiya Ysobela ang manor. Tuluyan nang lumubog ang araw at humina na ang ulan ngunit maya't maya pa rin ang pagkulog at pagkidlat.

Nagkakagulo ang lahat sa Manor Edevane at halatang nabigla ang mga kawal maging ang mga nasa tahanan lamang at naglilinis sa aming pagdating.

"Nasaan ang inyong magaling na senyora?!" sigaw ni Tiya Ysobela at itinulak ang pinto ng manor.

Sinalubong kami ng natatarantang si Julian na agad na humarang sa daraanan namin ni Tiya Ysobela. Mukhang wala siya sa kaniyang karaniwang kalmadong hitsura.

"Palayasin ang mga sampid na iyan, ngayon din!" sigaw ni Julian sa mga kawal ngunit wala ni-isa sa mga ito ang kumilos upang dakpin kami. "Ang sabi ko ay—"

"Walang makikinig sa utos mo, Julian. Gareth, Miguel... hulihin ang mensahero."

Sabay na lumapit ang mga kabalyero kay Julian at hinawakan ang magkabilang braso nito. Nagpipiglas si Julian ngunit ang patpatin niyang braso ay hindi umubra sa makikisig na katawan ng mga kawal.

"Aminin mo ang lahat ng ginawa at sinabi sa 'yo ng senyora—lahat ng nalalaman mo," maawtoridad na wika ni Tiya Ysobela.

Nagsinghapan ang lahat ng nakarinig noon, halatang wala silang alam sa baho ng mga taong tinitingala nila.

Bago kami pumasok sa manor kanina, kinausap muna ni Tiya Ysobela si Ginoong Niklaus at sinabi ang nangyaring pagpaslang kay Clara.

"Si Clara? Ngunit hindi na siya ang ipinadadakip ng senyora," wika ni Ginoong Niklaus, kinakabahan. "Panginoon ko, ano ba itong nangyayari? Matahimik nawa ang kaluluwa ng dalaga..."

Sinabi ni Ginoong Niklaus na hindi na si Clara ang tinutugis ng mga kawal sapagkat nagbago ang pahayag ni Senyora Cecily. Isang babae raw na maiksi ang buhok, mayroong pulang balabal at maputla ang salarin.

Lahat ng iyon ay bumagay kay Clara. Hindi sinasadyang nagkaroon sila ng pagkakatulad kaya't napagkamalan siya ng mga kawal.

Ngunit, hindi pa rin totoo ang sinabi ng senyora. Dapat ay inilarawan niya ang kaniyang sarili. May plano pa siyang mandamay ng ibang tao sa gulong ginawa niya.

Sinungaling siya.

Sinabi rin ni Tiya Ysobela kay Ginoong Niklaus na si Senyora Cecily ang may sala ngunit agad na tumangging maniwala ang punong-kawal.

"Ysobela, wala tayong ebidensiya laban sa senyora sakaling totoo nga ang sinasabi mo. Mabigat ang akusasyon na iyan," aligagang wika ni Ginoong Niklaus. "Para tayong mga langgam na kakagat sa binti ng isang tao."

Umismid si Tiya Ysobela. "Ang kagat na iyon ay maaaring mangati at maging malaking sugat, Niklaus. Muli niyong imbestigahan ang krimen, tiyak kong makukuhanan nila ng ebidensiya ang kaniyang kasuotan o ang ginamit sa pagpatay sa senyor, o kahit pa ang silid nila."

Huminga nang malalim si Tiya Ysobela, nag-iipon ng tibay ng loob saka nagpatuloy. "Kayang-kaya ko ring ipatawag si Marie upang magsalita ukol sa pang-aabuso ni Senyora Cecily. Sina Acervo at Julian? Tiyak kong alam din nila ang mga kasinungalingan niya."

"Ysobela... ginagawa mo ba ito para ipaghiganti sina Senyor Alcatraz at si Clara?"

Mabilis na umiling si Tiya Ysobela. "Alam kong hindi isang santo si Senyor Alcatraz. Ngunit, oo, ginagawa ko ito para kay Clara, pati na rin sa ibang naging biktima niya."

TanglawWhere stories live. Discover now