Kabanata 2: Sa Hardin

242 93 82
                                    

CLARA

"Dito, sariwa ang isda! Halina, bagong hango lamang sa dagat!"

Umuugong ang sigawan sa mahabang kalye kung saan nagtutumpukan ang mga negosyante, artilyero at ang mga mamimili. Kaliwa't kanan ang lundagan ng mga bagong huling isda, agaw-pansin ang makukulay na mga prutas at gulay, at talaga namang inaangkin ng naglalakihang baka, baboy at tupa na ibinibenta ang kalsada.

Ganito ang nangyayari sa kalsadang ito tuwing araw ng pamimili. Marami ang nag-aaawan sa mga bagsak-presyong produkto at marami rin ang mga nag-aabang sa mga iniangkat na bilihin, yaong mga dala pa ng mga manlalakbay mula sa ibang lupalop ng daigdig.

"Vendes este anillo?" dinig kong tanong ng isang ginoo na nang magawi ako sa gitnang bahagi ng pamilihan, sa tapat ng bilihan ng mga hiyas mula sa isang sikat na mag-aalahas.

(Ibinebenta mo ba ang singsing na ito?)

Tumango ang isa pang ginoo, siya namang mayroong magarang damit, suot na salamin at sumbrerong gawa sa balat ng hayop. Si Rafael Asperez, isang tanyag at mayamang mag-aalahas at negosiyante. ", está a la venta."

(Oo, ito ay ipinagbibili.)

Kumunot ang aking noo. Hindi pamilyar sa akin ang lenggwahe na kanilang ginagamit, hindi ko pa ito narinig noon, ngunit nanatili akong nakatayo at nakikinig sa kanila.

Napahawak sa kaniyang maliit na pitaka ang mamimiling duda ko’y maghahayop, tila kinakabahan ngunit pilit na pinakikitang siya'y kalmado. "Cuánto cuesta?"

(Magkano?)

"Seiscientos," malamig na tugon ng negosyante, nagtaas ng kilay, saka sinilip ang pitaka ng lalaki.

(Anim na raan.)

Naningkit ang aking mga mata. Bakas ang panghuhusga ni Rafael sa maghahayop na hindi ko nagustuhan. Anong nais niyang iparating sa kilos na iyon?

Noon pa lamang ay nababalitaan ko nang mayroon talagang ugali itong si Rafael Asperez ngunit minamahal pa rin ng mga tao dahil siya'y isang dayuhan, maitsura, mayaman at higit sa lahat, mag-aalahas.

Ang nagagawa nga naman ng makikinang na bato, itsura at salapi sa magiging pananaw ng mga tao sa iyo.

Kahit ikaw pa ang pinakamasamang nilalang sa mundong ito, kung mayroon kang pera, itsura at kasikatan ay hindi ka mauubusan ng tagasuporta. Maghihiyawan pa ang mga iyan, maambunan lamang ng pansin.

Ngumiti ang lalaking may hawak na lumang pitaka ngunit tila hindi natutuwa ang negosyante. Ipinakita ng mamimili ang kaniyang pitaka ngunit tinabig lamang ito ni Rafael. "Lo habría comprado, pero no tengo suficiente valor. Usted puede---"

(Bibilhin ko sana ito, ngunit wala akong sapat na halaga. Kaya mo--)

"No, sal de mi tienda!" Nabigla ako nang sumigaw ang mag-aalahas. Pilit nitong itinataboy ang lalaki hanggang sa nagtinginan na ang iba sa kawawang mamimiling hiyang-hiya.

(Hindi, umalis ka sa tindahan ko!)

Hindi ko naiintindihan ang kanilang pinag-uusapan ngunit batid kong ito'y tungkol sa palitan ng produkto. Nagbulungan ang mga tao sa pamilihan, sinusundan ng matalim na tingin ang kawawang mamimiling tahimik na naglakad palayo.

"Hay naku, kung bakit kasi kay Rafael pa siya nagtangkang bumili! Isang kahig, isang tuka na lamang ay naghahangad pa ng hiyas!" dinig kong sabi ng isang tindera ng prutas sa aking tabi habang ibinubugaw ang mga langaw na dumadapo sa kaniyang mga paninda.

TanglawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon