Kabanata 20: Bisita

63 18 0
                                    

YSOBELA

Tila nawala ako sa tamang pag-iisip nang ipinag-utos ni Senyora Cecily ang pagpapadakip kay Clara.

Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwalang ang isang dalagang tulad niya'y makagagawa ng ganoong bagay.

Kaya naman, sa sandaling lumabas na sa bulwagan sina Senyora Cecily, Julian at Acervo, sumunod ako. Marami akong katanungan at nais ko ng kasagutan.

Dahil mabagal ang aking paglalakad, nakapasok na sa silid-gamutan sina Senyora Cecily pag-akyat ko sa ikalawang palapag. Naisarado na ang pinto kaya't ilang sandali muna akong natulala sa tapat noon.

Hindi ako madaling mapaniwala hangga't hindi konkreto ang ebidensiyang inilahad sa akin. Ang mga rosas, listahan at ang subhektibong pahayag ay hindi sapat upang himukin akong tumindig laban kay Clara.

Hindi, hindi pa ngayong ayaw maniwala ng aking puso't isipan.

Huminga ako nang malalim, nag-iipon ng tapang na katukin ang pinto at pasukin ang kuta ng mga nang-akusa. Nais kong malaman ang katotohanan kaya't kahit mayroong kaunting pangamba sa aking puso, maglalakas-loob ako.

Humakbang ako palapit sa pinto at nang nahawakan ko na ang pihitan nito, narinig ko ang mahinang boses ni Senyora Cecily.

"Kumusta ang palabas, Julian?"

Noong una, inakala kong tinutukoy niya ay isang pagtatanghal, ngunit natigil iyon nang marinig ko ang tugon ni Julian.

"Mahusay, senyora. Napaniwala ninyo sila."

Agad na kumunot ang aking noo at nabitawan ko ang pihitan. Ano ang kanilang sinasabi?

"Mabuti kung ganoon. Ngayong naniwala na silang si Clara ang salarin, tiyak kong hahanapin na ng lahat ang babaeng iyon at magiging madali ang pagtapos sa kasong ito."

Tila nagpantig ang aking tainga sa narinig at bumilis ang tibok ng aking puso. Totoo ba ang lahat ng sinasabi ni Senyora? Hindi ba ito isang panaginip lamang?

Ilang beses akong umiling upang gisingin ang sarili. Itinuturo lamang nila si Clara upang mabilis na matapos ang kaso. Ngunit... bakit?

"Tama, senyora. Mga hangal, napaikot ng salita lamang," dinig kong usal ni Julian na sinundan ng halakhak.

Naikuyom ko ang aking palad at kasabay noon ay ang pamumuo ng luha sa aking mga mata.

Sinasabi ko na nga ba.

Una pa lamang ay hindi ko na pinaniwalaan ang mga sinabi ni Senyora Cecily. Naramdaman kong mayroong kakaiba sa kaniyang mga sinabi at kapansin-pansin ang pagiging detalyado ng mga bagay na ito gayong inatake siya mula sa likod at agad na nawalan ng malay.

Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa't agad na akong umalis sa ikalawang palapag upang magtungo sa tulugan ng mga tauhan.

Kaliwa't kanan ang pagtawag sa akin ng mga kasambahay sa sandaling tumapak ako sa unang palapag ngunit hindi ko na sila pinansin pa. Nanlalabo na ang aking paningin dahil sa luha at hindi na ako nag-iisip nang tama.

Pagdating sa silid ng mga kasambahay, dumiretso ako sa aking katre, kinuha ang isang lumang papel doon at inilabas ang itinatago kong tinta at pluma.

TanglawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon