Kabanata 11: Sugat at Paghilom

97 36 14
                                    

CLARA

Naging abala ako sa mga sumunod na araw dahil ipinagpapatuloy ko na ang panggagantsilyo ng mga guwantes, balabal at ng kumot na personal na ipinagbilin sa akin ni Lucan.

Gustuhin ko mang tapusin na ang mga ito sa iisang upuan, kulang ang maghapon para roon. Karaniwang takip-silim na kapag nakauuwi ako sa aking bahay mula sa manor. Kung tutuusin, simpleng mga likhang-tela lamang ang aking ginagawa, ngunit hindi pa rin ganoon kabilis ang proseso nito.

Matrabaho at mabusisi ang panggagantsilyo. Kailangang may sapat na kaalaman ang isang taong gagawa nito. Bukod pa roon, dapat ay mayroon din siyang tiyaga at mahabang pasensiya sapagkat may ilang pagkakataon na nagkakaproblema sa kalagitnaan ng proseso, tulad na lamang ng pagkakabuhol ng mga pisi at hindi pag-ayon ng hitsura ng produktong lumabas sa disenyong balak na gawin.

Kahapon ay nakipag-usap ako kay Lucan para linawin ang ilang detalye sa kumot na ipinagagawa niya at ipaalam na hindi ko pa natatapos ang kumot.

"Lucan, m-magandang umaga," mahinhing usal ko, nakalagay ang dalawang kamay sa likuran. Saglit kong inilibot ang tingin sa tahimik na kuwadra bago nagbaling kay Lucan.

Nag-angat ng tingin sa akin si Lucan na abalang nililinisan ang mahahabang binti ni Raveno, ang alaga niyang kabayo. Inilapag niya ang hawak na eskoba sa isang tabla bago tumayo at humarap sa akin. "Magandang umaga rin, Clara. Napadaan ka?"

"I-ikaw ang sadya ko," mahinang sagot ko. Gusto kong gawaran ng kaliwa't kanang sampal ang aking sarili dahil sa aking pagka-utal. Ano ba ang nakakakaba sa presensiya ni Lucan? Bakit ako ganito?

Nagtaas siya ng kilay at humawak sa magaspang na likod ni Raveno. "Hmm?"

"Gusto ko sanang ipaalam na hindi ko pa tapos ang ipinagagawa mong kumot. Naging abala kasi ako nitong nakaraan sa manor at sa iba pang personal na bagay," usal ko at nagpilit ng ngiti. "S-sana ay maintindihan mo."

"Ibigay mo na lamang sa akin kung kailan mo matapos," mahinahong wika niya at sinimulan nang suklayin ang mahabang buntot ni Raveno gamit ang kaniyang mga daliri saka ngumiti sabakin. "Huwag kang mag-alala, maghihintay ako. Hindi mo kailangang madaliin iyon."

Araw ng Lunes. Wala nang isang linggo at magaganap na ang pinakainaabangang piging sa buong bayan ngayong taon.

Kanina, sa aking paglalakad papunta sa manor, nakarinig ako ng ilang bulungan tungkol sa selebrasyon, kaya't binagalan ko ang aking paglalakad.

"Mayroong magaganap na handaan sa Manor Edevane sa Sabado, hindi ba?" tanong ng isang mamimili habang nagtitingin ng mga preskong isda.

Tumango ang tindera. "Mayroon nga raw. Hay naku, halos isang buwan nang naghahanda ang mga manggagawa roon para sa piging. Kuwento nga ng isa kong kakilala na naninilbihan doon, talagang enggrande raw ang handaan."

"Oh, talaga? Sabagay, mayaman naman ang mga Edevane at kahit araw-araw pa silang magdaos ng selebrasyon ay kakayanin nila."

"Imbitado raw ba ang lahat?" kuryosong tanong ng isa pang mamimili na namimili rin ng isda.

Natawa ang tindera ng isda at agad na napailing, tila ba isang malaking biro ang sinabi ng mamimili. "Aba, siyempre ay hindi! Hindi mo pa ba kilala ang mga tulad nila? Hangga't wala kang takba-takbang alahas at hindi ka humihiga sa dagat ng salapi ay hindi ka nila kikilalaning kauri."

TanglawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon