Kabanata 25: Huling Tanglaw I

66 16 0
                                    

SOPHIA

Mula sa tuktok ng bundok, dire-diretso akong tumakbo hanggang sa bukana ng gubat, inaabangan ang mga kawal upang magpahabol sa kanila at hindi nila matunton si Clara sakaling narito pa siya sa gubat.

Napakamapanganib ng planong ito ngunit upang matigil na ang kasamaan ni Senyora Cecily, gagawin namin.

Ilang minuto akong naghintay sa silong ng isang malaking puno ngunit walang dumating na mga kawal. Lumalakas na ang ulan, dumadalas ang kulog at kidlat at lumalamig na ang simoy ng hangin ngunit hindi pa rin sila pumapasok upang maghanap.

Anong oras na, bakit hindi pa sila pumapanhik dito? Madilim na't talo sila kung hindi pa nila sinimulan ngayon.

Saglit akong naglakad-lakad, sinisilip ang iba pang daan papasok ng gubat ngunit wala pa rin. Imposible, dito lamang ang maayos na lagusan para sa mga kabayo at karwahe na tiyak kong dala nila.

Naiinip na ako at basang-basa na ang aking buhok, damit at balat. Tutuloy ba sila ngayon? May nangyari kaya?

Naisip ko tuloy kung nakalabas na ba sa gubat si Clara. Halos kalahating oras na mula nang magkahiwalay kami at kung tuloy-tuloy ang kaniyang usad, tiyak kong palabas o nakalabas na rin siya ng gubat.

Sina Tiya Ysobela kaya? Sigurado akong lumalakas na ang pagragasa ng tubig sa ilog kaya't lalo kaming dapat na magmadali.

Maraming minuto pa ang lumipas at lalo lamang sumama ang panahon. Naninigas na ang aking mga labi sa pagkababad at lamig ngunit walang dumating na mga kawal.

Kaya, upang makasiguro, nagpasiya akong silipin na rin ang iba pang lagusan papasok sa gubat. Tahimik akong naglakad at maya't maya ring nagugulat sa malalakas na kulog na gumigising sa kagubatan.

Nang makalampas na ako sa damuhan, kumidlat at nagpaliwanag ito sa kagubatan. Sa hindi malamang dahilan, nagbunga iyon ng matinding kaba sa akin.

Hindi ako takot sa kidlat, ngunit ang isang iyon ay nagdala ng kakaibang pangamba sa akin. Para bang may hindi magandang nangyari kaya't naging aligaga ako.

Huwag naman sanang maging tama ang pakiramdam ko.

Nagpatuloy ako sa paglalakad, palinga-linga sa paligid upang mabantayan kung mayroong mga kawal, hanggang sa nakarinig ako ng isang malakas na sigaw.

Malakas na malakas at tila puno ng pagpapakasakit... pagdadalamhati.

Noong una ay inakala kong kay Clara iyon ngunit napagtanto ko na boses iyon ng isang lalaki.

Kasunod ng malakas na sigaw na iyon ay ang paglipana ng mga uwak mula sa isang malaking puno. Dumagundong ang aking puso at mabilis na sinundan ang pinanggalingan ng sigaw.

Hindi maganda ito.

Ilang beses akong muntik nang madulas sa putikan at ilang ulit din akong natamaan ng mga nakausling sanga ngunit hindi ko na iyon pinansin pa.

Mayroong kung ano sa aking nagsasabi na puntahan ko ang pinanggalingan ng ingay na iyon kahit pa alam kong walang katiyakan ang naghihintay sa akin.

Takbo ako nang takbo hanggang sa natanaw ko ang isang karwahe at ilang matitikas na kabayo hindi kalayuan sa aking kinatatayuan.

Ang mga kawal!

"CLARA!"

Binalak kong lumiko upang magpunta sa unahan ng mga kawal at magpahabol sa kanila ngunit narinig ko muli ang sigaw, ngunit sa pagkakataong ito, dinig na dinig ko na ang kaniyang sinabi.

TanglawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon