Kabanata 12: Mitsa

90 31 8
                                    

CLARA

Araw ng Miyerkules. Pag-uwi galing sa manor, agad ko nang kinuha ang mga likhang-tela sa aking barong-barong at pumuwesto na sa aking karaniwang lugar sa pamilihan.

Apat na pirasong balabal at limang pares ng guwantes ang aking inilatag doon. Ang kikitain ko sa pagtitinda ng mga ito ay ibibigay ko kay Seraphino, pangdagdag sa piyansang hinihingi sa kaniya ng korte kapalit ng paglaya ni Theresa.

Kahapon, nagkita kami ni Seraphino upang pag-usapan ang tungkol sa pagpipiyansa kay Theresa sa piitan. Palihim kaming nagkita sa ilog at nagkaroon ng mabilisang usapan, ayon na rin sa kagustuhan ni Seraphino. Hindi man niya ipinaliwanag sa akin kung bakit, pumayag na lamang ako.

"Payag silang piyansahan na lamang si Theresa, ngunit malaking halaga ang hinihingi nila," malungkot niyang usal at napayuko na lamang, bumunot ng kaunting damo sa kaniyang tabi at inihagis ito sa ilog.

Saglit akong natahimik, tumitig lamang sa malawak na lupain, nag-iisip kung paano makatutulong sa dilema ng aking mga kaibigan.

"No tengo suficientes ahorros..." bulong niya sa gitna ng kaniyang pananahimik. Hindi ko man batid kung ano ang kaniyang sinasabi, napag-alaman kong ito ay Espanyol, isang wikang dayuhan.

(Hindi sapat ang aking ipon.)

Noong Lunes, nag-usap din kami rito sa ilog at gaya ng nakagawian ay nagsalita rin siya ng dayuhang wika, kaya't itanong ko sa kaniya kung anong lenguwahe iyon, at agad niya namang sinabi na ito ay Espanyol.

Natutunan niya raw ito dahil tubong Espanya si Seraphino Fermosel, na napadpad lamang sa aming bayan nang nagkaroon ng krisis sa kaniyang bayan doon. Wala akong ideya na siya ay mula pala sa Espanya, marahil ay natutuhan ko na siyang tingnan bilang aming kababayan kaya't hindi ko na gaanong makita pa ang bakas ng pagkadayuhan niya.

Kung gayon, kababayan ni Seraphino ang mga tanyag na Espanyol sa aming bayan, tulad nina Rafael Asperez at Virgilio Sotomayor.

"Clara?"

Naibalik ako sa reyalidad nang marinig ko ang pagtawag ni Seraphino. Kanina pa raw ako tulala sa malinaw na tubig ng ilog, hindi sumasagot sa kaniyang mga tanong.

"Bukas ay araw ng pamimili," usal ko nang mahimasmasan na. "Ipagbibili ko ang aking mga likhang-tela. Ang kikitain ay agad kong ibibigay sa iyo upang makadagdag sa pampiyansa."

"Sigurado ka ba riyan?" takang tanong ni Seraphino.

"Oo, sigurado ako," tugon ko at tumango. Ano ba naman iyong makatulong ako nang kahit kaunti lamang sa mga kaibigan ko?

Ngumiti nang malapad si Seraphino, umangat ang kaniyang mabutong mga pisngi at napayuko nang bahagya. "Muchas gracias Clara!"

Hindi ko man naintindihan ang kaniyang sinabi, tumango na lamang ako at sinuklian din ang ngiti niya. Palagay ko ay kailangan ko nang mag-aral ng Espanyol sa lalong madaling panahon.

Ngayon, narito na ako sa mahabang kalye ng pamilihan, nanghihimok ng mga potensiyal na mamimili ng mga balabal at guwantes.

"Kakasiya ba iyan sa limang taong gulang, binibini?"

TanglawWhere stories live. Discover now