Kabanata 21: Ihip ng Hangin

67 18 2
                                    

CECILY

"Hindi mo na dapat pa pinatulan si Ysobela, Julian."

Malayo ang aking tingin habang nakaupo sa puti at malambot na kama ng gamutan. Simula kanina ay narito na ako, pinagpapahinga ni Acervo sa mga galos at pasa na natamo ko kahapon.

Kanina lamang ay biglang nagpunta sa aking silid si Ysobela, ang mayordoma ng manor, upang magbitiw sa kaniyang posisyon. Ayon sa kaniya, nagiging mahina na ang katawan niya't ayaw na niyang magtrabaho pa.

Nakapagtataka. Ngayon pa talaga siya nagbitiw kung kailan ibuburol na si Alcatraz, ang magaling niyang amo? Siya ang inaasahan ng buong manor sa mga oras na ito, at kung aalis siya'y tiyak kong mawawalan ng organisasyon dito.

Ayaw ko man siyang payagan, wala akong magagawa.

"Ininsulto ako ni Ysobela, Senyora," tugon ni Julian sa aking katanungan kaya't agad ko siyang nilingon, nakataas ang kilay at matalim ang mga mata.

Ysobela. At kailan pa sila naging magkaibigan at magkalebel ni Ysobela? Sa pagkakatanda ko ay mas mataas ang tungkulin ni Ysobela sa manor na ito. "Tawagin mo siyang Tiya, o madam, wala akong pakialam. Igalang mo si Ysobela bilang dating mayordoma ng manor."

Malaki ang tiwala ko kay Ysobela kahit pa hindi kami naging magkalapit. Naging mabuti sa akin ang dating mayordoma't hindi ko alam kung mayroon pang makapapantay sa sipag at dedikasyon niya.

Namutla si Julian dahil sa aking sinabi kaya't agad kong iniikot ang aking mga mata. "P-paumanhin, senyora."

"Ngayong wala na si Ysobela, ikaw muna ang umasikaso sa burol ni Alcatraz," diretsong usal ko, hindi pinansin ang paghingi niya ng paumanhin. "Mahina pa ang aking katawan."

Bumalik ang liwanag sa mga mata ni Julian, tumango at inilagay ang kaniyang mga kamay sa likuran. "Masusunod po. Ngunit, senyora, ang ibig sabihin po ba nito ay—"

"Ano, Julian?"

"A-ako na ang bagong mayordoma ng Manor Edevane?"

"Hindi," diretsahang sagot ko. "Pansamantala lamang. Mapag-uusapan ang bagay na iyan pagtapos mailibing ng aking asawa."

Yumuko si Julian, iniiwas ang tingin sa akin. Marahil ay nahiya sa pagiging papansin niya. "N-naiintindihan ko po, Senyora Cecily."

Muli, inikot ko ang aking mga mata. Masiyado nang maraming tungkulin si Julian sa manor at malakas ang aking kutob na hindi niya magagampanan nang maayos ang pagiging mayordoma.

Mas nababagay sa kaniya ang pagiging mensahero't tagasulat. Naaayon sa kaniya ang paghawak ng mga papeles, tutal, mahilig naman siyang pumapel.

Saglit pang nanatili sa aking silid si Julian bago nagpaalam at agad nang umalis. Pinagmasdan ko muna siyang tuluyang isara ang malaking pinto bago ibinalik ang tingin sa bintana.

Sa wakas, katahimikan. Nilanghap ko ang presko at malamig na hanging mula sa bintana. Napapikit ako nang maramdaman ang banayad na haplos nito sa aking balat.

Ito pala ang kalayaan. Sa tagal ng panahong nakulong ako sa isang pagsasamang hindi ko ginusto, nalimutan ko na ang ganda ng pag-iisa... ang lasa ng kaginhawaan.

TanglawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon