Kabanata 23: Muni-muni

52 15 0
                                    

CLARA

Araw ng Linggo. Ngayon na ang nakatakdang pag-uwi ni Lucan. Sa loob ng aking puso, nais ko siyang salubungin at agad na asikasuhin sa manor ngunit...

...hindi na posible ang bagay na iyon sa sitwasyon ko ngayon, sa sitwasyon ng manor.

Iniisip ko, natanggap niya kaya ang aking sulat? Nabasa niya kaya ito? Mabibigla siya nang lubos lalo na kapag napagtanto niyang kabaliktaran ng aking isinulat sa liham ang tunay na nagaganap sa aming bayan.

Tulala ako habang nakadungaw sa bintana ng aking silid, iniisip ang magaganap na pagbaba sa bundok mamayang hapon.

Handa na ngang talaga ang lahat.

"Clara, hindi ka magtatagal sa manor," mariing paalala ni Tiya Ysobela sa akin nang magpunta siya rito noong Miyerkules upang bumisita at ipaalam na siya'y kaalyado namin ni Sophia at hindi siya tatayo sa panig ng mga mapang-api.

Pinatahan muna nila akong dalawa bago magpatuloy ang pagpaplano namin. Sa mga sandaling iyon, hindi ko na napigilan pa ang pagbuhos ng aking luha. Hindi ko alam ang uunahin ko at gulong-gulo ang isip ko; nais ko na lamang na umurong sa plano sapagkat dalawang tao na ang maaaring madamay rito.

Maigi na marami akong kasama sa pagsasagawa nito ngunit paano kung hindi kami magtagumpay? Paano kung mabigo kaming kumbinsihin ang mga tao at patunayang may sala si Senyora Cecily?

Gaano man kapulido ang aming plano, mayroon pa ring posibilidad na pumalya ito.

Iniisip ko pa lamang na kami'y babagsak ay hindi ko na makayanan pa. At lalong hindi ko kakayanin sakaling may mangyaring masama kina Sophia at Tiya Ysobela bunsod ng aking kagustuhang maisiwalat ang ginawa ni Senyora Cecily.

"Dalawang oras lamang ang itatagal mo sa manor, Clara. K-kapag lumipas ang dalawang oras at wala ka pa, pupuntahan ka na namin doon," wika ni Sophia at nilagyan ng tsaa ang aking tasa. Tinulak niya ito palapit sa aking tapat.

Marahan akong tumango, kinuha ang tasang nilagyan ni Sophia. "Pangako."

"Mabuti," ani Tiya Ysobela. "Sa Sabado nang gabi ay ihahanda na namin ang bangka sa ilog. Kayong dalawa, ayusin ninyo na rin ang inyong mga sarili, maliwanag? Ang mga gamit ninyo'y iimpake niyo na."

At ganoon nga ang nangyari sa amin. Kagabi, naging abala kami ni Sophia sa pagliligpit ng mga gamit na ilang araw lamang naming napakinabangan sa tahanang ito.

"Handa ka na, Clara?"

Natahimik ako sa tanong ni Sophia habang ako'y nagliligpit ng mga damit na aming dala. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kaniya na sinabayan ng tipid na ngiti. "Handa na, Sophia..."

"Magiging maayos din ang lahat," nakangiting usal ni Sophia at tinapik ang aking balikat. Nagpatuloy siya sa ginagawang paglalagay ng mga gamit sa isang malaking bayong.

Lumapad ang aking ngiti at sa sandaling iyon, panandaliang napuno ng pag-asa ang aking puso. Sana nga'y maging maayos din ang lahat... sana.

Sa aking pagliligpit, napansin ko ang pulang balabal na hindi ko naipagbili sa pamilihan noong nakaraan. Ito ang gagamitin ko bukas sa pagbaba ng bundok sapagkat ito lamang ang nakuha kong balabal mula sa aking dating barong-barong.

Sa katunayan, ito dapat ang magiging regalo ko kay Theresa, ngunit dahil mapaglaro ang tadhana, hindi na ako nagkaroon ng pagkakataong maibigay pa. Siguro ay gagawa na lamang akong muli, sakaling mabigyan pa ng pagkakataong makita ko siya.

TanglawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon