Kabanata 14: Ang Saksi

84 29 4
                                    

CLARA

"Ingatan mo ang iyong asawa, palagi mong samahan at nang hindi na maulit pa ang natapos na."

Tumango-tango si Seraphino sa paalala ng guwardiya sa piitan. Malapad ang ngiti nito, nagniningning ang mga mata sa tuwa habang hawak ang kamay ni Theresa. "Makakaasa po kayo sa akin, ginoo. Maraming salamat."

"Maraming salamat din, pagpalain kayo."

Agad na binitawan ni Seraphino ang kamay ni Theresa at hinayaan itong maglakad papunta sa akin. Binuksan ko ang mga kamay ko at hinayaang yumakap sa akin si Theresa na ngayon ay malaya na sa mga bakal na rehas at maalikabok na sahig ng piitan.

Malaki ang pinagbago ni Theresa, bunsod ng higit isang buwan pagkakapiit. Namayat siyang lalo at humaba pa nang kaunti ang itim niyang buhok. Ngunit sa lahat ng nagbago sa kaniya, ang pinakapumukaw sa aking pansin ay ang pagbabalik ng kinang sa kaniyang mga mata-mga mata niyang minsan nang tinakasan ng buhay at kulay.

"Mabuti at nakalabas ka na, Theresa," bulong ko, hinawakan ang magkabilang pisngi ng aking kaibigan at inilagay ang mga takas na buhok sa likod ng kaniyang tainga. "Malaya ka nang muli, Theresa..."

Napalunok siya at hinaplos ang aking kamay na nakalapat sa kaniyang pisngi. Saglit siyang nagbato ng tingin sa peklat na nasa braso ko bago tumitig sa akin at sinabing, "S-salamat... Clara..."

Labis ang tuwang namayani sa aking puso nang sa wakas ay banggitin niya na ang aking pangalan. Naaalala niya na ako. Kilala niya na ako... muli. "Walang anuman, Theresa."

Sa huling pagkakataon ay hinawakan ko ang kaniyang nanginginig ngunit magaang kamay bago siya hinayaang lumapit na at humawak sa bisig ni Seraphino. Anong saya ng aking puso nang muling makitang magkatabi ang mag-asawa! Kitang-kita ang ligaya sa at pagmamahal sa kanilang mga mata.

"Maraming salamat sa lahat ng naitulong mo sa amin, Clara," malumanay na sabi ni Seraphino habang hinahaplos ang buhok ng kaniyang asawa. "Hindi ko alam kung paano masusuklian ang lahat ng kabaitan na ipinagkaloob mo sa akin... sa asawa ko."

Marahan akong umiling at ngumiti. "Wala iyon, Seraphino. Kaibigan ko kayo, at ang magkakaibigan, hindi nag-iiwanan. Kung may kailanganin man kayo ni Theresa, alam mo kung saan ako hahanapin."

Tumango si Seraphino at inilahad ang kaniyang kamay. "Maraming salamat uli, Clara."

"Mag-iingat kayo sa pag-uwi, Seraphino. Hanggang sa muling pagkikita," nakangiting wika ko at tinanggap ang iniaalok na kamay ni Seraphino.

Sinabi sa akin ni Seraphino na balak na niyang bumalik sa Espanya at doon magsimula ng bagong buhay kasama si Theresa. Hihintayin lamang daw niyang umayos ang kalusugan ni Theresa at agad nang lilisanin ang Meirion para sa Espanya.

Sang-ayon ako sa plano ni Seraphino para sa kanila ni Theresa. Kailangan ng kaniyang asawa ng bago at preskong paligid kung saan walang mga taong paulit-ulit na huhusga sa kaniya at uungkat sa nakaraan niyang pilit na nagkukulong sa kaniya hanggang ngayon.

Kailangan niyang makahinga mula sa mapanghusgang mga mata at bibig ng mga tao sa bayang ito, at ang pag-alis lamang ang tanging paraan para roon.

Nakangiti kong tinitigan ang mag-asawang tahimik nang naglalakad palayo sa piitan. Tulad na muli sila ng dating magkasintahang aking naaalala.

TanglawWhere stories live. Discover now