Kabanata 4: Hudyat

163 73 65
                                    

CLARA

"Isang piging po, Senyora?"

Agad kaming nakarating ni Ginoong Lucan sa manor dahil na rin sa bilis niyang magpatakbo ng kabayo. Mabilis, ngunit kalkulado. Alam na alam niya kung kailan pababagalin at pabibilisin si Raveno.

Nang makababa nga ako sa kabayo, saka ko lang napagtantong kapit na kapit ako kay Ginoong Lucan sa buong biyahe. Namula ang aking pisngi. Nakahihiya…

Tinanguan ako ni Senyora Cecily bilang sagot, lalo pang nadepina ang magarang diyamanteng kwintas na kaniyang suot. Hindi ko alam ngunit nararamdaman ko ang ‘lamig’ sa bawat kilos ni Senyora Cecily. Tila ang bigat ng pakiramdam tuwing siya’y nariyan. "Isang piging, Clara. Kailangan ang tulong niyong lahat."

"Wala pong problema sa akin iyon," tugon ko at yumuko nang bahagya bilang paggalang sa maybahay ng Manor Edevane.

May idaraos na isang malaking pagdidiwang sa manor sa susunod na buwan na nakalaan para sa ika-dalawampung taon na pagsasama ng Senyor at Senyora Edevane. Imbitado ang iba't-ibang pinuno, prinsipe at prinsesa at iba pang matataas na tao sa lipunan mula sa palibot ng globo.

Hindi na kataka-takang bigatin ang mga bisita sa pagsasalong ito. Paano ba nama'y madalas makipaghalubilo ang mag-asawa sa iba't-ibang mga tao. Madalas din silang maglakbay sa iba't-ibang bansa noon, umaasang makahahanap ng doktor na makapagbibigay ng lunas sa kanilang problema.

Sa dalawampung taon kasi ng kanilang pagsasama, hindi nabiyayaan ng anak ang mag-asawa. Ilang beses na raw nilang sinubukan ngunit palaging walang nangyayari.

Ang ikinatatakot ng kanilang mga kamag-anak, sila'y tumatanda na rin at kailangan na nilang mahanap ang magmamana sa lahat ng kayamanan nila.

Sa mga taong kagaya nina senyor at senyora, isang napakabigat na problema ang hindi pagkakaroon ng anak sapagkat, kung titingnang maigi, tinuturing nilang tagasunod sa kanilang yapak ang mga magiging anak nila.

Tagapagpatuloy ng mga nasimulan, tagapagbuo ng mga hindi natapos.

Marami pang ibinilin ang senyora sa amin kaya’t ilang sandali pang balot ng katahimikan ang manor. Ipinag-utos niyang sa manor na ako at ang iba pa naming kasamahan magpalipas ng gabi dahil inabot ng ilang oras ang biglaang pagpupulong para sa piging sa susunod na buwan.

Kinabukasan, maaga akong gumising upang kunin ang aking agahan sa kusina. Balita ko kasi, nagpaluto raw ng maraming putahe ngayong umaga si Senyor Alcatraz para sa mga trabahador na napilitang magpalipas ng gabi sa manor.

Hindi na rin masama. Nakatipid ako ng ilang kutsarita ng tsaa at ilang piraso ng biskwit sa aking bahay.

"Magandang umaga, Tiya Ysobela!" masiglang bati ko sa mayordoma ng manor, si Tiya Ysobela, kung tawagin ng marami.

Matagal na siyang naninilbihan sa pamilyang ito, kabinataan pa lamang ni Senyor Alcatraz na ngayo'y may mga puti na ring buhok. Siya ang takbuhan ng lahat sa tuwing mayroong problema sa manor at sa tuwing may mga tanong kami tungkol sa kasaysayan at kung ano pang tungkol sa pamilya Edevane.

Nginitian ako ni Tiya Ysobela saka inayos ang bilugang salamin niya. Kuminang ito nang bahagya sapagkat natamaan ng sinag ng araw mula sa bintana. "Maaga kang bumangon, Clara! Sandali, ipag-uutos kong ihanda na ang agahan mo."

Tinanguan ko siya at pinanood siyang tawagin ang bagong kusinera na si Marie. Maliit na babae si Marie, may maiksing buhok at maputing balat. Natural na mapungay ang kaniyang mga mata at kitang-kita ang iilang pekas sa kaniyang mapupulang pisngi. "Marie, makikisuyo sana ako. Ipaghanda mo sa plato ang agahan ni Clara—"

TanglawWhere stories live. Discover now