Kabanata 13: Ikadalawampu

94 32 12
                                    

CLARA

Umaga pa lamang ay nakalinya na ang lahat ng mga tauhan ng Manor Edevane mula sa tapat ng pintuan hanggang sa tapat ng tarangkahan upang mainit na salubungin ang mga bisitang nagmula pa sa iba't ibang bayan at bansa.

Nakahilera ang mga maiiksing poste sa gilid namin. Napapalamutian ito ng mga berdeng laso at may mga preskong bulaklak. Sa gitna ng mga posteng ito nakalatag ang isang pula at mahabang karpet mula sa tapat ng pintuan hanggang sa mismong tarangkahan.

Ngayon ang araw ng selebrasyon--selebrasyong ilang linggo naming pinagtuunan ng pansin, oras at lakas upang maisakatuparan ang lahat ng pinaplano ng mag-asawang Edevane.

"Klaus, maaari bang ikaw muna ang magpakilala sa mga bisita? Titingnan ko muna kung nakaayos na ang lahat sa loob," paalam ni Tiya Ysobela kay Ginoong Niklaus na may gulat na reaksyon sa mukha. Magkatabi sila sa pila bilang sila ang mayroong mga pinakamataas na posisyon sa manor.

Umiling si Ginoong Niklaus at umayos ng tayo. "Ysobela, ipaaalala ko lamang sa iyo na ang aking boses ay--"

"Alam kong garalgal ang iyong boses, Klaus. Ngunit kailangan ko nang mag-asikaso sa loob. Dumarami na ang mga bisita," giit ni Tiya Ysobela saka inilagay sa malapad na palad ni Ginoong Niklaus ang papel kung saan nakasulat ang pangalan ng mga panauhin. "Babasahin mo lamang ang mga ito."

"Mas madaling sabihin--"

"Salamat sa iyong sapilitang kooperasyon, Klaus," wika ni Tiya Ysobela, hindi na pinatapos pa ang punong-kawal na tila umurong ang dila sa pagkama-awtoridad ng aming mayordoma. Sinundan niya na lamang ng tingin ito habang nagmamadaling naglakad papasok sa manor.

Napalunok na lamang si Ginoong Niklaus at inihanda ang sarili dahil mayroong bagong bisitang dumating, sakay ng asul na karwaheng hila ng dalawang puting kabayo.

Napabuga ng hangin ang punong-kawal at bumuwelo. "Senyora Louise at Senyor Bartholomew Salvatore ng Glerma--"

Hindi na natapos pa ni Ginoong Niklaus ang kaniyang sasabihin dahil siya ay pumiyok. Nanlaki ang mga mata ng kabalyero habang nagtawanan naman ang lahat ng nakarinig, kabilang na ako at ang mag-asawang Salvatore na mula sa Glerman.

"Ang punong-kawal yata'y nagbibinata pa lamang," biro ni Senyor Bartholomew. Inayos nito ang kaniyang kahoy na bastong mayroong gintong hawakan.

Napayuko dahil sa hiya si Ginoong Niklaus ngunit agad ding nag-angat ng tingin sa mag-asawa. "Ipagpaumanhin ninyo, Senyor at Senyora."

Tatawa-tawang umiling naman si Senyora Louise, aliw na aliw sa nangyari. "Siguraduhin mo na ikaw ay makaiinom ng salabat pagtapos ng piging, Niklaus."

"Tatandaan ko po, Senyora," magalang na tugon ni Ginoong Niklaus.

Dahil halos isang dipa lamang ang aking layo kay Ginoong Niklaus, dinig na dinig ko ang mahina niyang pagbuntong-hininga kahit pa nakangiti siya sa lahat. "Magtutuos tayo mamaya, Ysobela. Idaan natin sa eskrima ito."

Natawa ako sa kaniyang sinabi. Bagamat napakatapang ni Ginoong Niklaus sa harap ng lahat ng manggagawa, isa lamang siyang simpleng kabalyerong takot sa maaanghang sa mga mata ng kaniyang matalik na kaibigang si Tiya Ysobela.

Ilang sandali pa, dumating na ang pinakahihintay ng lahat. Isang puting karwaheng inukitan ng mga gintong palamuti ang tumigil sa harap ng tarangkahan. Hila ito ng apat na itim na kabayong tila pilak ang mga matunog na sapatos.

TanglawWhere stories live. Discover now