Kabanata 22: Achlys

60 16 0
                                    

CECILY

Mula sa hardin, dire-diretso kong binaybay ang marmol na daan pabalik sa aking silid. Matapos ang halos isang linggong pagkakaratay sa gamutan, pinayagan na ako ni Acervo na maglakad-lakad sa labas sapagkat mabuti naman na raw ang aking pakiramdam.

Nakatatawa. Mabuti naman talaga ang pakiramdam ko kahit bago pa magpahinga sa pagamutan.

Walang mapagsidlan ang aking pagkasabik habang inaakyat ang hagdan patungo sa ikatlong palapag ng manor. Ani Matias ay darating siya sa tanghali at ngayong pasado ala una na, tiyak kong naroon na siya sa aking silid.

Madalang kaming magkita ni Matias sapagkat palihim lamang siyang pumapasok sa manor na ito. Walang nakakaalam na siya'y aking nobyo bago pa mawala si Alcatraz at walang ibang dapat na makaalam ng bagay na iyon.

Kaya naman, tuwing narito siya, tinitiyak kong walang makaaabala sa aming pag-iisa. Nakaw lamang ang aming mga sandali kaya't ang bawat segundo ay pinahahalagahan ko.

Pagdating sa tapat ng pinto, tumigil muna ako at huminga nang malalim, nag-iipon ng lakas ng loob. Inayos ko ang aking buhok at sinigurong hindi kusot-kusot ang aking damit. Nang matiyak kong maayos na ito, pinihit ko na ang hawakan ng pinto saka tinulak.

Ngunit, anong pagtataka ko nang madatnan ko si Matias sa harap ng aking tukador, inilalagay ang aking mga iniingatang alahas sa kaniyang bulsa.

"Matias... ano ang ginagawa mo?"

Marahil ay hindi niya napansin ang pagtunog ng pinto at ang pagpasok ko sapagkat ngayon pa lamang siya natigilan sa kaniyang ginagawa.

Dahan-dahan siyang humarap sa akin, binitawan ang isang perlas na kaniyang hawak saka kinakabahang ngumisi. "C-Cecily... narito ka na p-pala."

"Sagutin mo ang katanungan ko, Matias," kalmado kong usal at tinuro ang aking tukador. "Ano ang ginagawa mo?"

Umiling siya at sinubukang ngumiti. "Ako? W-wala akong ginagawa, Cecily."

Marahan akong tumango, namumuo na ang galit at pagkamuhi sa aking isip. Nahuli na, nagsisinungaling pa.

Dahan-dahan siyang lumapit sa akin at niyapos ako, ngunit sa isang iglap lamang ay nawala na ang lahat ng tuwang nadarama ko tuwing nariyan siya.

Huling-huli ng dalawang mga mata ko kung paano sinubukang nakawin ni Matias ang aking mga alahas.

Sa mga sandaling ito, nais kong pagtawanan ang aking sarili sapagkat sa ikalawang pagkakataon, pakiramdam ko'y pinaglaruan at ginamit lamang muli ako.

Hindi ba talaga ako natuto? O sadyang abusado at walang utang na loob lamang ang mga tao sa paligid ko?

Mayroon akong rason upang palayasin ngayon din si Matias ngunit pinili ko na munang magbulag-bulagan. Hindi sapat ang pagpapalayas para sa kataksilang ginawa niya.

Gayunpaman, kahit durog na durog ang aking puso at tila tuliro ako habang yakap niya, hindi ako umastang mayroong nagbago.

Sinubukan ko pa ring ngumiti, tanungin ang kaniyang araw at tinabihan pa siya sa aking higaan nang sabihin niyang siya'y pagod dahil sa buong araw na pagtatrabaho.

Wala na akong pakialam sa kung ano mang sinasabi niya sa mga sandaling iyon dahil nabalot na ng sama ng loob ang aking isipan.

Ilang oras kaming nagkaroon ng mabagal na usapan at suyuan bago nagsabi si Matias na inaantok siya.
Bilang bahagi ng pagkukunwari, nagboluntaryo akong kumuha ng tsaa upang inumin niya.

TanglawWhere stories live. Discover now