Kabanata 9: Himala

100 40 43
                                    

CLARA

"Kanina ka pa nakatitig sa akin, Clara."

Ilang ulit akong napakurap dahil sa sinabi ni Lucan na nakatuon ang tingin sa lawa. Isang patuyang halakhak ang pinakawalan niya bago kumagat sa mansanas na hawak niya. 

"A-ako? Hindi ako nakatitig," pagtanggi ko, kahit alam kong nahuli niya na ako, at iniwas ang tingin. Nakakahiya. Bakit nga ba ako tumitingin sa kaniya?

"Kumusta ang iyong trabaho sa manor?" tanong niya, binago ang usapan. Salamat naman.

Nagbato siya ng kuryosong tingin sa akin, saka bumaling sa aking braso.

Napanguso ako at agad na nag-angat ng tingin sa kaniya. "Maayos naman ako, gayon din ang aking sugat. Tingnan mo, patuyo na, hindi ba?"

"Hmm." Kumunot ang kaniyang noo at tinitigan ang aking braso. Akala ko ay titingnan niya lamang ngunit laking gulat ko nang ipadaan niya sa gilid ng aking sugat ang kaniyang hintuturo. "Patuyo na."

Tila kinuryente ako dahil sa ginawa niya at hindi ako kaagad na nakapagsalita, ni hindi rin ako makagalaw. Hindi pa nga matatawag na haplos ang kaniyang ginawa, ngunit heto ako, halos mawala na sa aking sarili.

Nag-iwas ako ng tingin at inabala na lamang ang sarili sa makikinis na bato sa gilid ng lawa.

Ngayon ay Miyerkules at wala sa manor ang mag-asawang Edevane dahil dadalo sila ng isang kasalan sa sentro. Kaya naman, ayos lamang kung hindi na pumasok ngayong araw ang mga manggagawa sa labas ng bahay, tulad ko at ni Sophia.

Si Lucan? Siya ay guwardiya ng manor kaya't umulan o umaraw ay kailangan niyang pumasok. Wala silang pahinga, liban na lamang kung ipagkakaloob ng senyor at senyora.

Bagamat ako ay walang pasok sa araw na ito, maaga pa rin akong bumangon upang linisin ang tapat ng aking bahay. Pagkatapos, uminom ako ng tsaa mula sa gumamela at nanatili sa  kaginhawaan ng aking silid habang sinisimulan ang panggagantsilyo sa unang balabal na aking gagawin.

Sa susunod na linggo ang aking balak na oras upang magtinda sa pamilihan, kaya't sinisikap kong makatapos ng tatlong pares ng gwantes at limang balabal.

Nasa kalagitnaan ako ng aking ginagawa nang mayroong kumatok sa aking pintuan. Alas sais pa lamang, kaya't ako ay nagtaka. Tumayo ako at lumapit sa pinto, at nang buksan ko ito, tumambad sa akin ang kakisigan ni Lucan, bitbit ang isang malaking buslo at katabi pa ang kaniyang kabayong si Raveno.

Aniya, namitas daw ng mansanas ang kaibigan niyang si Ginoong Percival at maraming sobrang prutas. Sa halip na itapon, hiningi raw niya ang mga ito at naisipang ibigay sa akin. Pagkatapos ng paliwanag niya, inaya niya ako sa isang simpleng agahan sa gilid ng lawa na agad ko namang sinang-ayunan.

Ngayon ay narito na kami sa gilid ng lawa, dinarama ang katahimikan ng isa't isa. Maya't maya akong naghahagis ng makinis na bato sa gitna ng lawa sapagkat wala naman kaming pinag-uusapan.

Hindi ko alam, tingin ko yata ay dapat na akong matuto kung paano makipag-usap gamit lang ang isip.

"Mahilig ka palang manggantsilyo," pambabasag niya sa katahimikan at nagbaling ng tingin sa akin.

Marahan akong tumango at ngumiti. "Tuwing mayroon akong libreng oras, ginagawa ko iyon. Minsan ay nagtatahi rin ako."

"Ganoon ba?"

TanglawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon