Kabanata 24: Karimlan

65 15 0
                                    

CLARA

Sunod-sunod ang malalaking patak ng ulan sa aking balat. Nababasa na ang aking balabal at kasuotan, at nagiging mas madulas na ang daan pababa ng kabundukan dahil dito.

Malamig ang bawat ihip ng hangin. Nagsasayawan ang mga puno at mga halaman sa paligid ngunit bunsod iyon ng masamang panahon. Hindi pa tuluyang lumulubog ang araw ngunit parang tuluyan nang kumagat ang dilim sa loob ng kakahuyan.

Sa bawat hakbang na aking gagawin, tumatalsik ang putik sa aking damit at binti ngunit hindi na ako nag-abalang linisin ito. Oras ang aking kalaban sa mga sandaling ito.

Takbo ako nang takbo, hinihingal at humahalo na ang pawis, putik at tubig-ulan sa aking katawan. Kahit makailang beses na akong halos gumulong pababa ng bundok, nagtutuloy-tuloy lamang ako.

Kumusta na kaya si Sophia? Ilang minuto na rin ang nakalipas nang magkahiwalay kami. Dumako siya sa daang inisip naming pupuntahan ng mga kawal at palagay ko ay naroon na siya, hinihintay na lamang ang pagdating nila.

Sa bawat sandali ay lalong lumalamig ang bugso ng hangin na nagpapanginig sa aking sistema. Nagiging mabigat na ang aking kasuotan dahil nababasa na ito.

Ilang hakbang pa ay narating ko na ang ilog. Dahan-dahan ko itong tinawid sapagkat lumalakas na ang pagragasa ng malakas na tubig; nagiging marahas na at kung hindi ako mag-iingat ay tiyak kong tatangayin din ako nito tulad ng mga sanga at dahon na lumulutang dito.

Nanghihina na ang aking binti at ilang beses na akong muntik na madulas sa malumot na mga bato sa ilalim ngunit sa kabutihang palad ay natawid ko ang anyong-tubig nang ligtas.

Paglampas sa ilog, dinaanan ko naman ang madamong parte ng kagubatan. Makati at ilang beses pang nasugat ng matatalim na damo ang aking braso ngunit hindi ko na iyon inabala pa at nagpatuloy sa paglalakad.

Hindi ko inasahan na masiyadong magiging nakakapagod ang paglalakbay pababa ng bundok kapag umuulan. Halos kalahati pa lamang ang aking natatapos ngunit heto ako't tila matutumba na dahil sa nanginginig na mga tuhod.

Nang makadaan na sa damuhan, tumigil muna ako sa ilalim ng isang puno at hinabol ang aking hininga. "Kaya mo ito, Clara. Malapit-lapit na."

Ngunit lalo lamang lumalakas ang buhos ng ulan at nagiging mas madilim sa kagubatan dahil sa itim na mga ulap sa itaas nito. Sunod-sunod din ang pagkislap ng matatalim na kidlat sa kalangitan at dumadagundong ang malalakas na kulog sa kakahuyan.

Bakit ngayon pa umulan nang ganito?

Balot na ng putik ang aking binti at nanlalabo na ang aking paningin dahil sa mga patak ng ulan. Wala na ring epekto ang pagsabit ng balabal sa aking balikat sapagkat basang-basa na rin ito.

Alam kong hindi pa aayos ang panahon anumang oras ngayon kaya't kailangan ko nang marating ang manor sa lalong madaling panahon. Kailangan ko nang makabalik kaagad sapagkat naghihintay sa akin sina Sophia, Tiya Ysobela at ang kaniyang kapatid.

Sa aking pagtakbo, namataan ko ang isang grupo ng mga uwak na lumilipad-lipad sa tuktok ng isang malaking punongkahoy. Naghahanap din ng masisilungan ang mga ibon sa panahong ito, tingin ko ay nararamdaman nilang lalakas pa ang ulan.

Nanginginig na ang aking malalamig na labi at ang bawat hakbang para sa akin ay nagiging mahirap lalo pa't maputik, ngunit nagkaroon ako ng pag-asa nang matanaw ko na ang daanan patungo sa bukana ng gubat.

TanglawWhere stories live. Discover now