Kabanata 5: Pag-alaala

149 64 53
                                    

CLARA

Mabilis na kumalat ang nangyaring pag-atake sa akin ni Theresa noong isang linggo sa bahay nila. Dumagsa ang kung ano-anong kuwento tungkol sa kaniya, ang iba pa nga ay hindi na kanais-nais. May mga nagsasabing sobra-sobra pa sa tunay na nangyari at may ilan namang nagpakalat ng balitang kulang na kulang.

"Balita ko'y sugo ng demonyo ang babaeng iyon! Mag-ingat tayo lalo na ang mga bata, baka makawala sa hawla! Iniisip ko pa lamang--ay naku, nakakatakot!"

Napabuntong-hininga na lamang ako, napapikit nang mariin at akmang lalapit na para kausapin ang dalawang ginang na naninira kay Theresa ngunit humalo na ang mga ito sa kapal ng tao sa pamilihan at hindi ko na naabutan pa.

Napailing ako. Gaano ba kahirap para sa ibang tao na magpakatotoo sa lahat ng sinasabi nila? Hindi ba sila nakokosensya sa tuwing mayroong nasisira sa bawat sinasabi nila?

Hindi ko talaga maintindihan itong kakaibang obsesyon ng mga tao sa pekeng balita, sa baluktot na impormasiyon, at sa mapanirang mga kuwento tungkol sa ibang tao.

Hindi ko rin maintindihan kung bakit tila naging medalya na ang pagiging sinungaling at sawsawera sa panahong ito. Hindi ko alam at hinding-hindi ko maiintindihan kung bakit ganoon.

Sa ginagawa nila, napagtanto kong minsan, inaantagonisa ng mga tunay na antagonista ang ibang tao para sa sarili nilang kasiyahan; para sa kapalaluan.

Nagsisimula nang maghilom ang aking kaliwang braso na siyang ipinangsalag ko sa patalim na hawak ni Theresa. Mabuti na lamang at hindi ganoon kalalim ito, at ayon din sa manggagamot, mabuti'y walang natamaang malaking ugat.

Gayunpaman, sumasakit pa rin ito paminsan-minsan lalo na kung naibabangga ko at aksidenteng nagagamit sa pagbubuhat ng mabibigat.

Si Theresa? Siya'y nasa kulungan. Sa katunayan, ayaw kong maipadala siya roon sapagkat ang tunay na kailangan niya ay pagkalinga at pag-intindi. Ngunit, ito rin ang mabuti para sa lahat ngayon, lalo at hindi maganda ang kalagayan ni Theresa. Naaaawa man ako, wala akong magagawa.

Wala pa.

Paglampas sa pamilihan, mabilis na akong naglakad patungo sa manor at nakapagtatakang hindi si Ginoong Lucan ang nagtatao sa tarangkahan. Nasaan kaya siya? Isang linggo na rin yatang hindi ko siya nakikita roon. Siya kasi ang una kong nakikita sa tuwing papasok at uuwi ako.

Hindi ko na lamang inintindi pa ang kaniyang pagkawala dahil tiyak kong nariyan lamang din siya, sa ibang puwesto siguro ngayon, o hindi naman kaya'y may ibang inasikaso. Dire-diretso na akong naglakad patungo sa hardin upang masimulan na ang mga bagay na dapat kong gawin sa araw na ito.

Ika-una pa lamang nang tanghali ay natapos na kami ni Sophia sa pag-aasikaso ng mga halaman. Malusog ang tubo ng mga ito, tiyak na magugustuhan ni Senyora Cecily sakaling makita niya. Nagbunot lamang ako ng maliliit na damo at nanuri kung mayroong mga peste ang bawat tanim dahil na rin sa kondisyon ng aking kaliwang braso.

Dahil maaga pa para ako'y umuwi sa bahay, napagpasiyahan kong dumaan muna sa ilog at doon kainin ang ibinigay ni Sophia na biskwit, minatamis na mansanas at gatas ng baka.

Mula nang mangyari ang insidente sa bahay nina Theresa, madalas niya na akong dinadalhan ng pagkain upang mapabilis daw ang aking paggaling at hindi na rin ako mag-aksaya ng lakas sa pagluluto.

Napakabuting kaibigan.

Madamo ang daan patungo sa ilog at bukod pa rito, maputik at naglalakihan ang mga nilulumot na bato. Gayunpaman, walang kahirap-hirap ko itong nilakad, hindi na alintana ang dumi na napupunta sa aking puting bestida.

TanglawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon