Kabanata 16: Pilato

65 19 0
                                    

SOPHIA

Mataas na ang sinag ng araw ngunit tila katatapos pa lamang tumilaok ng mga manok dahil sa ikinikilos ni Viola na daig pa ang bagong gising dahil sa kasungitan.

Hindi ko alam kung saan ipinaglihi si Viola noong nasa sinapupunan pa lamang siya ng kaniyang ina, ngunit wari ko'y sa sili o hindi kaya'y sa sama ng loob.

Naalala ko ang isang insidente noon kung saan mayroong pinagalitan si Viola dahil sa natirang mantsa ng kalawang sa isa sa mga kurtina. Galit na galit si Viola, kaya't ilang minuto niyang binulyawan ang kawawang labandera noon.

Kinabukasan, paglabas ni Viola mula sa kaniyang kuwarto, natagpuan niya ang lahat ng puting bestidang nasa tukador niya sa putikan—inapak-apakan pa't hinalo gamit ang patpat. Ang salarin? Ang labanderang pinagalitan niya na bago pa sumikat ang araw ay umalis na sa trabaho.

Nang mabalitaan ng buong manor ang nangyari, marami ang nagtawanan na agad ding tumatahimik kapag daraan si Viola.

Ngayon, tingin ko ay hindi malabong muling may mangahas na isawsaw ang mga puting damit ni Viola sa putikan dahil sa kaniyang kasungitan.

Katunayan, nagbabalak na ako. Biro lang.

Ngayong umaga pa lamang kasi, ilang beses niya na akong napuna sa ginagawa kong pag-aayos ng ginamit na karpet sa piging kahapon. Hindi ako nasabihan na kailangan din palang pantay na pantay ang pagkarolyo sa piraso ng telang tinatapak-tapakan lamang ng mga bisita sa manor.

"Mali," pabulong ngunit mariing wika niya nang makitang magulo ang aking ginawang tupi ngayon sa isang mantel.

Napabuntong-hininga ako, tumango, tumayo, at muling binuklat ang makapal na mantel.

"Mabagal ka sa pagtutupi, Sophia," dugtong niya pa habang pinapanood ako sa aking ginagawa.

Muli, tumango na lamang ako't labag sa pusong tinanggap ang lahat ng sinasabi niya.

Mabagal akong magtiklop sapagkat wala akong alam sa mga bagay na ito, ngunit, mabilis akong mamitas at marunong akong mag-alaga ng mga halaman dahil iyon ang tunay kong trabaho sa manor na ito.

Sino ba naman kasi ang biglang tumawag sa aki't inutusan akong ihatid ang mga kurtina sa labahan gayong alam niyang mayroon akong gawain sa hardin?

Sino ba ang pilit na nagpapatupi sa akin ng mga mantel, karpet, basahan, at ilan pang uri ng tela sa manor na ito gayong ako ay isang hardinera at hindi labandera?

Si Viola, ang natatanging si Viola.

Nakita ni Viola na padarag kong itinupi sa kalahati ang mantel kaya't agad na nanlaki ang mga mata ko. Ininihanda ko na ang aking sarili sa tiyak na kapahamakan ngunit nang akmang bubuga na ng apoy si Viola...

"Tulong!"

Sabay-sabay na pumihit ang aming mga leeg kay Mavis na nasa ikalawang palapag. Kitang-kita ang mabilis na paggalaw ng kaniyang dibdib at halata ang takot sa kaniyang mukha.

Salamat, Mavis! Iniligtas mo ang aking araw. Ngunit, bakit naman kaya siya nanghihingi ng saklolo? Ano kayang problema?

"Mavis, ano ang nangyari?" alalang tanong ni Tiya Ysobela na natigil sa pag-uutos sa mga kasambahay dahil sa biglaang sigaw ni Mavis.

TanglawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon