Kabanata 6: Lihim

136 57 27
                                    

CLARA

Matapos ang saglit na tagpo sa gilid ng ilog, inihatid ako ni Ginoong Lucan sa aking munting tahanan sa gitna ng gubat. Nagpasalamat ako sa kaniyang ginawa at namumulang tinanaw siyang tahakin ang mabatong daan palayo sa akin.

Marami pa akong nalalabing oras para sa araw na ito kaya umupo ako sa tapat ng aking makinarya, saglit na tinitigan ang karayom at sinulid doon saka nagsimulang magtahi.

Sa totoo lamang, hindi ko alam ang aking gagawin. Wala ito sa aking plano, at wala rin akong inspirasyon sa magiging disenyo. Ngunit dahil nalalapit na ang taglamig, maaaring balabal o hindi naman kaya ay makapal na guwantes para sa mga bata.

Pumasok ako sa aking silid at inilabas ang bola ng pisi at malalaking karayom na para sa panggagantsilyo. Nagpasiya akong igantsilyo na lamang ang balabal at mga guwantes dahil mas makapal ang kalalabasan nito na siya namang angkop sa panahon.

Naghanap ako ng komportableng puwesto sa gilid ng aking bintana at sinimulan ang paggalaw ng dalawang maninipis at mahabang bakal.

Tuwing mayroon akong mga bagong likhang damit o hindi kaya ay iba pang kagamitang tela, ipinagbibili ko ito sa murang halaga. Katunayan, mabilis na maubos ang aking mga paninda at madalas pa akong inaalukan na umupa ng puwesto sa pamilihan upang mas marami akong maipagbili—bagay na madalas ko ring tinatanggihan.

Ang aking pananahi at panggagantsilyo ay pawang mga pampalipas-oras lamang at hindi ito ang tuon ng aking oras. Nais ko pa ring maging sentro ng aking bawat araw ang pagsisilbi sa manor.

Iyon kasi ang kinalakhan kong pananaw sa buhay, na ang mga taong tulad ko'y nakatadhana nang magsilbi, maging alipin, maging tagasunod.

Hindi ako sang-ayon doon ngunit wala naman akong magagawa—karamihan sa amin, ay walang magagawa. Kung piliin kong manahi na lamang ay mananatili pa rin akong mahirap at simpleng tao. Kung pipiliin kong magsilbi ay ganoon din.

Ang pinagkaiba lamang ay mas mahal ko ang paglilingkod sa kapwa. Mas mahal ko ang mga salitang ‘salamat sa paglilingkod’ at ngiti ng mga natutulungan ko kaysa sa mga pisi at karayom.

-

Kumagat na ang dilim nang natapos ako sa unang pares ng guwantes. Mas mabilis ko itong natapos dahil sinadya kong angkop sa mga bata ang laki nito.

Sumilip ako sa madilim na kagubatan sa labas ng aking munting bintana. Ang liwanag mula sa malaking buwan at mga bituin lamang ang tanging nagbibigay ng tanglaw sa makakapal na puno at mabatong sahig ng kakahuyan. Rinig na rinig din sa loob ng aking silid ang huni ng mga kuliglig at ang ingay ng mga kuwago na higit na aktibo sa gabi.

Tumayo ako, lumabas sa silid at kinuha ang isang gaserang nakasabit sa gilid ng pintuan. Sinindihan ko ito at inilagay sa labas. Mainam ito sa mga mangangahoy at mangangaso na inabutan na ng dilim sa lalim ng gubat.

Isa pa, tingin ko ay mas maigi na mayroong liwanag sa tila walang katapusang kadiliman sa paanan ng bundok. Para bang nagsisilbing pag-asa at gabay sa gitna ng pagsubok at kalituhan.

Bumalik ako sa loob ng aking bahay at nagsimula nang maghanda ng sabaw para sa aking hapunan. Ramdam na ramdam na ang paglamig ng ihip ng hangin at paghaba ng mga gabi. Totoo ngang nalalapit na ang taglamig, babalutin na naman ng puting-puting nyebe ang kapaligiran.

TanglawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon