Kabanata 1: Ang Salawahan

305 103 92
                                    


CLARA

"Patawad..."

Paulit-ulit na paghingi ng tawad ang aking narinig matapos ang ilang minutong pagbabasa ni Matias sa liham na ipinabibigay ni Agnes sa kaniya.

Nabalitaan kong buhay-prinsipe na si Matias sa tahanan ng kaniyang negosyanteng kulasisi. Magaan na raw ang pamumuhay, nakakakain na nang higit sa tatlong beses sa isang araw, natutulog nang maginhawa, at gumigising nang may tsaa at biskwit na sa katre.

Aba naman, ani ko sa aking isip nang matuklasan iyon.

Namuo ang matinding sama ng loob sa akin at agad akong nagtungo sa baryo kung saan napabalitang naninirahan siya---ang Glerman. Ayaw kong gumagawa ng gulo o magsimula ng bulungan ngunit sobra na ang pambabastos na ginagawa ni Matias. Naiintindihan ko kung hindi na niya mahal si Agnes ngunit ang iwan ang kaibigan ko habang hirap na hirap na’t miserable ang kalagayan?

Hinanap ko siya sa lugar kung saan sinasabing nakatira ang mayamang babae at mismong ang dalawang mata ko ang nakasaksi sa matamis na suyuan nina Matias at ang kaniyang bagong nobya sa munting hardin ng kanilang bahay.

Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa't agad na nagpakita kay Matias nang umalis sandali si Ginang Hermana, ang mayamang babaeng bumihag sa puso ni Matias sa ikalawang pagkakataon.

"N-napadalaw ka, Clara?" kaswal na tanong ni Matias, sinipat ako mula ulo hanggang talampakan, tila hinuhusgahan ang kalidad ng tela na aking gamit. Napaismid ako. Nakaranas lamang ng satin ay nagmataas na sa gumagamit ng lumang tela.

"Hindi ako nandito upang makipagkwentuhan sa iyo," usal ko at saka mabilis na hinugot sa bulsa ng aking bestida ang liham at iniabot sa nagtatakang lalaki. "Hayan. Basahin mo, Matias.”

Gumalaw mula kaliwa hanggang kanan, taas at baba ang mga mata ni Matias. Paulit-ulit na kumukunot ang kaniyang noo, paminsa'y natitigilan pa. Ilang sandali pa, natahimik siya at tumitig na lamang sa piraso ng papel sa kaniyang malalapad na palad, saka yumuko at bumulong ng "patawad."

At humingi siya ng tawad kung kailan wala na ang dapat na makarinig nito. Hindi ko siya maintindihan.

"Tiyak akong nabalitaan mo ang nangyari," walang emosyon kong litanya, nakatitig sa kaniyang mukha. Hindi ako sanay sa aking kinikilos. Pakiramdam ko ay ibang tao ako bunga ng galit kay Matias.

Marahan siyang tumango, hindi makatingin nang diretso sa akin. "T-tama. Nabalitaan ko ito."

"At... at hindi ka man lamang nagpunta upang bumisita? Kahit sumilip? Wala? Wala kang balak? Walang kusa?"

"Hindi ko kaya..."

"Hindi mo kaya!" pag-uulit ko sa patuyang tono, napailing sa labis na pagkadismaya. "Kinaya mong iwanan siya sa kaniyang paghihirap ngunit hindi mo kayang tingnan siya sa kaniyang mga huling sandali?!"

"Clara, natakot ako!" bulalas niya, napigtas na ang pekeng pagtitimping ipinapakita niya. Nakita ko ang pagtakas ng butil ng luha sa kaniyang bilugang mata. Hindi ko alam kung iyon ba ay totoo o parte lamang ng palabas na ito. "Natakot ako..."

"Alam mo ba ang dinanas ni Agnes dahil sa iyong ginawa? Alam mo ba ang paghihirap at sakit na kaniyang pinagdaanan? Hindi! Sapagkat nagliliwaliw ka't nagbuhay-prinsipe habang ang asawa mo'y nagdurusa! Salawahan!" sigaw ko, mabigat ang puso at nagngingitngit ang galit.

Uminit ang paligid ng aking mga mata. Kung hindi ito nagawa---sapagkat alam kong hindi niya magagawa---ni Agnes kay Matias, puwes, ako na lamang ang tatapos para sa kaniya.

Hindi ko ugaling maging masama sa ibang tao lalo sa kanilang minsang nakasama at naging kaibigan ko, ngunit ibang usapan na ang pambabastos at pambabalewala sa buhay ng isang tao. Oo, mayroon kaming pinagsamahan; ngunit lagi akong handang talikuran ang taong walang pagsisisi sa ginawa nilang mali.

TanglawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon