Chapter 12: Chances

13.3K 316 20
                                    

Chapter 12: Chances

AHHH!

            Kagigising lang ni Monic pero nagwawala na agad siya sa isipan niya.

            Paano ba naman. Pasado-alas diyes na ng umaga. Sobrang napasarap lang ang tulog niya. Hiyang-hiya tuloy siya. Para na nga siyang kabute na bigla-biglang lumitaw at nakituloy roon sa pamamahay nina Marky, tapos ganung oras pa siya nagising?

            Hiyang-hiya talaga siya. Sana man lang maaga-aga siya nagising para bawas kahihiyan sa ina ni Marky na todong inasikaso ang mga pangangailangan niya kagabi—mula sa kuwartong tutulugan hanggang sa gamot na kinailangan niyang inumin.

            Teacher Riz naman kasi.

            Napasimangot siya nang alalahanin ang ka-trabaho niyang pinuyat pa siya kaka-text. Hindi na kasi ito tumigil magtanong ng kung anu-ano mula nang ipaalam niya rito na doon siya tumutuloy.

            ‘Di bale na nga. Tutulong na lang ako sa mga gawaing bahay dito. Isip niya, bago madaling bumangon at naghilamos sa CR na nasa labas ng kuwarto.

            “Uy,” nagulat naman siya pagkalabas niya ng CR. Sa kasunod na pintuan kasi ay nakatayo si Alannah na nakasimangot, magulo ang buhok, at nagkukusot ng isang mata. “Alannah, good morning.” Nginitian niya ito.

            Tinitigan muna siya nito, bago nagtaas ng mga kamay. Nagtaka pa si Monic kung bakit, pero nakuha niya rin agad na baka nagpapakarga ito.

            Kinarga niya ang bata. Niyakap naman siya nito at nagustuhan niya iyon sa pakiramdam. Wala naman kasi sa mga estudyante niya ang nagpapakarga nang ganoon sa kanya.

            “Okay ka lang ba, Alannah?” Tanong niya rito.

            Tumango lang ito, at napangiti siya.

            Siguro naglalambing...

            “Naghilamos ka na ba?” Tanong niya ulit pero hindi na ito kumibo. “Alannah? Tara hilamos ka muna.”

            Hindi na talaga ito kumikibo. Nararamdaman na lang niya ang paghinga nito at ang ulo nitong bumibigat ang pagkakapatong sa kanyang balikat.

            Nakatulog? Pilit niya itong tinignan. Naku. Nakatulog nga ulit.

            Hinahaplos-halos niya ang likuran nito habang iniisip kung ibababa niya ba ito o ibabalik sa kuwarto nito. Ang ibalik ito sa kuwarto nito ang pinaka-okay sanang choice, kaso nahihiya siyang pumasok doon dahil ayun din ang kuwarto ng lola nito.

            “Oh Monic?” Sakto, umakyat ang ina ni Marky. Gulat ang itsura nito nang makita sila. “Anong nangyari diyan?” Sabay turo sa apo.

            “A-ano po, nagpakarga tapos biglang nakatulog.”

            “Tsk tsk, napuyat kasi kalalaro kagabi sa kuwarto namin.” Lumapit sa kanila ang matanda. “Alannah, gising na.” Kinili-kiliti nito ang bata. Napaungot naman ito. “Uy, dali na. Tatawag na si Daddy oh. Nako, magagalit ‘yun sa’yo kapag malamang tulog ka pa.”

            Inangat na ni Alannah ang ulo kahit nakapikit pa ang mga mata, at agad nagpalipat ng karga sa lola.

            “Pasensya na, Monic. Ako nang bahala dito. Baba ka na para mag-almusal.”

Love, The Second Time AroundTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon