Kabanata 19

22 1 0
                                    

NAPAKARAMING katanungan sa isip niya at ninanais niyang makukuha ang sagot mula kay Ismael ngayon mismo. Tinitigan siya ng maigi ni Ismael. May kung ano sa mga mata ng ginoo, lungkot at pag-aalala para sa kanya. Naroon pa rin ang hintuturo nito sa labi ni Eowyn.

"Nasaktan ka ba?" tanong nito.

Nakuha na agad ng binibini ang tinutukoy nito. Mas lalo lamang nadagdagan ang kanyang tanong. Ibig sabihin lamang na alam ni Ismael ang nangyari sa kanila.

Sa halip na sumagot ay nagtanong din siya, "Sino siya?" inalis niya ang kamay nito sa kanyang labi.

Nagbaba ng tingin si Ismael at hindi sumagot. Saglit na namagitan ang katahimikan bago segundahan ni Eowyn ang kanyang tanong.

"Sino ang babaeng 'yon, Ismael? Bakit niya ako gustong saktan? Bakit niya ako pinagbantaan?" tuloy-tuloy na niyang tanong. "Kating kati akong makuha ang kasagutan mula sa iyo. Muntik nang mapahamak ang aking mga kaibigan, lalo na si Katherin."

Nilapitan niya ng husto ang ginoo sapagkat hindi ito kumikibo.

"Bakit niya ako kailangang pagbantaan dahil sa 'yo? A-ano bang nagawa ko?" dagdag pa niya. Nag-aasam ng husto na malilinawan siya.

Doon nag-angat ng tingin sa kanya si Ismael.

"Wala kang nagawa. Ako, ako ang may kasalanan kung bakit ka niya pinag-initan." usal ng ginoo.

"Sa anong dahilan?"

Napatitig sa kanya si Ismael, kinulong nito ang mukha ni Eowyn sa mga palad. Hinayaan naman ito ng binibini.

"Patawad kung nalagay ka sa kapahamakan dahil sa akin. Hindi ko gustong masaktan ka. Patawad, Eowyn."

"Ismael..." hindi niya alam ang sasabihin. Tinignan niya lang ang nalulungkot na mukha ng ginoo, hinayaan niya itong malapit sa kanya. "Sino ka ba talaga?" hindi niya rin alam kung bakit iyon ang naging tanong niya. Kusa iyon lumabas ng kanyang bibig.

Marahil ay dala ng maraming katanungan. Tunay na hindi niya kilala ang buong pagkatao ni Ismael, ang lahat tungkol sa ginoo. Pahapyaw lamang.

Malinaw naman ang gulat sa mukha ng ginoo. Dumaan ang isang emosyon sa itim na itim nitong mata. Ginamit nito ang hinlalaki upang haplusin ang malambot na mukha ni Eowyn.

"Hindi ako masama. Gusto kong iyon lamang ang iyong paniwalaan, Eowyn. Hindi ako masamang tao." madamdamin nitong sabi.

"Alam ko..." hinawakan niya ang kamay ni Ismael na nasa mukha pa rin niya. "Subalit, nagtataka ako. Bakit may nagtangka sa akin dahil sa iyo?" pagbabalik niya sa tanong.

Lumambot ang ekspresyon ni Ismael.

"Wala nang magtatangka sa iyo. Wala nang mananakit sa iyo ng dahil sa akin, pangako 'yan. H-hindi ko na siya hahayaang lapitan ka..." puno iyon ng sinseridad.

"Sino ba siya?"

"Nakatakda kong katipan." diretso nitong sagot.

Gaya ng gusto ni Eowyn.

Natikom ni Eowyn ang bibig. Nagugulat at napatitig.

"K-katipan?" pag-uulit niya, nauutal.

Marahang tumango si Ismael subalit nalulungkot.

"Nahuli niya akong tumatakas. At hindi ko alam na nasundan niya ako noong gabing iyon. Nakita niya tayong magkasama, nakita ka niya. Nanibugho siya 'pagkat inaakala niyang may relasyon tayong dalawa."

The Untold EraWhere stories live. Discover now