Kabanata 44

24 1 0
                                    

SA PAGSAKMAL NG kadiliman sa paligid ay siyang pagsukab naman sa kanya ng lumbay na naumpisahan niyang pausbungin sa kanyang puso. Hindi siya nangalay sa pag-upo sa isang bato sa ibabaw ng bangin at hindi siya napagod sa patunghay sa dilim. Hinayaan niya ang sarili na manatili kung saan niya pinalaya si Quan.

Nangangapa siya sa dilim, naglalakad at hinahakbang ang walang katapusang paninimdim. Kay panglaw ng gabi, kay panglaw ng paligid. Sa taglay na talas ng mata ay sadyang wala siyang makita kun'di pangungulila. Hindi niya alam kung saan na siya napadpad sapagkat ang isip niya'y siya ring nililipad.

Yakap niya pa rin ang uma ni Quan at tulala siyang naglalakad. Hanggang ang kadilimang kumakagat sa paligid ay lalo pang dumilim sa kanyang napatunguhan. Huminto si Heshia at ang kalahati ng kanyang ulirat ay nabalik sa kanya.

Ikinalat niya ang paningin, nasa loob siya ng isang gubat. Doon siya dinala ng kanyang yapak. Tunog ng kulisap, pang-gabing hangin, at huni ng iba't-ibang uri ng nilalang ang sumisitsit sa kanyang tainga. Tahimik at madilim. Kakila-kilabot subalit siya'y manhid upang makaramdam ng kahit anong banta.

Sa kaliwa niya'y dinig niya ang daluyong ng anyong tubig. Isang mababang talon ang naroon. Anong mayroon sa kadiliman ng gubat na ito at bakit kay gaan ng kanyang loob?

"Dito muna ako, tanda. Huwag kang magagalit, ha? Wala ka naman na upang aking uwian."

Hinayaan niya ang sarili na sumadlak ulit. Sa isang malaking ugat na humulma na maaaring pagsilungan. Doon niya siniksik ang sarili. Nilapag niya ang uma at saka niyakap ang mga tuhod. Matamlay ang kanyang mga mata, pagod na pagod siya.

"Ligtas naman dito. Ngunit kung hindi, protektahan mo ako." usal niya at unti-unting pinikit ang mga mata. Mabigat ang kanyang talukap, pagod sa mga luha, pagod sa pangungulila.

Sa pagpikit ng kanyang mga mata ay siyang paglitaw ng mumunting alitaptap na unti-unting lumalabas sa tahanan. Mula sa isa, dalawa, at hindi na mabilang pa ang pagkalat ng mga nilalang na nagbigay liwanag sa kapaligiran. Hindi na iyon nakita pa ni Heshia. Hindi na niya nakita pa kung paano lumabas ang iba pang nilalang sa gubat at pinagmasdan siya.

Sa kagubatang nababalot ng kadiliman, doon niya nakita ang isang tahanan pagkatapos mawala ni Quan.

Magdamag siya roon. Mula nang ilipad niya ang abo ni Quan ay hindi na siya bumalik pa. Kulang na kulang na siya. Bigong-bigo sapagkat wala nang nag-aabang sa pag-uwi niya. Wala nang hahampas sa kanya ng kamagong dahil pasaway siya. Wala na si Quan upang gawin ang mga bagay na kanyang nakagawian.

"Ikaw tulog gubat?" isang higanteng nilalang ang sumambulat sa kanya nang siya'y magmulat.

Nagulantang siya at naalerto. Napatayo siya sa kinahihigaan at hinanda ang sarili sa nakaambang kapahamakan. Sapagkat nalilibutan siya ng mga dambuhalang ogre at malalaking warg na may mga pulang mata. Handang-handa nang lapain siya.

"Ikaw tao."

Kumunot ang noo ni Heshia, "Nagsasalitang halimaw?" aniya at pinagmasdan mula ulo hanggang paa ang ogre sa harap niya.

"Salita tao?" Sabi ng isa pa.

Kung bibilangin niya'y nasa sampu ang mga ogre at ang mga warg ay hindi niya mabilang. Hindi niya alam na may ganitong nilalang sa gubat na kanyang napuntahan. Nagsasalita pa na akala mo'y isang tao.

"Ikaw, tao. Ano gawa gubat Yosei?" agresibong tanong ng isa pa at halos yumanig ang lupa nang humakbang ito, may hawak na palakol na tila handa nang ihampas sa kanya.

Hinanda naman ni Heshia ang sarili upang dumepensa. Nagtatagis na rin ang mga warg na nanlilisik ang mga mata at naglalaway ang mga pangil. Handa nang sakmalin siya.

The Untold EraWhere stories live. Discover now