Kabanata 67.2

30 1 1
                                    

Heshia

"HESHIA, nakatitiyak ka bang mananatili ka dito? Wala kang matutuluyan dito sapagkat pang-kawal lamang ang mga ito." nag-aalalang sabi ni Khion nang magdilim na at inaaya akong bumalik sa kastilyo.

"Bumalik na tayo sa kastilyo at bukas na lang muli pumunta dito, Heshia. Hindi siya mawawala." si Brandon.

Nakasakay na sila pareho sa kabayo ngunit ako'y nanatili sa kinatatayuan at kanina pa tinatanaw mula sa malayo ang mga kilos ni Lumnus.

"Huwag n'yo na akong alalahanin. Umuwi na kayo." matamlay kong sabi.

"Tiyak ka? Malamig, Heshia. Wala ka pa man ding bandana." nag-aalala pa rin si Khion.

Tipid ko siyang nginitian upang ipahiwatig na ayos lang. Sa huli ay hindi nila ako napilit at humayo na sila. Nakasandal ako kung saan nakatali ang ginamit kong kabayo. Mayroong isang maliit na karwahe sa tabi ko at doon ako naupo.

Naghahanay muli siya ng panibagong linya ng mga kawal. Hindi ko alam kung bakit ko ito ginagawa. May utang ako sa kanya na dapat kong palitan. Ngunit paano ko ito magagawa kung ako'y kanyang pinanlalamigan at iniiwasan? Masyado ko ba siyang nasaktan? Lumabis ba talaga ako ng husto?

Batid ko ang mga pagkakamali ko subalit sa tingin ko, sa tingin ko'y nararapat naman akong dinggin. Karapat-dapat sa akin ang dinggin. Karapat-dapat na ibigay sa akin ang tiyansa.  Naging makasarili ako noong araw na iyon sapagkat napakahalaga sa akin niyon.

Tumanda akong ganito nang walang kahit na sino kun'di si Marcus sa tabi ko. Nilasap ko lang naman ang huling pagkakataon na maging maligaya sa piling niya.

Marahil ay mali na iyon sa paningin nila, subalit hindi nila alam kung anong nararamdaman ko. Hindi nila alam ang mga pangungulila at lumbay ko. Hindi nila alam kung gaano kapanglaw ang aking mundo. Wala silang nalalaman. Hindi nila iyon alam..

Handa na akong palayain ng tuluyan si Marcus matapos ang sandaling oras na iyon. Subalit ang tanging nakita nila ay ang hindi sinasadyang pagkakamali na aming nagawa.

Hindi ba mahalaga kung anong nararamdaman ko? Naging mapagtaboy ako sa kanya, batid ko. Pinaasa ko siya. At sinaktan sa nakita niya. Kaya nga ako narito upang ipaliwanag at bigyang linaw ang lahat sa kanya. Ngunit ayaw niya akong bigyan ng pagkakataon.

"Lumnus..." tawag ko sa kanya ilang hakbang ang layo.

At ang pagtangka kong lapitan muli siya ay naudlot nang sinadya niya akong iwasan at agad siyang nakihalubilo sa mga kumpol na kasamahan at nagtatawanan.

Bumagsak ang mga balikat ko at napababa nalang ng tingin sa mga kamay na nanginginig sa lamig.

"Bukas pa ang ating destino. Marahil ay hindi masama kung magsasaya muna tayo, kapitan."

Pinalilibutan muli nila ang malaking apoy sa gitna. Medyo may kalakasan ang pag-ulan ng niyebe kaya ramdam ko din ang sobrang ginaw. Wala akong dalang panabing kaya damang-dama ko ang malamig na tekstura ng mga niyebe na bumabagsak sa aking balat.

"Sige, uminom lang kayo. Subalit limitahan ninyo sapagkat may tungkulin tayo." narinig kong sinabi niya habang ako'y lumalapit sa may bandang apoy upang sumagap ng kahit kaunting init.

Nakatingin muli ang mga ito sa akin at marahil ay nagtataka na kung sino at kung ano ang ginagawa ko dito. Kanina pa ako umaaligid dito, marahil ay tinatawanan na din nila ako.

"Kanina pa siya dito, ah. Sino ba iyan?"

"Ewan ko ba. Kilala yata ni kapitan Lumnus at binato niya ito kanina."

The Untold EraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon