Kabanata 64

19 2 0
                                    

NARAMDAMAN NI Eowyn ang pagbaon ng mukha ni Gustave sa kanyang buhok. Lalo pang humigpit ang yakap nito sa kanya. Emosyonal ito at higit na nagsisisi sa nangyayari. Gusto man niya itong aluin ay hindi na maaari. Hindi na..

"Ikaw ang gusto kong maging pamilya." bulong ng ginoo sa kanya.

Tila ba hindi sapat ang isang tusok sa puso. Sapagkat ang kaunting kirot kanina ay lumalawig pa upang masaktan siya.

"H-huwag mong sabihin iyan.."

"Mahal kita, Eowyn. Ikaw ang mahal ko at hindi si Amynah."

Tuluyan nang nabuwag ang itinatag na pader ni Eowyn sa kanyang emosyon. Nagiba na iyon at ngayon ay tuluyan siyang nanghina, dinagsa siya ng masaganang luha, at hindi na alam pa ang ilalathala.

"K-kung totoo man na ako ang Ama ng kanyang dinadala, p-paninindigan ko ang bata. Magiging responsable akong Ama. Ngunit hindi ko siya pakakasalan. Hinding-hindi ko pakakasalan ang taong hindi ko mahal." giit pa nito at lalong humigpit ang pagkakayapos sa kanyang balingkinitang katawan.

"Huwag kang duwag na harapin ang buong responsibilidad. Huwag kang duwag, Gustave."

"Duwag ako. Aaminin ko duwag ako." agap agad ni Gustave at sinubukang silipin ang mukha niya ngunit iniwas niya iyon, "Duwag ako. Sapagkat hindi ko kayang pakasalan ang isang tao, gayong ang mahal ko'y nasasaktan ko.."

Nakagat ni Eowyn ang labi upang pigilan ang pabulusok na silakbo dahil sa narinig. Hindi, hindi ito maaari. Hindi siya dapat masaktan ng ganito. Ngunit paano awatin ang puso?

"Napakatanga ko. Isa akong hangal. H-hindi dapat ako nagpabaya gayong napakadali para sa iyo ang magpaubaya."

Napakasakit para kay Eowyn na marinig iyon mula kay Gustave. Gustuhin man niya na ituloy ang panunuyo nito'y hindi na maaatim ng kanyang konsensiya. Marangal siyang tao. At hindi niya kukunsintihin ang ginoo kahit masaktan at mabigo pa ito.

"Nasasaktan ba kita, Eowyn?"

"Hindi.." tulala niyang sagot, ngunit ang luha sa kanyang mata ang totoong sagot.

"Nasaktan na kita. Nasasaktan kita, tama ba?" pag-iiba ni Gustave ng tanong. "Binigo kita. Sinaktan kita. Patawad. Patawad. H-hindi ko na mababawi pa ang nangyari kaya patawarin mo ako.."

"Pakawalan mo na lang ako, Gustave." ang sinabi niya at inulit na alisin ang mga braso ni Gustave sa kanya.

"Mahal kita." nanghihinang usal nito at sinubsob ang mukha sa kanyang leeg. "Mahal kita, Eowyn. Patawarin mo ako. Patawarin mo ako. Nakagawa ako ng pagkakamali. Hindi ko dapat ginawa ito. Patawad, binibining marikit."

Ramdam niya ang emosyon ni Gustave habang sinasabi iyon. Ang lungkot, sinseridad, pagkabigo at higit na pagisisi. Lahat ay nakapaloob roon. Lumuwag na ang yapos sa kanya ni Gustave, pagkakataon na niya iyon upang umalis. Ngunit hinayaan niya muna ang ginoo. Hinawakan siya nito sa magkabilang braso at pinaharap.

Ganoon na lamang ang panghihina ng loob ni Eowyn nang makitang hindi lang pala siya ang nasasaktan sa sitwasyon. Nakita niya kung gaano kalugmok si Gustave ngayon. Namamasa ang mga mata nito, nagsusumamo.

"Maging mabuti kang Ama sa anak ninyo ni Amynah." banayad niyang sinambit.

Umiling-iling si Gustave at sinapo ang kanyang mukha at pinagdikit ang kanilang noo. Napapikit siya nang sandaling iyon at hinawakan ang kamay ni Gustave na nasa kanyang mukha. At hindi na niya alam ang dadamdamin pa, nang hindi lang ang mga noo nila ang nagkadikit.

The Untold EraOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz