Kabanata 69.2

28 3 0
                                    

Eowyn

HANDA AKONG masaktan at maghirap habang buhay, kahit ano ay handa kong harapin at hamakin... ngunit hindi ang kapahamakan ni Katherin. Hindi ko kaya. Hindi ko kaya na mawala siya sa akin.

Mas higit kong minamahal ang kapatid ko kaysa sa aking sariling buhay. Noong dinukot siya ni Dassian ay halos ikabaliw ko na, kahit na naligtas siya ng Prinsepe ay hindi pa rin ako napanatag na napahamak siya sa kamay ng mga tulisan kaya walang minuto akong pinalipas upang subaybayan ang kanyang diwa, matiyak lang na bumuti na ang kanyang kalagayan.

Oras na napahamak muli siya ay hindi ko mapapatawad ang aking sarili. At kung ako ang magiging rason, handa akong bawiin ang sariling buhay sapagkat karapat-dapat sa akin ang walang humpay na pagsisisi.

Wala mapaglagyan ang aking emosyon at paulit-ulit na umalingawngaw sa aking isip ang mga sinabi ni Ismael. Tila ba nakakulong na ako sa kanyang salita at wala akong ibang makita kun'di ang mukha ng aking kapatid na tumatangis. Hindi ko maaatim, mangyari na ang lahat huwag ko lang siyang makitang nagdurugo.. o nasusugatan dulot ng lapnos.

Kinamumuhian ko ang apoy, kinamumuhian ko ang sugat dulot ng apoy sapagkat pinapaalala nito sa akin kung paano nagdusa si Katherin sa sakuna na dinanas namin.

Siya ang lubos na namighati noong mga panahong kami ay nakatamo ng sugat sa mukha.. kaya natatakot ako na maulit iyon. Natatakot ako sa apoy hindi para sa aking sarili, kun'di para kay Katherin.

"Ihahanda lang ho namin ang inyong kasuotan, mahal na Prinsesa."

Pumikit ako ng mariin at pilit winawaksi na nangyayari ang lahat ng ito. Walang patid ang aking pag-iyak mula pa kanina. Sa bawat pagtawag nila ng titulong iyon sa akin ay gustong bumaliktad ng aking sikmura. Kinasusuklaman kong madinig, sinisiil ang aking dibdib.

Mahina kong minulat ang mga mata at pinagmasdan ang mga talulot ng rosas na umaapaw sa tubig. Narito ako sa loob ng banyera at kasalukuyang nililinis ang katawan, nakaunan ang aking ulo sa malambot na unan at ang buong katawan ko'y nakababad sa tubig na maligamgam.

Sa tindi ng lumbay na sumusugpo sa aking puso, nawalan na ako ng lakas pa upang lumaban. Nagpaubaya ako sa mga gustong gawin ni Ismael. Matapos niyang hugasan ang aking mga paa ay iniwan niya ako kasama ang mga taga-silbi na nagpapaligo sa akin.

Inangat ko ang kaliwang kamay mula sa tubig, dahil puno ng mga talulot ay may dumidikit pa sa aking balat. Inalis ko ito upang matanaw ang suot kong singsing. Singsing ito ni Ina. Ibinigay niya sa akin ang simbolo ng pagmamahalan nila ni Ama, may batong emeralda. Mayroon rin si Katherin ngunit ang kanya ay mula naman kay Ama.

Sinadya nila itong alisin sa kanilang mga daliri upang ibigay sa aming magkapatid. Ika nila, kami daw ang pagmamahalan nila. Ang produkto ng bukal na pag-iibigan nilang dalawa.

Napangiti ako sa tuwing inaalala ang aking pamilya. Sila ang aking kapayapaan sa gitna ng madilim na kahahantungan. Mahal na mahal ko sila ng higit pa sa kahit anong bagay sa mundo. Lalo na si Katherin.. ang mahal kong Katherin.

Kamumuhian niya kaya ako sa aking gagawin? Magagalit kaya siya sa akin dahil pumayag ako? Tatanggapin ko ang muhi at suklam niya, sapagkat napapatunayan ko sa kanya na malandi nga talaga ako. Natawa ako ng mapait kasabay ang luha sa aking pagpikit.

Mabigat ang aking talukap, gustong mamahinga at magkaroon ng magandang panaginip. Subalit hindi ko alam kung bakit sa aking paghahangad ng makulay na panaginip... ay isang imahe ang namuo sa aking isip.

"Gustave.."

Siya ang aking nakikita. Ang ginoong may natatangi nang posisyon sa aking puso. Nakatayo sa gitna ng malawak na luntian, nakapamulsa ang isang kamay, inuulanan ng mapayapang niyebe, nakapikit habang nilalasap ang pag-ihip sa tinutugtog na plawta. At naroon ako sa harap niya, pinapanuod, dinidinig ang malambing niyang musika.

The Untold EraWhere stories live. Discover now