Kabanata 32

26 0 0
                                    

"MAHAL NA PRINSEPE...." natudla ang nagniningning na mga mata ni Katherin sa taong inakala niyang lumisan na.

Si Prinsepe Marcus, tunay na nakatayo sa harap niya. Hindi niya mapaniwalaan. Lumingon siya sa tarangkahan, matagal bago muling silayan ang Prinsepe na nakatitig na naman sa kanya.

"Narito ka pa. A-akala ko'y... lumisan ka na." napakalamya ng boses ni Katherin at lumamlam din ang kanyang mga mata.

Yumuko siya at nilaro ang daliri sa hawak na mantel, upang itago na rin ang dumapong emosyon sa kanyang mukha. Ano't tila tumalon ang kanyang puso sa katotohanang narito pa ito?

"Nakita mo ba 'kong lumabas ng inyong tarangkahan?" balik naman nito sa yuswal na baritonong tinig.

Gumuguhit ang ngiti sa labi ni Katherin, hindi niya mapigilan. Umiling siya sa umaahon na kasiyahan.

"Bakit? Ang ibig kong sabihin... ano pa ang iyong dahilan upang manatili?" sinalubong niya ang tingin nito.

Lumalapit ang Prinsepe sa kanya dala ang malamig nitong ekspresyon. Napatingin ito sa bagay na nasa kanyang kamay. Nalukot tuloy ni Katherin ang mantel na iyon sa higpit ng kanyang pagkakahawak.

"Ikaw." usal nito.

Umalon ang dibdib ni Katherin at napamaang.

"A-ako?" hindi makapaniwalang turo niya sa sarili, pinamumulahan ng pisngi.

Nanliit ang mga mata ni Prinsepe Marcus at lumapit pa. Natuod naman si Katherin at hindi inalis ang tingin sa mukha nito. Inosente siyang nakatingin sa matalim nitong mga mata.

"Oo. Ikaw." mariing sambit ng Prinsepe at pinantay ang mukha sa kanya.

Napalunok si Katherin at pasimpleng yumuko, gumalaw ang kanyang malalambot na labi at bahagyang napanguso. Sobrang bigat ng titig ni Prinsepe Marcus at damang-dama niya iyon. Tila ba siya'y natutunaw habang tumatagal. O 'di kaya ay mistula siyang hinihigop ng mga mata nitong 'sing lalim ng karagatan.

"Bakit ako?"

"Anong pinakain mo sa aking Pegasus at ayaw niyang tumayo?" mas mariin nitong wika.

Umawang ang kanyang labi at agad na nag-angat ng tingin. Ganoon kabilis nagdilim ang mukha ng Prinsepe kaya nangatal siya.

"A-ano?" nautal siya, kumurap-kurap pa.

"Ang aking Pegasus. Hindi ba't sinabi mong ikaw ang nagpakain sa kanya? Anong uri at bakit ayaw niyang tumayo upang ako'y i-uwi?" dagdag pa nito kaya mas umawang ang labi ni Katherin.

Pinaglaruan niya ang kanyang labi at napaisip sa paratang na natanggap. Ang mamula mula niyang pisngi ay tinamaan ng araw kaya naman ang higit niyang kariktan ay umigpaw. Ang kanyang matingkad na ginintuang buhok ay hinangin at ang ilang piraso ay humarang sa kanyang mukha. Hinawi niya ito upang isabit sa kanyang tainga.

Tumingin siya sa Prinsepe at naabutan itong walang kurap na nakatitig sa kanyang mukha.

"Nais kong tignan ang kanyang kalagayan." malambot ang tinig na aniya.

Humulma ang panga ng Prinsepe nang i-angat ang tingin sa kanyang mga mata.

Hindi alam ni Katherin ang mararamdaman. Sa sitwasyon ng Pegasus ay tila siya pa ay nasiyahan sa katotohanang ang nilalang na ito ay naging paraan upang manatitili muna si Prinsepe Marcus kahit kaunting sandali pa.
Tunay ang sinabi nito. Sapagkat sinama siya nito sa kuwadra at naabutang nakahiga ang Pegasus. Nasaksihan niya kung paano ito paamuin ng Prinsepe at kinakausap pa na tila tao. Subalit ayaw talaga nitong tumayo at inilalayo lang ang mukha sa kamay ni Prinsepe Marcus.

The Untold EraOnde histórias criam vida. Descubra agora