Kabanata 54

33 4 4
                                    

NAKAKUNOT NG husto ang noo ni Katherin. Kanina pa niya tinatangkang lumabas sa silid ni Prinsepe Marcus ngunit maraming kawal ang nakabantay sa pintuan nito at ayaw siyang padaanin.

"Ano bang problema ninyo? Bakit ayaw ninyo akong palabasin?" naiinis na siya dahil ito ang pang-walo niyang tangka.

"May atas mula sa taas, Prinsesa. Manatili kayo sa tabi ng Prinsepe gayong ikaw ang lumunas sa kanya."

"At bakit kailangan kong manatili? Maayos na ang kalagayan niya!" nakasimangot niyang angil at nilingon ang kama ni Prinsepe Marcus.

Ilang oras na ang nagdaan, mula pa kaninang umaga ang nangyari ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagigising. Hindi niya tiyak kung kailan ito magmumulat ngunit hangga't maaari ay nais na niyang umalis dito bago pa mangyari iyon.

Baka mamaya ay dalawin ito ni Heshia kaya gustong-gusto niyang umalis. At isa pa, ilang oras na din ang nagdaan nang iwan siya dito ni Eowyn. Umaasa siyang babalikan siya ng kapatid ngunit wala siyang nahintay. Mabigat ang loob niya dahil dito. May nararamdaman siyang kakaiba ngunit hindi sa kanyang sariling katawan, kun'di sa kambal diwa nila ni Eowyn.

"Kung ganoon, bakit hindi ninyo sinusunod ang utos ka na tawagin ang aking kapatid?" tinitigan niya ang dalawang kawal.

Kanina pa niya hinihiling na muling tawagin si Eowyn para sa kanya, ngunit ang mga reaksyon ng mga ito ay yuyuko lamang at hindi magsasalita. Ramdam ni Katherin na mayroong hindi tama.

"Nagugutom na ako." aniya at kumuha ng butas upang lampasan ang mga ito. Subalit mabilis na humarang ang dalawa sa pintuan. "Ano ba, sabing nagugutom ako!"

"Parating na ho ang inyong pagkain. Sandali lamang, mahal na Prinsesa."

Mariing naglapat ang mga labi ni Katherin at kaunti nalang ay mapapatid na ang kanyang pasensya. Pumadyak siya sa sahig nang hilain na ng dalawa ang malalaking pintuan upang isara.

"Mga walang modo! Hindi ninyo ako maaaring ikulong kasama ang halimaw dito!" palahaw niya at wala siyang pakialam kung nasa loob siya ng silid ni Prinsepe Marcus, at mas lalong wala siyang pakialam kung magising ito at narinig ang atungal niya.

Yamot ang mukha na nilingon niya ang natutulog na Prinsepe. Padarag ang bawat hakbang niya palapit sa kama. Masama ang mukha at loob, pinalo niya ang braso nito kahit natutulog.

"Ikaw! Bakit kailangan kitang bantayan? Nilunasan na nga kita tapos mananatili pa ako dito kasama ka? Hindi ito makatarungan!" malamyos niyang asik at minsan pang pinalo ang braso ni Marcus. "Ayaw ko dito. Kinasusuklaman ko ang iyong silid at kinasusuklaman kita! Gumising ka riyan at palabasin ako dito!"

Marahil ay sobrang desperada niya sa paglabas. Sapagkat tila lalong bumibigat ang loob niya. Wala naman siyang dinaramdam kaya inaalala niya si Eowyn. Bakit mabigat ang loob ni Eowyn, kung ganoon? Anong nangyayari sa kanyang kapatid at bakit nararamdaman niya ang takot nito?

"Gumising ka na at utusan ang mga damuho n'yong kawal na pagbuksan ako ng pinto!" inuuga niya ang braso ni Prinsepe Marcus na tila mahihila niya ito sa ulirat. "Prinsepeng walang 'sing lupit, magmulat ka na! Naiirita na ako sa iyong mukha!"

Ginawa niya ang lahat upang gisingin si Marcus. Ngunit depektibo lahat ng kanyang paraan. Ano mang sigaw at paghampas niya ay nanatiling malalim ang tulog ng supladong Prinsepe. Hinihingal siya at nagpamaywang.

"Manhid kang tunay! Walang pakiramdam!"

Nagngitngit siya at binalikan ang pintuan. Hinampas hampas niya iyon ng malakas.

The Untold Eraحيث تعيش القصص. اكتشف الآن