Kabanata 5

70 2 0
                                    

"MAIGTING NA paninindigan." ngumiti siya kay Quan.

"Maigting na paninindigan?"

Tumango si Heshia at pinitas ang bulaklak na kanina ay tinuro ni Quan. Nang gawin niya iyon ay lumipad na rin paalis ang bubuyog at paru-paro.

"Nakita mo? Lumipad na ang bubuyog at paru-paro dahil pareho silang walang paninindigan sa bulaklak na ito. Wala silang nais kun'di malasap ang tamis at bango ng bulaklak. Ganoon ang nangyari kay Hiraya at sa unang Arden." pagpapaliwanag niya gamit ang kanyang pansariling opinyon, kung saan napukaw naman si Quan sapagkat nakikita nito kay Heshia ang isang bagay, bagay na hindi nito nakita sa kanyang sarili.

"Nagkulang sila, hindi tinatak sa sarili na ang bulaklak ay may natitira pang tamis at halimuyak. Sa sitwasyon ni Hiraya at Arden, ginusto lang nila na matapos si Nefarous. Hindi nila tinatak sa sarili na may maaapektuhan sa kanilang ginawa." pagpapalawig pa niya sa kanyang hinuha.

"Sa tingin mo ay hindi inisip ng dalawa ang kahihinatnan ng kanilang ginawa?" ngayon ay si Quan ang nagtatanong sa kanyang estudyante.

Nais niyang marinig mula dito, sapagkat si Heshia ay may nais iparating. May nais ipaintindi at paniwalaan. Muli siyang tumango.

"Sa aking opinyon, marahil ay ganoon nga. Nagkulang sila sa pagpapaigting ng kanilang sarili. Masyado silang nabighani sa kanilang kapangyarihan. Wala silang paninindigan." nakangiti nitong paliwang na tila ba napakalaki ng kanyang kasiguraduhan sa kanyang lathala.

Napatitig sa kanya si Quan.

"Marahil ay napakalakas nga ng puting apoy at ng Meihr, ngunit kung sila ay naging matatag, magagawa at magagawa nilang makontrol ang kanilang kapangyarihan. Ngunit hindi, bagkus ay ang kanilang kapangyarihan ang siyang kumontrol sa kanila. Nagpatalo sila." bumuntong hininga siya at inikot-ikot ang tangkay ng hawak na bulaklak.

Sa kanyang pinapakita ay mas lalong humahanga sa kanya si Quan. Naroon ang pananabik sa kanyang damdamin sapagkat talagang hindi siya nagkamali na piliin si Heshia bilang kanyang taga-pagmana. Mayroon itong karunungan hindi lang sa pakikipaglaban kaya may sumilip na ngiti sa labi ni Quan.

"Sa iyong mga salita ay tila may nais kang tumbukin." pagsasatinig niya sapagkat hindi siya ganoon kamang-mang upang hindi mahinuha ang mga nakapaloob sa mga pahayag ni Heshia.

Napangiti ang binibini.

"Mayroon nga." pinaglapat niya ang mga labi. "Maaaring mag-isa ang puting apoy at Meihr, iyon ay kung matatag ang dalawang taga-pangalaga nito."

Mas napatitig sa kanya si Quan at lalong namangha.

"Kahit na gaano pa ito kalakas, kung mas malakas ka, hindi ka papadaig sa iyong kapangyarihan." sinalubong niya ang tingin ng kanyang maestro.

"Mayroon kang pansariling paniniwala." mahinang anito. "Wala pang taga-pangalaga ang naging mas malakas sa Meihr at puting apoy, Heshia." dagdag niya.

Umiling si Heshia.

"Iyon ay dahil walang sumubok." giit niya. Natigilan si Quan. "Natakot na ang kaharian sa kasaysayan, binalot na sila ng sindak sa dalawang kapangyarihan oras na pinag-isa. Kaya 'ni isang beses ay walang sumubok na pag-isahing muli ang mga ito dahil sa takot na muli itong magdala ng dagok."

The Untold EraWhere stories live. Discover now