Kabanata 60

20 2 0
                                    

ISANG MAGANIT na araw ang ngayon ay lumilipas. Ang palasyo ng Alteria ay hindi magkandaugaga sa paghahanda sa maaaring mangyari. Nakahanda ang mga hukbo at nag-aabang. Nakahanda ang mga sandata ng bawat mandirigma kung sakali man.

Sa tarangkahan ay mayroong maliit na lupon ang naghihintay. Lupon na batid nilang hindi maganda ang hatid gayong ang mga ito'y kanilang mahigpit na kalaban.

Lumapit si Ser Ñego sa Hari matapos nitong lumapit sa tarangkahan.

"Nais nilang pumasok, kamahalan." ulat nito kay Haring Mavrigall.

Taimtim at kalmadong pinagsiklop ng Hari ang mga kamay mula sa kanyang likuran.

"Paunlakan mo."

Nagulat ang lahat sa utos nito. Lalo na si Katherin. Papapasukin ng Hari ang mga Tervion? Paano kung pag-atake ang hangad ng mga ito?

"Hindi natin dapat hayaang lumapat ang kanilang mga paa sa ating palasyo, Ama." si Prinsepe Marcus iyon na may hindi kaaya-ayang ekspresyon.

"Ano pang saysay gayong may nakapasok na?" makahulugang giit ng Hari. Nagtaka ang karamihan ngunit si Marcus ay nagngingitngit.

Binalikan nito si Katherin at hinawakan ang kamay. Pinalikod siya ni Prinsepe Marcus at hindi na siya binitawan pa.

"May Tervion? K-kung ganoon... maaaring nariyan si Ismael." nababahala niyang litanya. "Si Eowyn. Mahal na Prinsepe, ang kapatid ko." nagsusumamo siya at bumalik sa harap nito.

Tinignan siya ni Prinsepe Marcus bago ito mapatingin sa entrada ng bulwagan. Naunang pumapasok si Heshia, kasunod si Eowyn at Gustave, at nasa likuran si Lumnus. Halos manlambot si Katherin nang makita ang kapatid niya.

"Eowyn!" inalis niya ang hawak sa kanya ng Prinsepe at madaling sumalubong sa mga ito. "A-anong nangyari? Bakit may dugo? Ayos ka lang ba?" sunod-sunod niyang tanong at sinuri kung mayroong sugat ang kapatid niya.

Lumuluha pa si Eowyn at hindi agad nasagot ang mga tanong ni Katherin. Tinignan nito si Gustave na inakay ni Master Gregor.

"Anong nangyari sa iyo, Gustave?" tanong nito sa anak at hindi napanatag nang makita ang malalim nitong sugat.

"Daplis lang.." tugon ng ginoo at tinignan si Eowyn.

"P-patawad.." nangangatal pa rin si Eowyn at hindi alam ang gagawin. Kasalanan niya kung bakit nangyari ito kay Gustave kaya labis siyang nagsisisi

"Ayos lang. Pangako, ayos lang." Ani Gustave na tila inaalo siya.

"Hindi maganda ang iyong lagay. Lumayo ka na dito, ngayon din." atas ni Master Gregor sa anak.

"Ngunit--"

"Huwag matigas ang ulo, Gustave."

Nanghihinang tumiim ang bagang ni Gustave at hindi na nagawa pang salungatin ang Ama. At kahit sapo ang sugat ay nagawa pa nitong hawakan si Eowyn upang isama. Awtomatikong nahila roon si Katherin dahil hawak din niya ang kapatid. Sumalubong naman sa kanila si Moyu.

"Si Ismael ba?"

Marinig lang ang pangalan ni Ismael ay napapahikbi si Eowyn. Tumango-tango siya at hindi mapalis ang kanyang ligalig lalo na dahil sa nangyari kay Gustave.

"Papasok sila dito kaya kailangan mong humayo, Eowyn." nag-aalalang sambit ni Moyu. "Ayaw kong dumapo pa sa iyo kahit ang tingin ng surot na iyon." gigil pang giit ng ginoo.

The Untold EraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon