Kabanata 25

29 1 0
                                    

HINDI NA NAGTAGAL pa ang pakikipagkamayan na iyon sa pagitan nila. Sapagkat gaano man katulin na bumitaw si Katherin ay siya ring liksi ng kamay ni Prinsepe Marcus sa pagbawi matapos magdikit ang kanilang mga palad.

Ayaw na rin niyang paigtingin pa ang nararamdaman sa dibdib niya kung kaya't sa abot ng makakaya, nagpanggap siyang normal sa harap nila. Tatabunan niya ang mga nangyari. Kailangan niyang maging komportable tulad ng sinabi ni Eowyn.

Tutal ay ganoon din naman ang pinapakita ng Prinsepeng ito, sa emosyon pa lang ay nakikita na ni Katherin na paninindigan nito ang sinabing kalilimutan nito ang kahiya-hiyang naganap sa pagitan nila, o sadyang wala lang talaga itong interes sa kanya.

Kahit ano sa dalawang iyon ay iniisip ni Katherin na dahilan kung bakit hindi na siya minsan pang sinulyapan ni Prinsepe Marcus. Kahit mapadaan man lang ang tingin sa gawi niya, hindi nangyari.

Ngumuso siya sa namuong kaisipan.

Ano naman kung hindi niya ako tinitignan? Mas mainam nga iyon upang buong loob akong maging komportable.

Minsan pa niyang sinilip ang Prinsepe at naabutan niya itong tumitipa ang daliri sa mesa. Hindi ito kumakain at nakakunot ang noo nitong nakatulala. Tila ba may sipi ng musika sa isip nito at ginagamit nito ang daliri upang itugtog ang sipi na iyon.

Hay, Katherin. Bakit ba lahat ay iyong napapansin? Bumuntong hininga siya at inalis na roon ang tingin. Ibang bagay dapat ang iniisip niya sa mga oras na ito.

Si Eowyn.

Hinawakan niya ang kamay ng kapatid. Nilingon siya nito kaya sinalubong niya iyon ng matamis na ngiti.

"Huwag kang mangamba..." Ang sinambit niya. Sapagkat ramdam niya sa pinakailalim ng puso ni Eowyn, nababagabag ito.

"Hindi kung nasa tabi lang kita." tugon naman ni Eowyn.

Lalong napangiti si Katherin at bigla ay may tinapat siyang maliit na bulaklak sa mukha ni Eowyn. Nagulat roon si Eowyn at napangusong kumurap-kurap.

"Para sa 'yo,"

"Erin..." angal agad ni Eowyn nang ilagay ni Katherin ang bulaklak sa tainga niya.

"Hindi ito likas na bulaklak. Isa itong palamuti, ginawa ko kanina lang." katwiran niya.

Hinawakan iyon ni Eowyn upang kapain, naramdaman niyang matigas nga iyon at hindi likas na bulaklak kaya hinayaan niya nalang ang ginawa ni Erin.

Matapos ay mataman niyang tinignan ang kapatid.

"Kay hilig mo sa palamuti sa buhok gayong ang buhok mo'y wala sa ayos." seryosong sermon niya dito.

Ngumuso si Katherin at kinapa ang kulot nitong buhok.

"Maayos naman, ah."

"Tignan mo," kinuha ni Eowyn ang tumakas sa pagkatali na nasa bandang mukha nito. "Ilang ulit ba kitang dapat paalalahanan? Sa tuwing dudulog ka sa hapag ay dapat nakahagod ng maayos ang iyong buhok upang walang sagabal." pinagsasabihan niya ang kapatid habang inaayos ang buhok nito.

"Iyong paru-paro kasi kanina, dumapo sila riyan at nang lumipad ay nahila." katwiran naman ni Katherin.

Nagtaas ng kilay si Eowyn, "Sinisi mo pa ang paru-paro."

Nang sandaling luminya ang labi ni Eowyn ay dagliang tinusok ni Katherin ang biloy nito. Mabilis na bumawi si Eowyn sa pamamagitan ng marahang pagpisil sa tungki ng ilong niya.

The Untold EraWhere stories live. Discover now