Chapter 11.2 - Agimat ng Diablo

14 3 0
                                    

"Lusubiin!" galit na sigaw ni Luntian at muling nagsagupa ang mga natitirang grupo. Sa kalagitnaan ng kaguluhan ay lumikas si Luntian pabalik sa lawa ng Lanao. Malaking pagbabago ang pagdating ni Lilac sa digmaan na iyon at hindi niya ito inaasahan. Sa tulong ng kanyang mga tikbalang na sagupain ang hukbo ng mga mandirigma ng prinsipe at ng mga elemento ay nagkaroon ng pagkakataong makatakas si Luntian. Hindi niya nakikita ang tagumpay sa pagkakataong ito, lubhang mapanganib lalo na at napasakamay nang muli ng anito ang punyal na nagpahirap sa kanya ng napakahabang panahon.

Sa tulong ng dalawa pang tikbalang na isinama niya sa paglikas at ng dalawang kapre ay natawid nila ang Lanao. Nang sumapit sa Marawi ay umahon ang mga ito at nagpatuloy sa paglikas hanggang Iligan. Lahat ng nayon na kanilang nadaanan ay kanila nang nasalakay ng sila ay unang sumapit sa pampang ng Iligan bago pa man magsimula ang digmaan. Halos lahat ng amalanhig na kampon ni Luntian ay nagmula sa mga bayang kanilang nadaanan patungo sa Lanao.

Nang makasapit sa Iligan, gamit ang balsa ng malalaking troso ay tinawid nina Luntian ang karagatan hanggang sapitin ang Siquijor. Ang isla kung saan tinipon ni Luntian ang kanyang hukbo bago tuluyang lumusob sa Mindanao sa pag-asang magagapi ang mga anito. Nang makasapit sa Siquijor ay mangilan-ngilan na lamang ang natitirang aswang sa lugar na ito dahil halos isinama nang lahat ni Luntian sa kanyang pagsalakay.

"Dalagsay..." malungkot na nasabi ni Luntian. At lumabas ang nananaghoy na kaluluwa ni Aurelio, "Isang pagkakamali ang paglusob na ito... ngayon ay batid na ng ating mga kalaban ang ating agimat na taglay," nasabi ni Luntian sa kasintahan. Patuloy naman sa nakakikilabot na panaghoy ang kaluluwa, "isang pagkakamali Aurelio, hindi nagtagumpay ang aking pagnanais na makamit ang agimat ng diablo. Hindi nagtagumpay na aking maakit ang kapatid ni Lilac na si Ram at magamit ito laban sa kanya, Hindi nagtagumpay ang aking nais na paslangin si Lilac sa Pila-pila. Hindi nagtagumpay ang aking paglusob sa mga anito. Aurelio, ano sa tingin mo ang dahilan?" malungkot na nasabi ni Luntian. Tumawa lang ng tumawa ang hirap na hirap na kaluluwa, tawa na nakapangingilabot din dahil tila isa ring paghihirap.

"Hindi... ka... mag..tatagumpay... ha...haa... ha... ahhh!!!!" nasabi pa ni Aurelio.

"Ang dahilan ng lahat ng mga pagkabigong ito Aurelio, ay ikaw..." at unti-unting nahigop ng katawan ni Luntian ang kaluluwa ng kasintahan at dahil na rin sa sobrang galit ay itinapon niya ang libro na binigay ni Aurelio sa apoy na nasa kanyang harapan at ipinikit ang mga mata. Dito sa loob ng yungib ng Cantabon ay nakakubli lahat ng mga naiwang aswang, maging ang mga tikbalang at kapre na kasama ni Luntian sa paglikas. Galit na namahinga ang dalaga.

Tahimik na nakahimlay ang magandang si Luntian. Kung pagmamasdan ay payapa ito ngunit sa kanyang diwa ay gising na gising ang dalaga. Sa kanyang pagpikit ay nakikita nito ang mga kaluluwa na nais kumawala sa kanyang kapangyarihan, lahat ito ay nagpupumilit na makalabas at nagmamakaawa. Sa kanyang diwa ay maingay ang panaghoy ng mga ito. Ngunit sa gitna ng lahat ay may isang kaluluwang tahimik na nakaupo. Tahimik at nakapako lamang sa kanya ang matalim na tingin ng mga mata nito. Sa kabila ng napakaamong mukha ay tumatagos kay Luntian ang titig ng kaluluwa ng tunay na Luntian. Walang imik, walang panaghoy, walang paghihirap, walang sakit, bagkus ay pangungutya at galit ang nararamdaman ni Milagros sa mga mata ng kaluluwa ni Luntian.

Mabilis na napabangon ang dalaga. Hindi niya batid na sumikat na ang liwanag sa labas ng yungib. Madilim ang kuweba at napapalibutan lamang siya ng mga nagniningas na mga mata ng kanyang mga kampon. Napatingin ito sa apoy malapit sa kanya kung saan itinapon ang aklat ni Aurelio. Mahina na ang apoy at nasunog na rin ang aklat, maliban sa pabalat nito. Dahan-dahang lumapit si Luntian dahil ang pabalat ay nanatiling buo, bukod pa dito ay tila may nagbabagang mga titik na nakasulat sa pabalat, mula harap hanggang sa likuran nito.

"Tawagin ang ermitanyo," utos ni Luntian. Ilang sandali pa ay mabagal na lumalapit ang matandang Pintados na aswang. Ang ermitanyong aswang na nagmula naman sa kabundukan ng Sibalom, kanluran lang ng Iloilo. Halos lahat ng aswang mula sa panay ay inipon ni Luntian sa Siquijor bago pa lumusob sa Mindanao.

Mga AgimatWhere stories live. Discover now