Chapter 10.2 - Sa Tamang Panahon

13 3 0
                                    

Mabilis na dumanak ang dugo sa pagsasalpukan ng mga mandirigma ng magkabilang panig. Ang mga amalanhig ni Luntian ay walang mga dalang sandata sapagkat ang hangad ng mga ito ay makagat ang kanilang makakaharap. Bawat makagat ng amalanhig ay ginagapangan ng lason, matapos bawian ng buhay ay muling babangon makalipas ang ilang sandali at isa na ring halimaw at kampon ni luntian.

Maingay ang pagtatama ng mga sandata ganoon din ang sigaw ng mga mandirigma, ng mga napapaslang, mga nasusugatan at ng mga lumulusob.

Si Tagawen ay pinalibutan ng mga Pintados na aswang at dahil sa batid din ng mga ito na hindi kailanman maaaring pumaslang ng mortal ang mga anito ay malakas ang loob ng kampon ng lisbusawen na sagupain si Tagawen. Madali lamang napapatumba ng Anito ang mga lumulusob na aswang sa kanya, hindi man ito mapaslang ng anito ay sinisiguro niyang hindi na magagamit ng mga ito ang kani-kanilang mga paa upang muling makidigma. Si Hiraya naman ay tumawag ng buhawi mula sa patak ng mahinang ulan at tinangay ng buhawi ang ilan sa mga aswang at itinapon sa lawa ng Lanao. Marami sa mga ito ay muling umaahon at bumabalik sa digmaan.

Si Imaculada ay mabilis ding napapaslang ang lahat ng sumusugod sa kanya, hindi nito iniiwan ang kasamang si Rogelio na nagsisimula na ring masanay sa pakikipaglaban. Dahil buhay ang kapalit kung ito ay hindi niya magagawa.

Si Luntian, gamit ang balatkayong agimat na napagwagian nito sa pinuno ng mga aswang na si Delubyo ay nag-anyong isa sa mga Pintados para makalapit sa kalagitnaan ng labanan. Alam niyang mamatyagan ng mga anito ang kanyang galaw at iniiwasan ni Luntian ang harapang pakikipaglaban sa mga ito hangga't maaari. Nang makarating sa karamihan ng mga naglalabang mandirigma ay nagpakawala ito ng kapangyarihan, halos kalahating kilometro paikot ang sakop ng kapangyarihang iyon at lahat ng napaloob dito ay nakuha niya ang mga kaluluwa. Sa kanyang pagkabigla ay pawang mga aswang na Pintados na bahagi ng kanyang hukbo ang binawian ng buhay at nahigop ng kanyang katawan ang napakaraming kaluluwang iyon. Natigilan ang lahat ng naroroon at dahil sa pangyayaring ito ay nasa kalagitnaan si Luntian-na nasa sarili na niyang kaanyuan, nang mga mandirigmang lumad. Nag-alangan sandali ngunit sabay-sabay ding lumusob ang mga ito para paslangin si Luntian. Gamit ang agimat ng mangangaso ay nagpakawala ng maraming sibat ang lisbusawen paikot sa kanyang kinalalagyan at wala ni isa ang nakalapit sa kanya.

"Grahh!" Ihinampas ni Harabas ang kanyang sandata malapit kay Luntian ng makita na napapalibutan at tila ba nasa panganib ang pinuno at tumilapon ang ilan pang natitirang buhay na mandirigma malapit dito. Mabilis na umakyat sa balikat ng kapre ang lisbusawen. Habang nakikipag laban ang kapre ay nananatili at mahigpit na nakakapit lang si Luntian sa balikat nito. Pinagmamasdan ang hukbo ng kanyang mga kalaban. Naglalahong parang bula ang suot na baluti ng mga napapaslang na kalaban, napansin din ng lisbusawen na may magkakaparehong suot na kwintas ang lahat ng mandirigma ng kabilang panig. Mabilis na bumitaw si Luntian sa balikat ng kapre at dinampot ang isa sa mga kwintas. Nang mapasakamay nito ang kwintas ay nakuha nito ang kaluluwa ng may suot.

"Mahusay..." nasabi ni Luntian sa sarili ng maging malinaw kung bakit hindi niya agarang nakuha ang kaluluwa ng kanyang mga katunggali. Muling nag-anyong Pintados ang lisbusawen at sa pakikipaglaban sa mga nakakaharap ay pilit niyang kinukuha ang suot na kwintas ng mga ito. Ngunit dahil sa baluti na iginawad ni Tagawen sa lahat ay hindi naging madali para kay Luntian upang makuha ang kwintas na nagtataglay ng kaluluwa ng kanyang mga kalaban kaya't sa gitna ng digmaan ay ang mga kwintas ng mga napapaslang niyang kalaban ang kanyang mga hinahawakan upang makuha ang kaluluwa dito.

Pasapit na ang dilim at tila ba hindi nauubos ang mga mandirigma ni Luntian.

Sa gitnang bahagi ng labanan ay nagharap si Drako at si Tagawen. 'di hamak na mas mataas si Drako sa anito, ngunit alam na alam ni Tagawen ang tungkol sa mga kapre.
Sumugod si Drako at inihampas ang mga palakol na sandatang galing sa kapangyarihan ng mangangaso na tangan ni Luntian. Mabilis naman itong naiwasan ni Tagawen, sinipang palayo ng anito ang ilang amalanhig na papalapit sa kanya. Muling lumusob ang kapre sa anito at inundayan ng sunod-sunod na taga, lahat ito ay naiwasan ni Tagawen.

Mga AgimatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon