Chapter 7.1 - Lihim

13 3 0
                                    

Maliwanag na ang sikat ng araw ng magising si Luntian, ang matigas nang katawan ng tikbalang ay nagsilbi niyang pahingahan sa magdamag. Bumangon ito at ramdam niya ang panibagong lakas ng umagang iyon. Nang may madaanang bukal ay hinubad nito ang buong kasuotan at naglinis ng katawang nabalot sa dugo ng tikabalang na si Rubo. Matapos ay nagpatuloy ito sa paglalakbay hanggang marating ang maliit na nayon sa gitnang bahagi ng isla.

"Diyos na mahabagin napapaano ka binibini?" tanong ng isang magsasaka at dali-dali nitong hinubad ang suot na damit at itinakip sa katawan ng dalaga. Dali-dali rin nitong kinuha ang balabal na kanyang inuupuan sa karitela at itinapis din sa ibabang bahagi ng katawan ni Luntian, "binibini, kung iyong pauunlakan ay maaaring makahingi tayo ng magagamit mong damit sa aking ina, ang aming tahanan ay sa 'di kalayuan lamang," paanyaya naman ng nag-aalalang si Joselito, isang magsasaka at nag-aalaga ng malawak na mga puno ng niyog sa lugar na iyon. Sa malalim na pag-iisip ni Luntian ay hindi niya namalayan ang nagpapahingang magsasaka sa kanyang daraanan. Tahimik lang ang lisbusawen at sumakay sa inialok na karitela. Habang daan ay nilalanghap niya ang mabangong simoy ng hangin, ang amoy ng kopra na isa rin sa pinagkakakitaan ng pamilya ni Joselito. Nang makarating sa kanilang bahay ay gulat na gulat din ang kanyang ina sa kanyang kasama, "Inay! Inay! Madali po kayo at inyong abutan ng mapagbibihisang saya ang binibini, akin po siyang natagpuan doon sa may niyugan at ako'y lubhang nag-aalala sa kanyang kalagayan."

Si Luntian ay nananatiling walang imik, at pinakikiramdaman lang ang lahat. Si Joselito ay isang matangkad na ginoo at sa kanyang wari ay kaedad lamang ito ni Luntian ng kanyang kunin ang kaawa-awang kaluluwa ng dalaga.

"Ay Joselito ano ba ang nagyari? Saan mo natagpuan ang binibini ay diyos ko napapaano ka hija? Ay halika hija halika, anak napapaano ikaw? Ito ba ay kagagawan ng mga kawal? Ikaw ba ay may tinamong sugat? may pinsala ka ba?" usisa ng ina ni Joselito, "ikaw ba ay may nararamdamang masakit sa anumang bahagi ng iyong katawan?" nag-aalalang tanong ulit ng matandang ginang at umiling lang si Luntian. Ipinaghain ito ng ina ni Joselito ng mainit na sabaw matapos na maalalayang makapagbihis at hinayaan nang mapag isa ang dalaga sa hapag-kainan. Sa labas ng bahay ay kinausap ni Amorsela ang anak. "Joselito, saan mo natagpuan ang binibining iyon? ang kanyang kutis at ganda ay tila banyaga ngunit hindi naman ito kastila sa aking pakiwari. Napakagandang binibini, sa iyo bang tingin ay biktima ang binibini ng mga kastila? ngunit wala akong makitang pinsala sa kanya. At maayos naman ang kanyang pangangatawan..." mahinang bulong ng ina ni Joselito.

"Maraming salamat po sa inyong pagtulong," nagulat pa ang mag-ina ng marinig si Luntian na lumabas na rin ng bahay, "ang akin pong pangalan ay Luntian. Ako po ay manlalakbay mula sa hilaga at nag-aaral ng mga sinaunang alamat at baybayin. Ngunit sa aking pagsasaliksik sa ibat-ibang bahagi ng kabundukan na aking nadadaanan ay lubha akong napaloob sa kapusuran ng kagubatan. Maaari ko bang malaman ang ating kinaroroonan?" magalang na tanong naman ni Luntian. Tila na engkanto ang mag-ina sa ganda ng dalaga at maging sa mahinahon at magiliw na tinig nito.

"B...B...Bo...Bohol... binibini...." sa wakas ay nabigkas ni Joselito.

"Ako ay iyong natagpuan sa kagubatan, ang aking huli lamang na natatandaan ay nang ako ay makaramdam ng gutom at naghanap ng mga makakaing kabute. Ako ay lubhang nagpapasalamat ganoon din sa kasuotang ito," pagsisinungaling ng dalaga.

"Maaaring ang iyong nakaing kabute ay isang uri na nakakalason... ikaw ay pinalad sapagkat kung masyadong naparami ang iyong nakain ay maaaring iyo itong ikapahamak. Halinang muli sa loob at ikaw ay magpahinga, maaari kang manatili hangga't iyong nais," paliwanag naman ni Amorsela.

"Inay ako po ay tutungo ng muli sa niyugan at akin na ding sasabihan si ama patungkol sa ating panauhin," paalam ni Joselito, "maaari ba kitang samahan Joselito? Nais kong maikot ang lugar na ito, mukhang napakatahimik, maayos na rin naman ang aking pakiramdam.... sa iyo bang tingin ay magiging ligtas ang maglakbay kasama ako?" tanong ni Luntian. Napatingin naman ang binata sa kanyang ina.

Mga AgimatWhere stories live. Discover now