Chapter 1.3 - Makaluma

38 4 0
                                    

Nang muling magkamalay si Lilac ay narinig niya ang tunog ng ilog. Nararamdaman ni Lilac na basa ang kanyang kinahihigaang batuhan. Kumurap-kurap, nagtangkang kumilos ngunit naramdaman niya ang sakit ng kanyang likod.

"Kuya?..." mahinang tawag ni Lilac. Bumaling si Lilac sa kanyang kaliwa at naroroon ang kanyang kapatid sa 'di kalayuan na nakaluhod at tila kakabangon lang din.

"Lilac..." mahinang tawag nito pagkakita sa kanya at agad nitong nilapitan si Lilac para tulungang makabangon. "Kumusta na ikaw? Anong masakit sa iyo? Napaano ka? Sinaktan ka ba nung dalawang siraulong nakita namin sa taas?" sunud-dunod na tanong at sabay na tumingala ang dawala. Ang nakita nila ay bughaw na kalangitan at mga dahon ng matataas na punong kahoy. Wala na sila sa loob ng kweba.

"Kuya, yung punyal...." nagkatinginan ang dalawa, nabigla rin si Lilac sa kanyang sinabing 'punyal'.

"Ano yun?" tanong ni Ram.

"Yung kutsilyo kuya ayun o, malapit sa tubig. Nasaan na si lisbusawen?" paliwanag ni Lilac habang dahan-dahang bumabangon. Unti-unti nang bumabalik ang kanyang lakas.

"Lisbusawen? Pangalan ba iyon. Yun ba yung magand... uhm,... yung ano, yung babae na hawak-hawak ka kanina?" usisa ni Ram.

"Kakaiba ka talaga kuya," sabay irap nito sa kapatid. Kinuha ni Ram ang patalim at tinitigan ito nang may pagkamangha.

"Yung... magandang babae..... yung... yung siya..." mahinang sagot ni Ram sabay turo sa kabilang bahagi ng ilog.

"Diyos ko... siya ba iyon?" tanong ni Lilac sa sarili. Biglang binawi ni Lilac ang takot at inagaw ang patalim sa kamay ng kanyang kapatid.
"Kung ano man po kayo, o ikaw, kung sino ka man o ano ka man, huwag na huwag kang lalapit sa amin kung ayaw mong ibalik ko sa likod mo itong... itong..."

"Punyal..." bulong ni Ram kay Lilac habang hindi naaalis ang tingin sa binibini sa kabilang panig ng ilog.

"Itong kutsilyo! Kutsilyo ang tawag dito ok? Halika subukan mo!" galit na sigaw ni Lilac habang nakatutok ang punyal... o, kutsilyo, sa lisbusawen na nasa kabilang bahagi ng ilog. Sumugod sa kanila ang lisbusawen pero tumigil din bago pa man ito sumapit sa tubig. Napaatras at natumba ang magkapatid pero dali-dali din bumangon agad.

"Luntian. Luntian ang aking ngalan..." magiliw na sigaw nito habang matalim ang tingin kay Ram. At ito ay tumalikod at mahinahong humakbang papalayo sa ilog hanggang sa ito ay nawala na sa kakahuyan.

"Kuya... kuya... Huy!" kalabit ni Lilac sa kapatid. "Anong nangyayari? Nananaginip siguro ako kuya," bulong ni Lilac. Lumuhod si Ram sa gilid ng ilog, sumalok ng tubig sa kanyang mga palad at inihilamos sa sarili. Kasunod niya ay lumuhod din si Lilac sa kanyang tabi, sumalok ulit si ram at inihilamos kay Lilac.

"Gising na gising tayo. Pero wala akong maintindihan sa nangyayari. Ikaw ang nakagraduate ng college ipaliwanag mo nga lahat ito," pahayag ni Ram na bahagyang ramdam sa boses ang pag-aalala at nakamasid sa paligid.

"Kuya 'wag ka ganyan, pag natakot ka pa paano na ako. Saka ano naman kinalaman ng nakagraduate sa college sa ganito," nakangusong sagot naman ng dalaga.

"Siguro, dapat hindi mo siya tinutukan nung... kutsilyo. Parang 'di bagay ang salitang kutsilyo diyan o, tingnan mo nga. Ang kutsilyo e yung tig-bebente lang sa palengke. Yung ni hindi makahiwa ng bawang. E ito..." iniangat ni Ram ang patalim, itinapat sa araw at tila inuusisa ang disenyo, mga marka at ang pagkakagawa dito. "May nakasulat kaso nakita ko na itong ganito pero 'di ko maalala kung saan... tatawagin mo ba itong kutsilyo? Sa ganda nito,"

"E 'di tawagin mong Luntian," galit na sagot ni Lilac, "muntik nga 'ata ako patayin no'ng matandang 'yon kuya gusto mo pa 'ata ligawan. Tapos hiniwa pa niya yung kamay ko tingnan m..." natigilan si Lilac ng ipakita ang kanyang palad sa kapatid, ang sugat na kanyang tinamo sa kamay gamit ang patalim ay gumaling na, at marka na lang ang naiwan.

Mga AgimatWhere stories live. Discover now