Chapter 1.1 - Lilac

64 6 0
                                    

"Lilac!" tawag ng kanyang ina, "saan ka na naman ba nagpunta kagabi bata ka ha?"

"Nagpaalam naman ako sa iyo 'di ba ma? Hindi ba't may pinasukan akong encoder na trabaho sa may munisipyo, panggabi kaya iyon," tampong sagot ni Lilac,
"andito naman si kuya Ram ah 'di ba, nasaan na naman ba iyon?"

Si Lilac Guttierez, nag-iisang dalagang anak ng medyo malilimutin nang si Ginang Timothea Guttierez. Sa edad na 19, si Lilac ang siyang naghahanapbuhay para sa kanyang ina at dalawang kapatid. Si Ramon Guttierez na pinakamatanda sa magkakapatid ay hindi masasabing ulirang panganay at ang kanilang bunso na si Ricky Guttierez Jr. ay walong taong gulang. Ang kanilang amang si Ricky Guttierez Sr. ay pumanaw noong si Lilac ay nasa second year college, kaya't ang kanyang huling dalawang taon sa pag aaral ay puno ng sakripisyo at pagtitiis para makatapos sa kanyang kursong Bachelor of Science in Accountancy. Kakatapos lamang niya ng pag aaral ay nagsumikap na siyang makahanap ng full time na trabaho para mabayaraan ang mga pinagkakautangang kamag-anak, kapitbahay at bangko na pinagkuhanan nila para mairaos ang kanyang edukasyon at pang araw-araw nilang gastusin. Ang kanyang nakatatandang kapatid ng dalawang taon, si Ramon, o Ram kung kanilang tawagin, ay nakadalawang taon lang sa kolehiyo at tumigil na dahil sa klasikal na istorya ng mga kabataan; inom at barkada. Namamasada ito ng tricycle... kapag sinipag.

"Kuya lasing ka na naman kagabi, alam mo nang kelangan kong mag doble ng trabaho para sa inyo. Konting tulong naman diyan," mahinahong sabi ni Lilac kay Ram at halos nagmamakaawa na.

"E, niyaya kase ako diyan lang naman sa tapat. Pasensya na," sagot ni Ram. Kahit hindi maituturing na responsible si Ram, mahal niya ang kanyang mga kapatid at ina. Ipagtatanggol niya ang mga ito sa lahat ng oras, 'yun nga lang, talagang nuknukan ng tamad minsan at halos walang alam na hanapbuhay, ngunit maaasahan naman paminsan minsan sa pagluluto.

"Si Ricky na nga lang ang bibilinan ko mamaya mas mabuti pa, sabihin ko pagalitan ka pag nag-inom ka na naman, kase mamayang gabi papasok ako kahit holiday sayang naman ang double pay,"

Sa kasalukuyan, habang si Lilac ay patuloy na naghahanap ng mapapasukan bilang accountant, siya ay nagtatrabaho bilang encoder sa isang maliit na kumpanya malapit sa munisipyo ng kanilang bayan. Bukod pa doon ay namasukan din siya bilang part time clerk sa Unishoppe, isang department store din sa bayan. Maliit na sweldo ngunit napagkakasya nila kahit gaano kahirap.

"Matutulog muna ako mamaya na ako kakain pagkagising," sabi ni Lilac sa kanyang kuya na nagluluto.

"Sige matulog ka lang at babawi ako sa sarap ng luto ko, special instant noodles partner ng pritong itlog pagkagising mo. para kang reyna noon, o 'di ba, wag ka na magalit ha," sagot naman ng kanyang kuya Ram. Nginitian lang siya ni Lilac sabay pasok sa kwarto.

Pagkabihis ay pagod na sumalampak sa kanyang munting higaan, at nakatulala sa kisame, habang nangingilid ang luha, "instant noodles at pritong itlog... yan ang pinaghihirapan ko araw-araw..." bulong ni Lilac sa kanyang sarili.

Sumulyap siya sa kanyang telepono upang alamin ang oras, mag aalas singko ng umaga, 9% ang battery ng kanyang telepono pero wala na siyang lakas para bumangon at icharge ito. Ang antok ay minuto lang ang layo pero hinila pa niya ito palapit para hindi na magkaroon ng pagkakataon ang kanyang isip na magmukmok sa sitwasyong wala siyang kalaban-laban, at ang paraiso ng tulog ay mabilis na dumating kay Lilac.

Hindi kalaunan ay nagising si Lilac sa kalabog ng bubungan at dali-dali siyang tumakbo palabas ng kanyang silid. Tahimik at nakaayos ang lahat ngunit mayroong hindi tama.

"Ma? Kuya?" tawag ni Lilac habang sinisilip niya ang kusina kung nasaan ang kanyang mga kasama sa bahay,"Ricky?" nang walang sumagot sa kanyang tawag, nakaramdam si Lilac ng kaunting takot dahil tahimik ang paligid. Malayo sa nakasanayan niyang ingay ng kapitbahay na nag-aaway sa walang kakwenta-kwentang bagay, sa mga tricycle, at mga asong ginagawang kubeta ang buong barangay. Maliit lang ang kanilang tahanan, dalawang kwarto. Isang kwarto para sa kanyang ina, siya at si Ricky ay magkasama sa isang kwarto, at ang kanyang kuya ay sa sala natutulog. Kaya hindi siya sanay na paglabas ng kwarto ay wala siyang matatagpuan kahit isa sa kanyang pamilya, "kuya? " mahinang tawag ulit ni Lilac at may tono na ng pag aalala.

Mga AgimatWhere stories live. Discover now