Chapter 11.1 - Hanggang sa Muli

16 3 0
                                    

Magtatakip-silim nang marating ng grupo nina Lilac ang maingay na palasyo sa Kalilangan. Ang mga elemento na kanilang kasama ay nag-anyong mortal sunod na din sa iipinangako ni Tagawen sa prinsipe para maiwasan ang pagkabahala ng mamamayan.

Mataas ang bakuran ng palasyo at magara ang pagkakagawa dito. Nakabukas ang dalawang malalaking pinto at tanaw ng magkakasama ang abalang kaganapan sa loob nito. Si prinsipe Mangigin ay nakaabang sa kanilang pagdating kaya't malayo pa lamang ay natanaw na agad ang mga ito ng prinsipe. Sa malawak na bulwagan ng palasyo ay naroroon ang matanda nang sultan ng Mindanao, si sultan Kibad. Sa bandang likuran nito ay nakatayo ang nakababatang prinsipe na si prinsipe Makakwa.

"Mga kapatid na mandirigma! Sa wakas ay inyong pinaunlakan ang aming paanyaya. Halina at kayo ay nais makadaupang-palad ng aking ama. Paumanhin sapagkat nais man niyang tumungo upang kayo ay salubungin ay lubha nang may katandaan ang aming sultan," masayang salubong naman ng prinsipe at magkakasabay na tumungo ang mga ito sa napakalawak na bulwagan ng palasyo kung saan sa tuktok ng hagdan ay naroroon ang sultan. Binulungan ng nakababatang anak ang sultan, dahil sa malabong paningin ng matanda ay hindi niya nakikita at nakikilala ang mga nakapaligid kung ito ay malayo sa kanya. Nang malaman ang paglapit ng mga panauhin ay hirap na hirap na tumayo. Mabilis naman itong inalalayan ng nakababatang prinsipe at isa sa mga bantay, at marahang bumaba ng hagdan ang sultan sa harap ng mga panauhin.

"Asalam'alaikhom mga kapatid..." marahang bati nito.

"Alaikhom'asalam sultan Kibad," Isa-isang sagot naman ng mga panauhin.

"Nais kong ipahiwatig at iparinig sa buong palasyo ang aking kagalakan. Ngunit ako ay lubhang mahina na, ipagpatawad ninyo. Ngunit hindi mapipigilan ng katandaan ang aking taos pusong pasasalamat sapagkat marami sa aking mga kapatid na nagtanggol sa bayan ay nakauwing muli sa aming piling. Higit na pasasalamat ay ang aking anak na si Mangigin ay amin pang kapiling sa oras na ito. Bagama't napakarami ng nasawi at nagbalik sa ating lumikha, ito ay isang matagumpay na araw at ang kanilang pagkasawi ay nagbunga ng buhay. Tanggapin ninyo ang aking pasasalamat at ang aming inihandang salu-salo para sa lahat ng bayani sa araw na ito," mahinang nasabi ng sultan sa mga bisita. At muli inalalayan ng magkapatid na prinsipe ang sultan sa kanyang upuan. Matapos ay sinamahan ng prinsipe ang grupo ng mga dayuhan at elemento sa isang lamesa sa kalagitnaan ng malawak na bulwagan ng palasyo. Ang lahat ay nagsimula nang magsalu-salo sa inihanda ng sultan para sa lahat.

Kinagabihan, naiayos nang muli at nanumbalik ang katahimikan ng palasyo. May kanya-kanyang silid na ibinigay ang prinsipe kay Ram, Lilac, Rogelio, at Imaculada na kanilang pagpapahingahan sa gabing iyon at ganoon din sa mga anito, diwata, at engkanto. Matapos makapaglinis at makapagpalit ng kasuotan ay tuluyan nang bumigay ang mga pagod na katawan, nakatulog at hindi na muling nakalabas ng silid ang apat na dayuhan.

"Ano ang makabubuting susunod na hakbang Tagawen?" tanong ni Hiraya.

"Hindi sapat ang panahon ng ating pakikipag-usap sa ating mga kaibigang mortal dahil sa naganap na digmaan kung kaya't mas makabubuting sa pagbukang liwayway at saka natin muling alamin mula sa kanila ang pakay ni Luntian," sagot ni Tagawen. Sumang-ayon naman ang lahat at nagpahinga na rin ang mga ito sa mga ibinigay na silid ng prinsipe. Maliban kay Tagawen at Akabe na nanatiling nakabantay sa mataas na bahagi ng palasyo. Pinakikiramdaman ang kadiliman ni Luntian. Kahit gamitin ni Luntian ang kanyang balatkayo ay makikilala pa din siya ng dalawang magigiting na anito kung siya ay hindi napapalibutan ng kanyang mga kampon.

Kinaumagahan matapos makakain ng mainit na kakanin ay niyaya ng prinsipe na dumulog ang lahat ng kanyang panauhin sa kanyang malawak na silid, at doon nag-usap-usap ang mga ito.

"Mahal na Maya, ayon sa iyong isinalaysay ay labis ang galit ng lisbusawen sa akin, sa sumalongson, at sa gugurang?" panimula ni Tagawen.

"Oo Tagawen, ng aking unang makaharap si Luntian at nasambit niya ang pagnanasang makapaghiganti sa inyo mga mahal na anito," sagot naman ni Maya.

Mga AgimatМесто, где живут истории. Откройте их для себя