Chapter 4.1 - Mga Anito

29 4 0
                                    

Sa gabi din na iyon, sa isang yungib malapit sa kalbaryo na kasalukuyang pinagtataguan ng lisbusawen...

"Dalagsay..." bulong ni Luntian, at unti-unting lumabas ang kaluluwa ni Aurelio sa kanyang palad, "aking Aurelio... kailangan kong muli ang tulong mo. Minsan mo pa akong tulungan, at aking ipagkakaloob ang iyong kalayaan, ang kapahingahan ng iyong espirito," pang-aamo ni Luntian sa kaluluwa ng kanyang dating kasintahang si Aurelio.

"Isang pagkakamali na ikaw ay aking tulungan, hindi nang muli... hindi na ikaw ang aking pinakamamahal na si Milagros," sagot ng kaluluwa sa nakakikilabot at naghihirap na boses.

"Oh Aurelio... hindi pa ba sapat na halos naubos ang iyong angkan dahil sa iyong pagtanggi sa aking mga munting kahilingan? Wala na ba ang ating matamis na pagtitinginan? Hahaha..." malambing na nasabi ng dalaga, "kung ako'y iyong minsan pang pagbibigyan... palalayain na kita aking mahal. Sa iyo bang akala ay, nagagalak ang aking pusong maisip, makita, maramdaman, at marinig ang iyong panaghoy? Ngayon, ayon sa aklat na ito... ano ang aking nararapat gawin, upang mahigitan ang kapangyarihan ng punyal at ng kwintas. Sa aking wari ay magiging balakid ang ating mga bagong panauhin sa aking mga plano at hindi ko hahayaang may makahadlang sa akin upang matagpuan ang agimat ng diablo!" utos ng dalaga sa kaluluwa. Ngunit nanatiling umuungol lamang sa paghihirap ang kaluluwa ni Aurelio. "Ikaw lamang ang nakakabasa ng aklat na ito. Ikaw ang nagturo sa akin kung paano gamitin ang aking kapangyarihan sa pag-aakalang lahat ng ito ay mahiwagang mga alamat lamang. Ikaw din ang makakatukoy kung anong agimat ang makahihigit pa sa aking kakaharapin," mahinahong paliwanag ng dalaga. At muli ang hirap na hirap na panaghyoy lang ni Aurelio ang nakuha niyang sagot.

Sa kaliwang kamay ni Luntian ay nagpalabas ito ng isa pang kaluluwa. Isa sa tatlong kapatid ni Aurelio.

"Ar... Arturo? parang awa mo na Luntian, palayain mo ang kaluluwa ng aking kapatid, ang iyong puso ay puno ng kadiliman, paano mo nagawa ito sa aking pamilya?" pinipilit ng kaluluwa ang bawat salita. Kahit ang pagsasalita ay pahirap sa mga bihag ni Luntian.

"Kuya Aurelio, hirap na hirap na ako... tulungan mo ako..." pagmamakaawa ng kaluluwa ng kapatid ni Aurelio.

"Nakabibighaning pagmasdan, ang muling pagkikita ng magkapatid hihihi... ang isa ay mananatiling bihag, ang isa ay tuluyang mawawala... ngunit kung ikaw ay sasang-ayon aking irog, sa aking kahilingan. Maaaring lumaya ang iyong pinakamamahal na kapatid," mahinahong paliwanang ni Luntian, "O hindi kaya'y..." at unti-unting pinakawalan ni Luntian ang kapatid ni Aurelio.

"Kuya Aurelio, nawawala na ang sakit... ang paghihirap na hindi kayang ipaliwanag ng kahit anong wika... Ang walang hanggang pagdaloy sa buong katawan ng mainit na usok at lupa, nawawala na kuya..." nasabi ng kaluluwa ni Arturo habang ito ay unti-unting binibitawan ng kapangyarihan ni Luntian.

"Magpakalayo-layo ka Arturo, lisanin mo na ang lugar na ito. ikaw ay mapanatag sa piling ng ating lumikha. Luntian, salamat sa iyong pagpapalaya sa aking kapatid... ikaw ay aking tutulungan sa bukang liwayway, upang makasigurong tuluyan nang nakalaya si Arturo sa iyong kapangyarihan," nasabi ni Aurelio at namaalam na ang kaluluwa ng kanyang kapatid. Nakatitig lamang si Luntian sa lumalayo at unti-unti nang nawawalang espirito ni Arturo. Pinag-iisipan ang sinabi ng kaluluwa ng dating kasintahan.

"Bueno. Sa bukang liwayway. Sa ngayon, ikaw ay magbalik sa iyong paghihirap aking mahal," sagot sa kanya ni Luntian. At muling nawala ang usok na nag-anyong kaluluwa ni Aurelio kasabay ang kakila-kilabot na panaghoy nito na unti-unti ring humina hanggang sa tuluyang nawala.

Lumabas si Luntian sa kanyang pinagtataguang kweba malapit sa kalbaryong nakatayo sa tuktok ng mababang bundok paharap sa kabayanan. Umakyat siya at naupo sa tuktok nito habang nakasandal sa malaking krus na nakatayo dito. Pinagmamasdan nito ang kabuuan ng Binangonan. Ang daungan, sa kabilang bahagi ng lawa naman ay abot ng kanyang tanaw ang natitirang alaala ng alamat ng tulay ng diablo.

Mga AgimatWhere stories live. Discover now