Chapter 8.2 - Pag-asa

12 3 0
                                    

Halos hindi mapakalma ni Rogelio at Imaculada si Ram. Simula ng magising sila ay hinanap na nila ang dalaga at nang may makapagbalita sa kanila sa mga pangyayari ng nakaraang gabi ay hirap na hirap silang pigilan si Ram na tumalon sa tubig at hanapin ang kapatid. Mataas na ang sikat ng araw at ilang sandali na lang ay dadaong na sila sa Roxas. Mugto ang mga mata ni Ram at ilang beses na rin itong pinakalma ni Imaculada. Lubos ang awa ni Rogelio at Imaculada sa nasasaksihang paghihirap ni Ram. At dahil sa pagkawala ng dalaga ay hindi nila alam kung papaano muling sisimulan ang paglalakbay na ito.

Mabigat ang mga paa sa paghakbang ay pinilit ni Rogelio na akayin si Ram palabas ng barko. Nang kasalukuyang malungkot at tahimik na naglalakad Sina Rogelio, Ram, Imaculada at ang batang si Manuel ay tila sila namalik-mata ng makitang may humahangos na dalagang patungo sa kanila. Mabilis itong hinabol at inabutan ng mga kawal.

"Kuya!" sigaw ni Lilac at mabilis na tumakbo rin palapit ang dalawa, tinutukan sila ng baril ng mga kawal at si Rogelio ay dali-dali namang inilabas ang mga kasulatan.

"Señor espere! espere! aquí están nuestros papeles!" sigaw naman ni Rogelio habang papalapit. Matapos na mabasa ay nag-alangan pa ang mga kawal, "quieres que hable con tu heneral?" tanong ni Rogelio kung kailangan pa niyang kausapin ang heneral ng mga kawal. Agad namang binitawan ng mga ito ang dalaga at matapos humingi ng paumanhin ay nagpaalam na sa kanila. Mahigpit na yumakap ang kapatid sa kanyang kuya at matapos ay yumakap din kay Imaculada at kay Rogelio. Kinurot ito ni Ram sa likod ng mapansing medyo matagal ang yakap ng dalaga sa ginoo. Matapos ito ay yumukod at humalik sa pisngi ng batang si Manuel.

"Namiss ko po kayong lahat, akala ko po hindi ko na kayo makikita," masayang bati naman ni Lilac habang magkaakbay silang magkapatid. Sisinghot-singhot pa rin si Ram, "wooaahhhh umiyak ka kuya? Umiyak ka? yuck umiyak ang hero hahaha..." panunukso ng dalaga sabay yakap ulit sa kapatid.

"Kami man ay lubos ang pasasalamat at nakita kang muli Lilac. Mukhang isang mahabang kwento na naman ang naghihintay sa ating gabi?" nakangiting tanong ni Rogelio.

"Bueno, ginang Imaculada. Ngayon tayo ay naririto na sa Roxas, ano sa iyong tingin ang naghihintay sa atin," tanong nito sa tahimik na naglalakad na ginang.

"Hindi ko maipaliwanag ngunit nabalot ng galak ang aking puso sa muling paglakad sa aking bayan..." masaya rin namang nasabi ni Imaculada.

"Mga kasama, ang ating paglapag sa Roxas ay puno ng galak. Nawa'y maging maayos ang lahat," nasabi ni Rogelio sa mga kasama habang hinihintay na maibaba ang kanilang mga kabayo at kalesa.

"Binibini... ako ay lubos na natutuwa at nagpapasalamat kay Bathala sapagkat ikaw ay ligtas," at hinalikan ni Rogelio sa noo ang dalaga.

Ilang sandali pa ay naglalakbay na ang mga ito patungo sa gitnang bayan ng Roxas para makausap ang lolo ni Imaculada. Mauuna muna itong madaanan bago ang barrio Tabuc kung saan sila noon ay naninirahan kasama ang kanyang amang si Juan.

"Nais mo bang isalaysay kung paanong ikaw ay naunang nakasapit sa Roxas?" tanong ni Rogelio habang minamando ang kalesa.

"Eh... opo sana kaso, weird po. Hindi ko nga alam kung totoong nangyari," sagot ni Lilac.

"Bueno, kami ay naghihintay lamang binibini," at nagpatuloy na sa pagmamando ng kanilang kalesa si Rogelio.

"Hindi mo talaga sasabihin?" tanong ni Ram.

"Hintayin ko muna kuya kung anong mangyayari do'n sa balayban. Saka ko ikukwento sa lahat ang kakaibang experience na iyun," sagot ni Lilac.

"Babaylan," halos sabay namang nasabi ni Imaculada at Rogelio.

"E 'di kayo na ang sabay..." nakangusong bulong naman ng kapatid. Si Ram ay natatawa lang sa inaasal ni Lilac.

Tahimik ang paligid ng sila ay malapit na sa kubol ng babaylan. May mangilan-ngilang natitigilan sa pagwawalis ng sila ay makita. Ang ilan naman ay lumalabas ng bahay, dumudungaw ang iba para makita kung sino ang mga dayo na kasalukuyang nag-iikot sa kanilang bayan. Bago pa man makalapit sa kubol ay may mga kabinataan na humarang sa kanila.

Mga AgimatWhere stories live. Discover now